Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagkamuhi sa “Malalalim na Bagay ni Satanas”

Pagkamuhi sa “Malalalim na Bagay ni Satanas”

Kabanata 10

Pagkamuhi sa “Malalalim na Bagay ni Satanas”

TIATIRA

1. Gaano kalayo ang Tiatira mula sa iba pang mga kongregasyon, at ano ang kalagayan ng relihiyon doon?

 MGA 65 kilometro patimog-silangan ng Bergama (Pergamo) ay ang maunlad na bayan ng Akhisar sa Turkey. Mga 1,900 taon na ang nakararaan, dito sa bayang ito masusumpungan ang Tiatira. Mula sa Pergamo, madaling mararating ng naglalakbay na tagapangasiwa ang Tiatira sa pamamagitan ng lansangang papaloob mula sa baybayin at makalilibot siya upang marating ang natitira pang mga kongregasyon na binabanggit sa Apocalipsis kabanata 3​—Sardis, Filadelfia, at Laodicea. Di-gaya ng Pergamo, waring hindi naging mahalagang sentro ng pagsamba sa emperador ang Tiatira, subalit mayroon itong mga dambana at templo na naaalay sa paganong mga diyos. Napabantog ang Tiatira bilang sentro ng pangangalakal.

2, 3. (a) Ano ang naunang iniulat tungkol sa isang taga-Tiatira na naging Kristiyano? (b) Ano ang kahulugan para sa mga Kristiyano sa Tiatira ng pagtukoy kay Jesus bilang “Anak ng Diyos” at na ang kaniyang “mga mata ay tulad ng nagliliyab na apoy”?

2 Noong nangangaral si Pablo sa Macedonia, nakilala niya ang isang babaing taga-Tiatira na nagngangalang Lydia, isang tindera ng purpura. Malugod na tinanggap ni Lydia at ng kaniyang buong sambahayan ang mensaheng ipinangangaral ni Pablo at nagpakita siya ng di-karaniwang pagkamapagpatuloy. (Gawa 16:14, 15) Siya ang napaulat bilang kauna-unahang taga-Tiatira na tumanggap sa Kristiyanismo. Nang maglaon, isang kongregasyon ng mga Kristiyano ang naitatag sa mismong lunsod na ito. Dito ipinatutungkol ni Jesus ang kaniyang pinakamahabang mensahe: “At sa anghel ng kongregasyon sa Tiatira ay isulat mo: Ito ang mga bagay na sinasabi ng Anak ng Diyos, siya na ang mga mata ay tulad ng nagliliyab na apoy, at ang kaniyang mga paa ay tulad ng mainam na tanso.”​—Apocalipsis 2:18.

3 Ito ang tanging pagkakataon na lumitaw sa Apocalipsis ang pananalitang “Anak ng Diyos,” bagaman sa ibang talata ay tinutukoy ni Jesus si Jehova bilang “aking Ama.” (Apocalipsis 2:27; 3:5, 21) Ang paggamit dito ng titulong iyon ay malamang na nagpaalaala sa mga Kristiyano sa Tiatira hinggil sa matalik na kaugnayan ni Jesus kay Jehova. Ang Anak na ito ay may ‘mga matang tulad ng nagliliyab na apoy’​—isang babala sa mga Kristiyano sa Tiatira na ang kaniyang paghatol ay mag-aalab laban sa anumang bagay na makikita niyang nagpaparumi sa kongregasyon. Tinukoy niya sa ikalawang pagkakataon ang kaniyang nagbabaga at tulad-tansong mga paa upang idiin ang kaniyang nagniningning na halimbawa ng katapatan habang lumalakad siya sa lupa. Walang pagsalang sinunod ng mga Kristiyano sa Tiatira ang kaniyang payo, at gayundin ang dapat nating gawin ngayon!​—1 Pedro 2:21.

4, 5. (a) Bakit binigyan ni Jesus ng komendasyon ang mga Kristiyano sa Tiatira? (b) Paanong ang kongregasyon sa Tiatira ay kagaya ng mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon?

