Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Paningasing-Muli ang Unang Pag-ibig!

Paningasing-Muli ang Unang Pag-ibig!

Kabanata 7

Paningasing-Muli ang Unang Pag-ibig!

EFESO

1. Sa aling kongregasyon pinatutungkol ang unang mensahe ni Jesus, at ano ang ipinaaalaala niya sa mga tagapangasiwa?

 ANG unang mensahe ni Jesus ay para sa kongregasyon ng Efeso, isang maunlad na lunsod noon sa baybayin ng Asia Minor malapit sa isla ng Patmos. Iniutos niya kay Juan: “Sa anghel ng kongregasyon sa Efeso ay isulat mo: Ito ang mga bagay na sinasabi niya na may hawak ng pitong bituin sa kaniyang kanang kamay, siya na lumalakad sa gitna ng pitong ginintuang kandelero.” (Apocalipsis 2:1) Gaya ng anim na iba pang mensahe, itinatawag-pansin dito ni Jesus ang isang bagay na nagpapakilala sa kaniyang awtoridad. Ipinaaalaala niya sa mga tagapangasiwa sa Efeso na lahat ng matatanda ay nasa ilalim ng kaniyang mapagkalingang pangangasiwa at na sinisiyasat niya ang lahat ng kongregasyon. Hanggang sa panahon natin, patuloy niyang ginagamit ang kaniyang maibiging pagkaulo, anupat binabantayan ang matatanda at mabait na pinapastulan ang lahat ng miyembro ng kongregasyon. Sa pana-panahon, binabago niya ang mga kaayusan sa kongregasyon upang maging lalong maningning ang pagsikat ng liwanag. Oo, si Jesus ang Punong Pastol sa kawan ng Diyos.​—Mateo 11:28-30; 1 Pedro 5:2-4.

2. (a) Anong mabubuting bagay ang pinapurihan ni Jesus sa kongregasyon ng Efeso? (b) Anong payo ni apostol Pablo ang maliwanag na sinunod ng matatanda sa Efeso?

2 Sa pitong mensahe ni Jesus, lima rito ang sinisimulan niya sa pamamagitan ng magiliw na komendasyon. Ganito ang mensahe niya para sa mga taga-Efeso: “Alam ko ang iyong mga gawa, at ang iyong pagpapagal at pagbabata, at na hindi mo matiis ang masasamang tao, at na inilagay mo sa pagsubok yaong mga nagsasabi na sila ay mga apostol, ngunit hindi sila gayon, at nasumpungan mong sila ay mga sinungaling. Nagpapakita ka rin ng pagbabata, at nagtiis ka alang-alang sa aking pangalan at hindi nanghimagod.” (Apocalipsis 2:2, 3) Maraming taon bago nito, nagbabala si apostol Pablo sa matatanda sa Efeso laban sa “mapaniil na mga lobo,” mga apostatang manliligalig sa kawan, at sinabihan niya ang matatandang ito na ‘manatiling gising,’ na tinutularan ang kaniyang halimbawa ng kasipagan. (Gawa 20:29, 31) Malamang na ikinapit nila ang payong iyon yamang pinapupurihan sila ngayon ni Jesus dahil sa kanilang pagpapagal at pagtitiis at sa hindi nila panghihimagod.

3. (a) Paano sinisikap ng “mga bulaang apostol” na linlangin ang mga tapat sa ating panahon? (b) Ano ang babala ni Pedro may kinalaman sa mga apostata?