4 Nakatutuwa naman at may komendasyon si Jesus sa mga taga-Tiatira. Sinasabi niya: “Alam ko ang iyong mga gawa, at ang iyong pag-ibig at pananampalataya at ministeryo at pagbabata, at na ang iyong mga gawa nitong huli ay higit kaysa sa mga nauna.” (Apocalipsis 2:19) Di-tulad ng mga taga-Efeso, hindi naiwala ng mga pinahirang Kristiyano sa Tiatira ang kanilang unang pag-ibig kay Jehova. Matibay ang kanilang pananampalataya. Bukod dito, ang kanilang mga gawa ay nakahihigit sa dati, at gaya ng tatlong naunang mga kongregasyon, ang mga Kristiyano sa Tiatira ay nagbabata. Ganitung-ganito rin ang halos 100,000 kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa buong lupa ngayon! Kitang-kita ang kanilang pag-ibig kay Jehova sa sigasig sa ministeryo na namamayani sa organisasyon at nagpapasigla kapuwa sa bata’t matanda. Dumarami ang gumugugol ng kanilang lakas sa pagpapayunir, anupat may-katalinuhang ginagamit ang nalalabi pang panahon sa paghahayag ng maluwalhating pag-asa ng dumarating na Kaharian ng Diyos!​—Mateo 24:14; Marcos 13:10.

5 Sa loob ng maraming dekada, maraming tapat, kapuwa sa mga pinahiran at sa malaking pulutong, ang patuloy na nagpapakita ng kapuri-puring pagbabata sa paglilingkod sa Diyos habang ang daigdig sa paligid nila ay palubog nang palubog sa malagim na kawalang-pag-asa. Subalit lakasan natin ang ating loob! Sinusuhayan ng Apocalipsis ang patotoo ng mas naunang mga propeta ng Diyos. “Ang dakilang araw ni Jehova ay malapit na. Iyon ay malapit na, at iyon ay lubhang minamadali.”​—Zefanias 1:14; Joel 2:1; Habakuk 2:3; Apocalipsis 7:9; 22:12, 13.

“Ang Babaing Iyon na si Jezebel”

6. (a) Sa kabila ng kapuri-puring mga katangian, anong suliranin ang napuna ni Jesus sa kongregasyon ng Tiatira na kailangang bigyang-pansin kaagad? (b) Sino si Jezebel, at may tunay na karapatan ba siyang maging propetisa?

6 Ang nagliliyab na mga mata ni Jesus ay higit pang tumatagos. Napupuna niya ang isang bagay na kailangang bigyang-pansin kaagad. “Gayunpaman,” sinasabi niya sa mga Kristiyano sa Tiatira, “mayroon akong laban sa iyo, na pinahintulutan mo ang babaing iyon na si Jezebel, na ang tawag niya sa kaniyang sarili ay propetisa, at nagtuturo siya at inililigaw ang aking mga alipin upang makiapid at kumain ng mga bagay na inihain sa mga idolo.” (Apocalipsis 2:20) Noong ikasampung siglo B.C.E., si Reyna Jezebel, isang mananamba ni Baal at asawa ni Haring Ahab ng Israel, ay may masamang reputasyon dahil sa kaniyang pagpaslang, pangangalunya, at pagdodomina. Si Jehu, na pinahiran ni Jehova, ang nagpapatay sa kaniya. (1 Hari 16:31; 18:4; 21:1-16; 2 Hari 9:1-7, 22, 30, 33) Walang karapatan ang idolatrosong si Jezebel na maging propetisa. Hindi siya kagaya nina Miriam at Debora, na kapuwa naglingkod bilang tapat na mga propetisa sa Israel. (Exodo 15:20, 21; Hukom 4:4; 5:1-31) At hindi siya pinakilos ng espiritu ni Jehova na manghula na gaya ng may-edad nang si Ana at ng apat na anak na dalaga ni Felipe na ebanghelisador.​—Lucas 2:36-38; Gawa 21:9.

7. (a) Sa pagbanggit sa “babaing iyon na si Jezebel,” anong impluwensiya ang maliwanag na tinutukoy ni Jesus? (b) Paano maaaring ipinagmamatuwid ng ilang babae sa kongregasyon ang sarili nilang kagustuhan?

7 Maliwanag, kung gayon, na impostor “ang babaing iyon na si Jezebel” na nag-aangking propetisa sa Tiatira. Hindi siya kinasihan ng espiritu ng Diyos. Sino ba siya? Malamang na siya ay isang babae o grupo ng mga babae na gumagawi nang kahiya-hiya at isang masamang impluwensiya sa kongregasyon. Baka isinasangkot ng ilang babaing kabilang dito ang mga miyembro ng kongregasyon sa imoralidad, at may-kapangahasang ipinagmamatuwid ang sarili nilang kagustuhan sa pamamagitan ng pagpilipit sa mga kasulatan. Talaga ngang huwad na panghuhula! Hinihikayat nila ang iba na makisama sa kanila sa “pakikiapid, karumihan, pita sa sekso, nakasasakit na pagnanasa, at kaimbutan, na siyang idolatriya.” (Colosas 3:5) Inuudyukan nila ang mga kaugnay sa kongregasyon na magpakasasa sa imoral at makasariling istilo ng pamumuhay na pinahihintulutan o kinukunsinti ngayon ng karamihan sa mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan.

8. (a) Ano ang kapahayagan ni Jesus tungkol sa “Jezebel” na nasa Tiatira? (b) Paano nakikita ang di-wastong impluwensiya ng kababaihan sa makabagong panahon?

8 Ganito pa ang sinabi ni Jesus sa matatanda sa Tiatira: “At binigyan ko siya ng panahon upang magsisi, ngunit ayaw niyang pagsisihan ang kaniyang pakikiapid. Narito! Malapit ko na siyang ihagis sa higaan ng karamdaman, at yaong mga nangangalunya sa kaniya tungo sa malaking kapighatian, malibang pagsisihan nila ang kanilang mga gawa.” (Apocalipsis 2:21, 22) Gaya ng maliwanag na pagdomina ng orihinal na Jezebel kay Ahab at paglaban kay Jehu, ang tagapuksang inatasan ng Diyos, malamang na sinisikap ding impluwensiyahan ng mga babaing ito ang mga asawang lalaki at matatanda. Lumilitaw na kinukunsinti ng matatanda sa Tiatira ang ganitong pangahas na impluwensiya ng mga uring Jezebel. Ipinahahayag dito ni Jesus ang isang mabigat na babala para sa kanila, at para din naman sa pandaigdig na kongregasyon ng bayan ni Jehova sa ngayon. Sa makabagong panahon, may ilang ganitong dominanteng babae na nanghikayat sa kani-kanilang asawa na mag-apostata at nagsulsol pa man din na sampahan ng kaso ang tapat na mga lingkod ni Jehova.​—Ihambing ang Judas 5-8.

9. (a) Bakit hindi nakasisira sa reputasyon ng lahat ng babae sa kongregasyon ang mga salita ni Jesus tungkol kay Jezebel? (b) Kailan lamang bumabangon ang impluwensiya ni Jezebel?

9 Hindi naman ito nakasisira sa reputasyon ng tapat na mga babae sa kongregasyong Kristiyano. Sa ngayon, malaki ang naisasakatuparan ng tapat na mga kapatid na babae sa gawaing pagpapatotoo; napakaraming baguhan ang naaakay nila sa kongregasyon sa pamamagitan ng pagdaraos ng mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Pinagpapala mismo ng Diyos ang kaayusang ito, gaya ng ipinahihiwatig ng Awit 68:11: “Si Jehova ang nagbibigay ng pananalita; ang mga babaing naghahayag ng mabuting balita ay isang malaking hukbo.” Maaaring magkaroon ng mabuting impluwensiya sa mga asawang lalaki ang mahinahon at magalang na paggawi ng kani-kanilang mga asawa, na “malaki ang halaga sa paningin ng Diyos.” (1 Pedro 3:1-4) Pinuri ni Haring Lemuel ang may-kakayahan at masipag na asawang babae. (Kawikaan 31:10-31) Bumabangon lamang ang impluwensiya ni Jezebel kapag ang mga babae ay nagmamalabis at nanghihikayat sa mga kalalakihan na maging di-tapat o humahamon o nagwawalang-bahala sa simulain ng pagkaulo.​—Efeso 5:22, 23; 1 Corinto 11:3.

10. (a) Bakit hinahatulan si Jezebel at ang kaniyang mga anak? (b) Ano ang mapanganib na kalagayan ng nagiging mga anak ni Jezebel, at ano ang dapat gawin ng mga ito?