3 Sa panahon ng araw ng Panginoon, may “mga bulaang apostol” din na ‘nagsasalita ng mga bagay na pilipit at inilalayo ang mga alagad upang pasunurin sa kanila.’ (2 Corinto 11:13; Gawa 20:30; Apocalipsis 1:10) Sinasabi nila na may mabuti namang masusumpungan sa lahat ng nagkakasalungatang sekta ng relihiyon, at iginigiit nilang walang organisasyon ang Diyos, at ayaw nilang tanggapin na ipinagkaloob kay Jesus ang kapangyarihan ng Kaharian noong 1914. Tinutupad nila ang hula sa 2 Pedro 3:3, 4: “Sa mga huling araw ay darating ang mga manunuya na may pagtuya, na lumalakad ayon sa kanilang sariling mga pagnanasa at nagsasabi: ‘Nasaan itong ipinangakong pagkanaririto niya? Aba, mula nang araw na matulog sa kamatayan ang ating mga ninuno, ang lahat ng mga bagay ay nananatiling gayung-gayon mula noong pasimula ng sangnilalang.’”

4. (a) Paano nahayag ang pagmamataas at paghihimagsik ng mga manunuya? (b) Bilang pagtulad sa mga taga-Efeso, paano kumikilos ang mga Kristiyano sa ngayon laban sa bulaang mga mananalansang?

4 Tutol ang mga manunuyang ito na gumawa ng pangmadlang pagpapahayag ng kanilang pananampalataya. (Roma 10:10) Humingi sila ng tulong sa mga klero ng Sangkakristiyanuhan at sa mga pahayagan at istasyon ng telebisyon upang magpalaganap ng mga kasinungalingan laban sa dati nilang mga kasamahan. Kaagad namang natutuklasan ng mga tapat na walang taginting ng katotohanan ang mga pananalita at paggawi ng mga manlilinlang. Gaya ng mga taga-Efeso, ‘hindi matiis ng mga Kristiyano sa ngayon ang masasamang tao,’ kaya itinitiwalag nila ang mga ito sa kanilang mga kongregasyon. a

5. (a) Ano ang sinabi ni Jesus na kahinaan ng mga taga-Efeso? (b) Anong mga salita ang dapat sanang natandaan ng mga taga-Efeso?

5 Gayunman, gaya ng mensahe niya sa lima sa pitong kongregasyon, itinatawag-pansin ngayon ni Jesus ang isang malubhang suliranin. Sinasabi niya sa mga taga-Efeso: “Gayunpaman, mayroon akong laban sa iyo, na iniwan mo ang pag-ibig na taglay mo noong una.” (Apocalipsis 2:4) Hindi na sana sila dapat magkulang sa bagay na ito, sapagkat 35 taon bago nito ay sinulatan na sila ni Pablo, na binabanggit ang “dakilang pag-ibig” ng Diyos “na ipinang-ibig niya sa atin,” at hinimok niya sila: “Maging mga tagatulad kayo sa Diyos, bilang mga anak na minamahal, at patuloy kayong lumakad sa pag-ibig, kung paanong inibig din kayo ng Kristo.” (Efeso 2:4; 5:1, 2) Bukod dito, dapat sanang tumimo sa kanilang puso ang mga salita ni Jesus: “Si Jehova na ating Diyos ay iisang Jehova, at iibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa at nang iyong buong pag-iisip at nang iyong buong lakas.” (Marcos 12:29-31) Nanlamig ang unang pag-ibig na iyon ng mga taga-Efeso.

6. (a) Tayo man ay matagal na o bago pa lamang sa kongregasyon, anong panganib at hilig ang dapat nating bantayan? (b) Ang pag-ibig natin sa Diyos ay dapat magpakilos sa atin na gawin ang ano?

6 Tayo man ay matagal na o bago pa lamang sa kongregasyon, dapat tayong magbantay laban sa panlalamig ng ating unang pag-ibig kay Jehova. Paano maaaring manlamig ang ating pag-ibig? Baka masyado tayong matali sa ating trabaho, maghangad na kumita ng maraming salapi, o magtaguyod ng kaluguran, anupat nagiging pangunahin ito sa ating buhay. Dahil dito, maaari tayong maging makalaman sa halip na maging palaisip sa espirituwal. (Roma 8:5-8; 1 Timoteo 4:8; 6:9, 10) Ang pag-ibig natin kay Jehova ang dapat magpakilos sa atin na ituwid ang ganitong mga hilig at ‘patuloy na hanapin muna ang kaharian ng Diyos at ang kaniyang katuwiran,’ upang ‘makapag-imbak tayo para sa ating sarili ng mga kayamanan sa langit.’​—Mateo 6:19-21, 31-33.