10 Tinutukoy ang “babaing iyon na si Jezebel,” nagpapatuloy si Jesus: “At ang kaniyang mga anak ay papatayin ko ng nakamamatay na salot, anupat malalaman ng lahat ng mga kongregasyon na ako ang siyang sumasaliksik ng mga bato at mga puso, at ibibigay ko sa bawat isa sa inyo ang ayon sa inyong mga gawa.” (Apocalipsis 2:23) Si Jezebel at ang kaniyang mga anak ay binigyan ni Jesus ng panahon para magsisi, subalit patuloy silang gumagawi nang imoral kung kaya nararapat silang hatulan. Isang mabigat na mensahe ito para sa mga Kristiyano sa ngayon. Ang mga tumutulad kay Jezebel, babae man o lalaki, at sa gayo’y nagiging mga anak niya sa pamamagitan ng paglabag sa mga simulain ng Bibliya hinggil sa pagkaulo at moralidad o sa pamamagitan ng mapagmatigas na pagwawalang-bahala sa teokratikong kaayusan ay may malubhang espirituwal na karamdaman. Totoo, kung hihilingin ng isang ito sa matatanda sa kongregasyon na ipanalangin siya, “ang panalangin ng pananampalataya ay magpapagaling sa isa na may dinaramdam, at ibabangon siya ni Jehova”​—kung mapagpakumbaba siyang gagawi kasuwato ng mga panalanging iyon. Subalit huwag iisipin ninuman na kaya niyang linlangin ang Diyos o si Kristo sa pamamagitan ng pagsisikap na pagtakpan ang imoral na paggawi o sa pamamagitan ng pakunwaring masigasig na paglilingkod.​—Santiago 5:14, 15.

11. Paano tinutulungan ang mga kongregasyon ngayon na manatiling alisto laban sa pagpasok ng di-matuwid na impluwensiya ng kababaihan?

11 Nakatutuwa naman na alisto ang karamihan sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon hinggil sa panganib na ito. Laging mapagbantay ang matatanda sa paglitaw ng mga tendensiyang sumuway sa teokratikong mga kaayusan at gumawa ng kasalanan. Sinisikap nilang tulungan kapuwa ang mga lalaki at babae na nasa panganib upang mapatibay ng mga ito ang kanilang espirituwalidad at maibalik sila sa ayos bago mahuli ang lahat. (Galacia 5:16; 6:1) Maibigin at matatag na hinahadlangan ng Kristiyanong mga tagapangasiwang ito ang anumang pagsisikap ng mga babae na magpangkat-pangkat sa layuning magtaguyod ng mga kilusang gaya ng women’s liberation. Bukod dito, may angkop na mga payong inilalaan sa pana-panahon sa pamamagitan ng mga publikasyon ng mga Saksi ni Jehova. a

12. Paano tinutularan ng uring Juan sa ngayon ang sigasig ni Jehu?

12 Gayunpaman, kapag malubhang imoralidad ang nasasangkot, lalo na kapag ito’y nakagawian na, dapat itiwalag ang di-nagsisising mga nagkasala. Maaalaala natin ang sigasig ni Jehu sa pag-aalis ng lahat ng bakas ng impluwensiya ni Jezebel sa Israel. Kasuwato nito, kumikilos nang may katatagan ang uring Juan sa ngayon, na nagsisilbing halimbawa sa kanilang “Jehonadab” na mga kasamahan at sa gayo’y pinatutunayang ibang-iba sila sa kunsintidor na mga ministro ng Sangkakristiyanuhan.​—2 Hari 9:22, 30-37; 10:12-17.

13. Ano ang mangyayari sa mga madaraig ng masamang impluwensiya ng kababaihan?

13 Bilang Mensahero at Hukom na inatasan ni Jehova, matuwid lamang na kumilos ang Anak ng Diyos upang ilantad at ihagis sa banig ng karamdaman ang makabagong-panahong Jezebel, sapagkat totoo namang malubha na ang kaniyang espirituwal na karamdaman. (Malakias 3:1, 5) Sinumang magpadaig sa masamang impluwensiyang ito ng kababaihan ay daranas ng malaking kapighatian​—pamimighating dulot ng pagkatiwalag, anupat inihiwalay sa kongregasyong Kristiyano na waring isang patay. Malibang magsisi ang mga ito, magbalik-loob, at muling tanggapin sa kongregasyon, literal din silang daranas ng kamatayang dulot ng “nakamamatay na salot”​—sa malaking kapighatian o mas maaga pa rito. Samantala, maaari pa silang makapanumbalik kung lubusan nilang pagsisisihan ang kanilang masasamang gawa.​—Mateo 24:21, 22; 2 Corinto 7:10.

14. (a) Paano ginagamit ni Jesus ang matatanda sa pagharap sa ilang suliranin, gaya ng anumang impluwensiya ni Jezebel? (b) Paano dapat suportahan ng kongregasyon ang matatandang nagsisiyasat sa ganitong mga suliranin?

14 Dapat malaman ng “lahat ng mga kongregasyon” na si Jesus ay sumasaliksik sa “mga bato,” ang kaloob-loobang mga emosyon, at sa “puso,” ang panloob na pagkatao, pati na ang lihim na mga motibo ng isa. Sa layuning ito ay gumagamit siya ng mapagkakatiwalaang mga bituin, o matatanda, sa pagharap sa ilang suliranin na maaaring lumitaw, gaya ng impluwensiya ni Jezebel. (Apocalipsis 1:20) Matapos na lubusang siyasatin ng matatanda ang ganitong suliranin at maibigay ang hatol, hindi dapat kuwestiyunin ng sinuman ang naging pasiya. Dapat na mapagpakumbabang tanggapin ng lahat ang desisyon ng matatanda at patuloy na sumuporta sa mga bituing ito ng kongregasyon. Gagantimpalaan ang mga matapat kay Jehova at sa mga kaayusan ng kaniyang organisasyon. (Awit 37:27-29; Hebreo 13:7, 17) Pagpalain ka nawa kapag ibinigay na ni Jesus sa bawat isa ang ayon sa kaniyang mga gawa.​—Galacia 5:19-24; 6:7-9.

“Panghawakan Ninyong Mahigpit ang Taglay Ninyo”

15. (a) Ano ang sinabi ni Jesus sa mga hindi naimpluwensiyahan ni Jezebel? (b) Ano ang nagpapakitang hindi lahat ng nag-aangking Kristiyano noong 1918 ay naimpluwensiyahan ng apostatang Sangkakristiyanuhan?

15 Nakaaaliw ang susunod na mga salita ni Jesus: “Gayunman, sinasabi ko sa iba pa sa inyo na nasa Tiatira, sa lahat niyaong hindi nagtataglay ng turong ito, sa kanila mismo na hindi nakaalam ng ‘malalalim na bagay ni Satanas,’ gaya ng kanilang sinasabi: Hindi ako maglalagay sa inyo ng iba pang pasanin. Magkagayunman, panghawakan ninyong mahigpit ang taglay ninyo hanggang sa dumating ako.” (Apocalipsis 2:24, 25) May tapat na mga indibiduwal sa Tiatira na hindi naimpluwensiyahan ni Jezebel. Sa katulad na paraan, sa loob ng 40 taon bago ang 1918 at magmula noon, hindi lahat ng nag-aangking Kristiyano ay kumunsinti sa imoral at masasamang gawain na palasak sa Sangkakristiyanuhan. Isang maliit na grupo ng mga Estudyante ng Bibliya, na kilala ngayon bilang mga Saksi ni Jehova at tumulong sa mga miyembro ng simbahan na makita ang hindi maka-Kristiyanong pinagmulan ng marami sa mga doktrina ng Sangkakristiyanuhan, ang kumilos upang iwaksi ang lahat ng maka-Babilonyang paniniwala at kaugaliang nagmula sa apostatang Sangkakristiyanuhan. Kasama na rito ang mapagkunsinting mga turo ng “babaing iyon na si Jezebel.”

16. Bagaman hindi na nagdagdag ng higit pang pasanin si Jesus at ang unang-siglong Kristiyanong lupong tagapamahala, anu-ano namang bagay ang dapat iwasan?

16 Pinatitibay-loob din ng uring Juan sa ngayon ang kanilang mga kasamahan, ang malaking pulutong, na mag-ingat laban sa imoral na mga impluwensiyang gaya ng maruming libangan sa daigdig. Hindi na kailangang manood o gumawa ng kalikuan dahil lamang sa pag-uusyoso o para malaman kung alin ang dapat iwasan. Isang katalinuhan na lubusan tayong umiwas sa “malalalim na bagay ni Satanas.” Gaya ng sinabi ni Jesus: “Hindi ako maglalagay sa inyo ng iba pang pasanin.” Ipinaaalaala nito sa atin ang utos ng Kristiyanong lupong tagapamahala noong unang siglo: “Minagaling ng banal na espiritu at namin mismo na huwag nang magdagdag ng higit pang pasanin sa inyo, maliban sa mga bagay na ito na kinakailangan, na patuloy na umiwas sa mga bagay na inihain sa mga idolo at sa dugo at sa mga bagay na binigti at sa pakikiapid. Kung pakaiingatan ninyo ang inyong sarili sa mga bagay na ito, kayo ay uunlad.” (Gawa 15:28, 29) Para umunlad tayo sa espirituwal, iwasan ang huwad na relihiyon, maling paggamit ng dugo (gaya ng pagsasalin ng dugo), at imoralidad! At malamang na maiingatan din ang iyong pisikal na kalusugan.