7. (a) Ano ang dapat mag-udyok sa atin na paglingkuran si Jehova? (b) Ano ang sinabi ni Juan tungkol sa pag-ibig?

7 Masidhing pag-ibig nawa kay Jehova ang laging mag-udyok sa atin na paglingkuran siya. Marubdob nating pahalagahan ang lahat ng ginawa ni Jehova at ni Kristo alang-alang sa atin. Gaya ng isinulat mismo ni Juan nang dakong huli: “Ang pag-ibig ay nasa bagay na ito, hindi sa tayo ang umibig sa Diyos, kundi siya ang umibig sa atin at nagsugo ng kaniyang Anak bilang pampalubag-loob na hain para sa ating mga kasalanan.” Nagpatuloy si Juan: “Ang Diyos ay pag-ibig, at siya na nananatili sa pag-ibig ay nananatiling kaisa ng Diyos at ang Diyos ay nananatiling kaisa niya.” Huwag nawa nating hayaan kailanman na kumupas ang ating pag-ibig kay Jehova, sa Panginoong Jesu-Kristo, at sa buháy na Salita ng Diyos! Maipahahayag natin ang pag-ibig na ito hindi lamang sa pamamagitan ng masigasig na paglilingkod sa Diyos kundi sa pagtalima rin naman sa ‘utos na ito na taglay natin mula sa kaniya, na ang umiibig sa Diyos ay dapat na umibig din sa kaniyang kapatid.’​—1 Juan 4:10, 16, 21; Hebreo 4:12; tingnan din ang 1 Pedro 4:8; Colosas 3:10-14; Efeso 4:15.

“Gawin Mo ang mga Gawa Noong Una”

8. Ayon kay Jesus, paano dapat kumilos ang mga taga-Efeso?

8 Dapat paningasing-muli ng mga taga-Efeso ang pag-ibig na taglay nila noong una kung ayaw nilang mapahamak. “Kaya,” sinabi sa kanila ni Jesus, “alalahanin mo kung mula sa ano ka nahulog, at magsisi ka at gawin mo ang mga gawa noong una. Kung hindi, paririyan ako sa iyo, at aalisin ko ang iyong kandelero mula sa kinalalagyan nito, malibang ikaw ay magsisi.” (Apocalipsis 2:5) Paano tumugon sa mga salitang ito ang mga Kristiyano sa kongregasyon ng Efeso? Hindi natin alam. Nagsisi sana sila at nagtagumpay na muling mapaningas ang kanilang pag-ibig kay Jehova. Kung hindi, mamamatay ang kanilang lampara at aalisin ang kanilang kandelero. Maiwawala nila ang kanilang pribilehiyong magpasikat ng liwanag ng katotohanan.

9. (a) Anong nakapagpapatibay na mga salita ang sinabi ni Jesus sa mga taga-Efeso? (b) Paano nabigong sumunod ang mga kongregasyon sa payo ni Jesus sa mga taga-Efeso pagkaraan ng panahon ni Juan?