17. (a) Paano tinutukso ngayon ni Satanas ang mga tao sa pamamagitan ng “malalalim na bagay”? (b) Ano ang dapat nating maging saloobin tungkol sa “malalalim na bagay” ng masalimuot na sanlibutan ni Satanas?

17 Si Satanas ay may iba pang “malalalim na bagay” sa ngayon, gaya ng masalimuot na mga espekulasyon at pilosopiya na lumuluwalhati sa katalinuhan ng tao. Bukod sa mapagkunsinti at imoral na pangangatuwiran, kabilang dito ang espiritismo at ang teoriya ng ebolusyon. Paano itinuturing ng napakatalinong Maylalang ang “malalalim na bagay” na ito? Sinisipi ni apostol Pablo ang sinabi Niya: “Ibubuwal ko ang karunungan ng mga taong marurunong.” Kabaligtaran nito, “ang malalalim na bagay ng Diyos” ay simple, maliwanag, at nakapagpapagalak. Itinatakwil ng matatalinong Kristiyano ang “malalalim na bagay” ng masalimuot na sanlibutan ni Satanas. Tandaan, “ang sanlibutan ay lumilipas at gayundin ang pagnanasa nito, ngunit siya na gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.” ​—1 Corinto 1:19; 2:10; 1 Juan 2:17.

18. Anu-anong pagpapala ang ipinangako ni Jesus sa pinahirang mga Kristiyano na mananatiling tapat hanggang wakas, at ano ang magiging pribilehiyo ng mga binuhay-muling ito sa Armagedon?

18 Nakagagalak ang sinasabi ngayon ni Jesus sa mga Kristiyanong iyon sa Tiatira. Nakapagpapatibay rin ito sa pinahirang mga Kristiyano sa ngayon: “At sa kaniya na nananaig at tumutupad sa aking mga gawa hanggang sa wakas ay ibibigay ko ang awtoridad sa mga bansa, at magpapastol siya sa mga tao sa pamamagitan ng isang tungkod na bakal anupat magkakadurug-durog sila na tulad ng mga sisidlang luwad, gaya naman ng tinanggap ko mula sa aking Ama.” (Apocalipsis 2:26, 27) Tunay na kamangha-manghang pribilehiyo! Ang awtoridad na tatanggapin ng mga pinahirang mananaig sa panahon ng kanilang pagkabuhay-muli ay ang pagkakaroon nila ng bahagi sa paggamit ng “tungkod na bakal” kasama ni Jesus upang puksain ang mapaghimagsik na mga bansa sa Armagedon. Ang mga sandatang nuklear ng mga bansang ito ay magiging gaya lamang ng basang labintador kapag dinurog na ni Kristo ang kaniyang mga kaaway na waring mga sisidlang luwad.​—Awit 2:8, 9; Apocalipsis 16:14, 16; 19:11-13, 15.

19. (a) Sino ang “bituing pang-umaga,” at paano siya ibibigay sa mga mananaig? (b) Anong pampatibay-loob ang ibinibigay sa malaking pulutong?

19 Idinagdag pa ni Jesus: “At ibibigay ko sa kaniya ang bituing pang-umaga.” (Apocalipsis 2:28) Nang dakong huli ay ipinaliwanag mismo ni Jesus kung ano ang “bituing” ito sa pagsasabing: “Ako ang ugat at ang supling ni David, ang maningning na bituing pang-umaga.” (Apocalipsis 22:16) Oo, si Jesus ang tumupad sa hula na sapilitang ipinabigkas ni Jehova sa tumututol na mga labi ni Balaam: “Isang bituin ang tiyak na lalabas mula sa Jacob, at isang setro ang titindig nga mula sa Israel.” (Bilang 24:17) Paano ibibigay ni Jesus ang “bituing pang-umaga” sa mga mananaig? Maliwanag na ito’y sa pamamagitan ng pagbibigay ng kaniyang sarili sa kanila, anupat itinuturing silang pinakamalapit at pinakamatalik na mga kasama. (Juan 14:2, 3) Tunay na napakabisang pangganyak ito upang magbata! Nakapagpapasigla rin naman para sa malaking pulutong na maunawaang malapit nang gamitin ng “maningning na bituing pang-umaga” ang kaniyang awtoridad sa Kaharian upang muling gawing Paraiso ang lupa!

Manatiling Tapat

20. Anu-anong pangyayari sa Sangkakristiyanuhan ang nagpapaalaala sa atin sa mga kahinaan ng kongregasyon sa Tiatira?

20 Malamang na lubhang napatibay-loob ng mensaheng ito ang mga Kristiyano sa Tiatira. Isip-isipin na lamang​—ang niluwalhating Anak ng Diyos sa langit ay personal na nakipag-usap sa mga Kristiyano sa Tiatira hinggil sa ilang suliranin nila! Tiyak na mayroon din namang ilan sa kongregasyon na tumugon sa gayong maibiging pagpapastol. Tinutulungan din tayo ng pinakamahaba sa pitong mensaheng ito upang makilala ang tunay na kongregasyong Kristiyano sa ngayon. Noong 1918, nang pumasok si Jesus sa templo ni Jehova upang humatol, ang kalakhang bahagi ng mga organisasyong nag-aangking Kristiyano ay pawang nabahiran ng idolatriya at espirituwal na imoralidad. (Santiago 4:4) Ibinatay ng ilan ang kanilang paniniwala sa mga turo ng dominanteng mga babae noong ika-19 na siglo, gaya ni Ellen White ng mga Seventh-Day Adventist at ni Mary Baker Eddy ng Christian Scientists, at kamakailan lamang, marami nang babae ang nangangaral sa pulpito. (Ihambing ang 1 Timoteo 2:11, 12.) Sa iba’t ibang anyo ng Katolisismo, mas madalas na parangalan si Maria kaysa sa Diyos at kay Kristo. Hindi siya pinarangalan ni Jesus nang ganito. (Juan 2:4; 19:26) Talaga bang maituturing na Kristiyano ang mga organisasyong napadadala sa ganitong masamang impluwensiya ng kababaihan?

21. Anu-anong aral para sa mga indibiduwal ang nilalaman ng mensahe ni Jesus sa Tiatira?

21 Makabubuting isaalang-alang ng indibiduwal na mga Kristiyano ang mensaheng ito, kabilang man sila sa uring Juan o sa ibang tupa. (Juan 10:16) Baka matukso ang ilan na sumunod sa walang kahirap-hirap na landasin, gaya ng ginawa ng mga alagad ni Jezebel sa Tiatira. Nariyan din ang tukso na makipagkompromiso. Sa ngayon, ang mga isyung gaya ng pagkain ng dugo o pagpapasalin ng dugo ay kailangang harapin. Baka inaakala ng ilan na ang sigasig sa paglilingkod sa larangan o pagbibigay ng mga pahayag ay nagbibigay-laya sa kanila na maging maluwag sa ibang mga bagay, gaya ng panonood ng mararahas at imoral na mga pelikula at video, o pagpapakalabis sa pag-inom ng alak. Sinasabi sa atin ng babala ni Jesus sa mga Kristiyano sa Tiatira na hindi tayo dapat magmalabis nang ganito. Nais ni Jehova na maging malinis tayo, buong-kaluluwa, hindi nababahagi, gaya ng marami sa mga Kristiyano sa Tiatira.

22. Paano idiniriin ni Jesus ang kahalagahan ng pagkakaroon ng taingang nakikinig?

22 Sa wakas ay ipinahahayag ni Jesus: “Ang may tainga ay makinig sa sinasabi ng espiritu sa mga kongregasyon.” (Apocalipsis 2:29) Sa ikaapat na pagkakataon, inulit dito ni Jesus ang masiglang korong ito, na siya ring magiging konklusyon ng tatlo pang nalalabing mensahe. Mayroon ka bang taingang nakikinig? Kung gayon, manatili kang matamang nakikinig habang patuloy na nagpapayo ang Diyos sa pamamagitan ng kaniyang espiritu at ng kaniyang alulod.

[Talababa]

[Mga Tanong sa Aralin]

[Mga larawan sa pahina 51]

Sa ngayon, malaki ang naisasakatuparan ng tapat na mga kapatid na babae sa gawaing pagpapatotoo, na may-kahinhinang sumusuporta sa teokratikong awtoridad