9 Gayunpaman, pinatibay ni Jesus ang mga taga-Efeso: “Gayunman, nasa iyo nga ito, na kinapopootan mo ang mga gawa ng sekta ni Nicolas, na kinapopootan ko rin.” (Apocalipsis 2:6) Kahit paano, kinapootan nila ang pagkakabaha-bahagi bilang mga sekta, kung paanong kinapopootan ito ng Panginoong Jesu-Kristo. Gayunpaman, sa paglipas ng mga taon, maraming kongregasyon ang nabigong sumunod sa mga salitang ito ni Jesus. Ang kawalan nila ng pag-ibig kay Jehova, sa katotohanan, at sa isa’t isa ay tumangay sa kanila sa espirituwal na kadiliman. Nagkabaha-bahagi sila sa napakaraming nagkakasalungatang mga sekta. Inalis ng mga “Kristiyanong” tagakopya na walang pag-ibig kay Jehova ang mismong pangalan ng Diyos mula sa mga Griegong manuskrito ng Bibliya. Ang kawalan ng pag-ibig ay nagbigay-daan din sa pagtuturo ng Babiloniko at Griegong mga doktrina sa ngalan ng Kristiyanismo, gaya ng apoy ng impiyerno, purgatoryo, at Trinidad. Palibhasa’y walang pag-ibig sa Diyos at sa katotohanan, huminto na sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos ang karamihan sa mga nag-aangking Kristiyano. Naging dominado sila ng makasariling uring klero na nagtatag ng sarili nilang kaharian dito sa lupa.​—Ihambing ang 1 Corinto 4:8.

10. Ano ang kalagayan ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan noong 1918?

10 Nang magsimula ang paghatol sa bahay ng Diyos noong 1918, hayagang sumuporta sa Digmaang Pandaigdig I ang nagkakabaha-bahaging klero ng Sangkakristiyanuhan, at inudyukan ang mga Katoliko at Protestante sa magkabilang panig na magpatayan. (1 Pedro 4:17) Di-tulad ng kongregasyon ng Efeso na napoot sa ginagawa ng sekta ni Nicolas, ang mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ay matagal nang nagtuturo ng maraming doktrinang nagkakasalungatan at laban sa Diyos, at ang kanilang klero ay yumakap na sa sanlibutan, gayong sinabi ni Jesus na hindi dapat maging bahagi nito ang kaniyang mga alagad. (Juan 15:17-19) Ang kanilang mga kongregasyon, palibhasa’y walang kaalam-alam hinggil sa tema ng Bibliya, ang Kaharian ng Diyos, ay hindi nagsilbing mga kandelero na nagbibigay-liwanag sa katotohanan ng Kasulatan, ni naging bahagi man ng espirituwal na templo ni Jehova ang kanilang mga miyembro. Ang kanilang prominenteng mga lalaki (at mga babae) ay hindi naging mga bituin kundi nabunyag na kabilang sa “taong tampalasan.”​—2 Tesalonica 2:3; Malakias 3:1-3.

11. (a) Anong grupo ng mga Kristiyano sa daigdig noong 1918 ang nagkapit ng mga salita ni Jesus sa mga taga-Efeso? (b) Ano ang ginawa ng uring Juan mula noong 1919 patuloy?

11 Gayunpaman, bumangon ang uring Juan mula sa maligalig na panahon noong unang digmaang pandaigdig. Ang pag-ibig nila kay Jehova at sa katotohanan ang nagpakilos sa kanila na paglingkuran siya nang may nag-aalab na sigasig. Hinadlangan nila ang mga nagsikap magpasok ng sektaryanismo na halos sumamba sa unang pangulo ng Samahang Watch Tower, si Charles T. Russell, pagkamatay niya noong 1916. Yamang nadisiplina ng mga pag-uusig at kahirapan, ang grupong ito ng mga Kristiyano ay maliwanag na nasumpungang “mahusay” ng kanilang Panginoon at inanyayahan silang pumasok sa kaniyang kagalakan. (Mateo 25:21, 23) Batay sa takbo ng mga pangyayari sa daigdig, at sa sarili nilang mga karanasan, naunawaan nila ang katuparan ng tanda na ibinigay ni Jesus bilang hudyat ng kaniyang di-nakikitang pagkanaririto sa kapangyarihan ng Kaharian. Mula noong 1919 patuloy, kumilos sila upang makibahagi sa higit na katuparan ng dakilang hula ni Jesus: “At ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.” (Mateo 6:9, 10; 24:3-14) Kung nanlamig man ang kanilang pag-ibig kay Jehova sa anumang paraan, pinagningas naman nila ito mula noon.

12. (a) Ano ang ipinanawagan sa isang makasaysayang kombensiyon noong 1922? (b) Noong 1931, anong pangalan ang tinanggap ng tunay na mga Kristiyano, at ano ang pinagsisihan nila?

12 Sa isang makasaysayang kombensiyon, na dinaluhan ng 18,000 sa mga Kristiyanong ito, sa Cedar Point, Ohio, E.U.A., noong Setyembre 5-13, 1922, ang panawagan ay ipinahayag: “Bumalik sa larangan, O kayong mga anak ng kataas-taasang Diyos! . . . Dapat malaman ng buong daigdig na si Jehova ang Diyos at na si Jesu-Kristo ang Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon. . . . Kung gayon ay ianunsiyo, ianunsiyo, ianunsiyo, ang Hari at ang kaniyang kaharian.” Lalo pang itinampok ang mahalagang pangalan ni Jehova. Noong 1931, ang mga Kristiyanong ito na nagkatipon sa isang kombensiyon sa Columbus, Ohio, E.U.A., ay nagalak na tanggapin at dalhin ang pangalan na binanggit ng Diyos sa hula ni Isaias​—mga Saksi ni Jehova. (Isaias 43:10, 12) Sa isyu nito noong Marso 1, 1939, ang pangalan ng pangunahing babasahin ng organisasyon ay binago at ginawang Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova, sa gayo’y nag-uukol ng pangunahing karangalan sa ating Maylalang at sa kaniyang maharlikang pamahalaan. Ang mga Saksi ni Jehova, na nagpanumbalik ng kanilang pag-ibig kay Jehova, ay nagsisi sa anumang dating pagkabigo na parangalan at itanghal ang kaniyang maringal na pangalan at Kaharian.​—Awit 106:6, 47, 48.

“Siya na Nananaig”

13. (a) Anong pagpapala ang naghihintay sa mga taga-Efeso kung ‘mananaig’ sila? (b) Paano ‘makapananaig’ ang mga Kristiyano sa Efeso?

13 Sa wakas, gaya rin ng iba niyang mensahe, itinatawag-pansin ni Jesus na sa pamamagitan niya, isinisiwalat ng espiritu ng Diyos ang mga gantimpala sa katapatan. Sinasabi niya sa mga taga-Efeso: “Ang may tainga ay makinig sa sinasabi ng espiritu sa mga kongregasyon: Siya na nananaig ay pagkakalooban ko na kumain mula sa punungkahoy ng buhay, na nasa paraiso ng Diyos.” (Apocalipsis 2:7) Ang mga taong handang makinig ay masasabik na tumalima sa napakahalagang mensaheng ito, yamang alam nilang hindi lamang ito kay Jesus nagmula kundi sa Soberanong Panginoong Jehova mismo sa pamamagitan ng Kaniyang banal na espiritu, o aktibong puwersa. Paano sila ‘makapananaig’? Sa pamamagitan ng maingat na pagsunod sa mga yapak ni Jesus, na nanatiling tapat hanggang kamatayan anupat nasabi niya: “Lakasan ninyo ang inyong loob! Dinaig ko ang sanlibutan.”​—Juan 8:28; 16:33; tingnan din ang 1 Juan 5:4.

14. Sa ano tumutukoy ang “paraiso ng Diyos” na binabanggit ni Jesus?

14 Yamang ang mga pinahirang Kristiyano, gaya ng mga taga-Efeso, ay hindi naman umaasang mabuhay sa isang makalupang paraiso, sa anong paraan sila gagantimpalaan ng pagkain sa “punungkahoy ng buhay, na nasa paraiso ng Diyos”? Hindi ito maaaring tumukoy sa isinauling Paraiso sa lupa, yamang ang 144,000 pinahirang Kristiyano, kasali na ang mga nasa kongregasyon ng Efeso, ay binili mula sa sangkatauhan upang mamahalang kasama ng Kordero, si Kristo Jesus, sa makalangit na Bundok Sion bilang espiritung mga anak. (Efeso 1:5-12; Apocalipsis 14:1, 4) Kaya ang tinutukoy rito ay ang makalangit at tulad-halamanang dako na mamanahin ng mga mananaig na ito. Doon, sa “paraiso ng Diyos,” oo, sa mismong presensiya ni Jehova, ang mga nagtagumpay na ito na pinagkalooban ng imortalidad ay patuloy na mabubuhay nang walang hanggan, na siyang isinasagisag ng kanilang pagkain mula sa punungkahoy ng buhay.

15. Bakit napakahalagang maging interesado ang malaking pulutong ngayon sa pampatibay-loob ni Jesus na manaig?

15 Kumusta naman ang tapat na makalupang mga tagasuporta ng 144,000 pinahiran? Nananaig din ang isang malaking pulutong na ito ng mga Saksi na kasama nila. Subalit ang pag-asa nila ay makapasok sa makalupang paraiso, kung saan iinom sila mula sa “isang ilog ng tubig ng buhay” at mapagagaling ng “mga dahon ng mga punungkahoy” na nakatanim sa magkabilang panig ng ilog na iyon. (Apocalipsis 7:4, 9, 17; 22:1, 2) Kung kabilang ka sa grupong ito, ipakita mo rin sana ang iyong masidhing pag-ibig kay Jehova at manaig sa ating pakikipagbaka para sa pananampalataya. Sa gayo’y makakamit mo ang kaligayahan ng buhay na walang hanggan sa lupang Paraiso.​—Ihambing ang 1 Juan 2:13, 14.

[Talababa]

a Para sa makasaysayang mga detalye hinggil sa paglitaw ng mga bulaang apostol, tingnan ang mga pahina 34-41 ng aklat na Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Mga Tanong sa Aralin]

[Kahon sa pahina 36]

Maibiging Papuri kay Jehova at sa Kaniyang Anak

Sa aklat-awitan na inilathala ng bayan ni Jehova noong 1905, dalawang beses na mas marami ang mga awit ng papuri kay Jesus kaysa sa mga awit ng papuri sa Diyos na Jehova. Sa kanilang aklat-awitan naman noong 1928, ang bilang ng mga awit na dumadakila kay Jesus ay halos kasindami ng mga awit na dumadakila kay Jehova. Subalit sa pinakahuling aklat-awitan noong 1984, si Jehova ay pinararangalan ng mga awit na apat na beses na mas marami kaysa sa nauukol kay Jesus. Kasuwato ito ng mismong sinabi ni Jesus: “Ang Ama ay mas dakila kaysa sa akin.” (Juan 14:28) Ang pag-ibig kay Jehova ay dapat na nakahihigit sa lahat at nilalakipan ng taos-pusong pag-ibig kay Jesus at pagpapahalaga sa kaniyang mahalagang hain at tungkulin bilang Mataas na Saserdote at Haring itinalaga ng Diyos.

[Chart sa pahina 34]

Paraan ng Pagpapayo ni Jesus

(binabanggit ang mga kabanata at talata sa Apocalipsis)

Mensahe Awtoridad Pambungad Malinaw Pagtutuwid Pagpa-

sa kongre- sa pagbi- na komen- na tinu- at/o palang

gasyon bigay dasyon koy ang pampatibay- ibubunga

ng payo sulira- loob

nin

Efeso 2:1 2:2, 3 2:4 2:5, 6 2:7

Smirna 2:8 2:9 ​— 2:10 2:11

Pergamo 2:12 2:13 2:14, 15 2:16 2:17

Tiatira 2:18 2:19 2:20, 21 2:24, 25 2:26-28

Sardis 3:1 ​— 3:1, 2 3:3, 4 3:5

Filadelfia 3:7 3:8 ​— 3:8-11 3:12

Laodicea 3:14 ​— 3:15-17 3:18-20 3:21