Ang Diyos Ba ay Laging Mas Mataas kay Jesus?
Ang Diyos Ba ay Laging Mas Mataas kay Jesus?
SI JESUS ay hindi kailanman nag-angkin na siya ang Diyos. Lahat ng sinabi niya ay nagpapahiwatig na hindi niya itinuring ang sarili na kapantay ng Diyos—sa kapangyarihan, sa kaalaman, sa edad.
Sa bawat yugto ng kaniyang buhay, sa langit man o sa lupa, ang salita niya at paggawi ay kakikitaan ng pagpapasakop sa Diyos. Ang Diyos ang laging mas mataas, si Jesus ang mas mababang nilalang ng Diyos.
Ipinakilala ang Kaibahan ni Jesus sa Diyos
PAULIT-ULIT, ipinakita ni Jesus na siya ay isang nilalang na hiwalay sa Diyos at na siya ay may Diyos na mas mataas sa kaniya, isang Diyos na kaniyang sinamba, isang Diyos na tinawag niyang “Ama.” Nang nananalangin sa Diyos, alalaong baga’y ang Ama, sinabi ni Jesus, “Ikaw, ang iisang tunay na Diyos.” (Juan 17:3) Sa Juan 20:17 sinabi niya kay Maria Magdalena: “Aakyat ako sa aking Ama at iyong Ama, sa aking Diyos at iyong Diyos.” (RS, edisyong Katoliko) Sa 2 Corinto 1:3 tiniyak ni apostol Pablo ang ugnayang ito: “Purihin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Kristo.” Yamang si Jesus ay may Diyos, ang kaniyang Ama, hindi puwede na siya rin ang Diyos na ito.
Si apostol Pablo ay hindi nag-alinlangan sa pagsasabi na si Jesus at ang Diyos ay tiyak na magkabukod: “Sapagkat may isang Diyos, ang Ama, . . . at may isang Panginoon, si Jesu-Kristo.” (1 Corinto 8:6, JB) Ipinakita ng apostol ang pagkakaiba nang banggitin niya ang “harapan ng Diyos at ni Kristo Jesus at ng mga anghel na hinirang.” (1 Timoteo 5:21, RS Common Bible) Kung papaanong si Jesus at ang mga anghel ay tinutukoy ni Pablo bilang magkakaiba sa isa’t-isa sa langit, gayon din si Jesus at ang Diyos.
Makahulugan din ang mga salita ni Jesus sa Juan 8:17, 18. Sinabi niya: “Sa inyong Kautusan ay nasusulat, ‘Ang patotoo ng dalawang saksi ay totoo.’ Isa ako sa nagpapatotoo sa sarili, at ang Ama na nagsugo sa akin ay nagpapatotoo tungkol sa akin.” Ipinakikita ni Jesus na siya at ang Ama, ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, ay dalawang magkaibang tauhan, sapagkat kung hindi ay papaano magkakaroon ng dalawang saksi?
Ipinakita pa rin ni Jesus na siya ay hiwalay sa Diyos nang sabihing: “Bakit mo ako tinatawag na mabuti? Walang mabuti kundi ang Diyos lamang.” (Marcos 10:18, JB) Kaya sinasabi ni Jesus na walang sinomang kasingbuti ng Diyos, maging si Jesus mismo. Ang Diyos ay mabuti sa paraan na nagtatangi sa kaniya kay Jesus.
Ang Mapagpasakop na Lingkod ng Diyos
PAULIT-ULIT, si Jesus ay gumamit ng mga pangungusap na gaya ng: “Ang Anak ay walang magagawa sa sariling kagustuhan, magagawa lamang niya ang nakikita niyang ginagawa ng kaniyang Ama.” (Juan 5:19, The Holy Bible, ni Monsenyor R. A. Knox) “Ako’y nanaog mula sa langit upang gawin, hindi ang kalooban ko, kundi ang kalooban niya na nagsugo sa akin.” (Juan 6:38) “Ang itinuturo ko ay hindi sa akin, kundi sa kaniya na nagsugo sa akin.” (Juan 7:16) Hindi ba mas mataas ang nagsusugo kaysa isinugo?
Ang ugnayang ito ay makikita sa talinghaga ni Jesus hinggil sa ubasan. Inihambing niya ang Diyos, ang kaniyang Ama, sa may-ari ng ubasan, na naglakbay at ipinagkatiwala ito sa mga magsasaka, na kumatawan sa klerong Judio. Nang isugo ng may-ari ang isang alipin upang kumuha ng bunga ng ubasan, ang alipin ay binugbog ng mga magsasaka at pinalayas nang walang dala. Kaya ang may-ari ay nagsugo ng ikalawang alipin, at pagkatapos ay ng ikatlo, at ganoon din ang ginawang pagtrato sa dalawa. Sa wakas, sinabi ng may-ari: “Susuguin ko ang aking minamahal na anak [si Jesus]. Malamang na igagalang nila ito.” Ngunit sinabi ng balakyot na mga magsasaka: “‘Siya ang tagapagmana; patayin natin siya, upang mapasaatin ang mana.’ Kaya itinaboy siya sa labas ng ubasan at pinatay.” (Lucas 20:9-16) Dito’y inilarawan ni Jesus ang katayuan niya bilang sugo ng Diyos upang gawin ang kalooban ng Diyos, kung papaano isinusugo ng isang ama ang mapagpasakop niyang anak.
Si Jesus ay laging itinuring ng mga alagad Gawa 4:23, 27, 30, RS, edisyong Katoliko.
bilang mapagpasakop na lingkod ng Diyos, hindi kapantay ng Diyos. Nanalangin sila sa Diyos hinggil sa “iyong banal na lingkod na si Jesus, na iyong pinahiran, . . . at mga tanda at kababalaghan na ginawa sa pangalan ng iyong banal na lingkod na si Jesus.”—Laging Mas Mataas ang Diyos
SA SIMULA pa ng ministeryo ni Jesus, nang umahon siya sa tubig na pinagbautismuhan sa kaniya, sinabi ng tinig ng Diyos sa langit: “Ito ang aking Anak, ang sinisinta, na aking sinang-ayunan.” (Mateo 3:16, 17) Sinasabi ba ng Diyos na siya ang sarili niyang anak, na sinang-ayunan niya ang sarili, na isinugo ang sarili? Hindi, bilang nakatataas, ang Diyos na Maylikha ay nagsasabi na siya ay sumasang-ayon sa nakabababa, ang kaniyang Anak na si Jesus, ukol sa gawain sa hinaharap.
Idiniin ni Jesus ang pagiging mas mataas ng kaniyang Ama nang sabihin niya: “Ang espiritu ni Jehova ay sumasa akin, sapagkat ako’y pinahiran niya upang ipahayag ang mabuting balita sa mga dukha.” (Lucas 4:18) Ang pagpahid ay pagbibigay ng karapatan o ng atas mula sa isang mas mataas para sa isa na walang pang karapatan. Maliwanag na ang Diyos ang mas mataas, sapagkat pinahiran niya si Jesus, at binigyan siya ng karapatan na hindi niya dating taglay.
Niliwanag ni Jesus ang pagiging mas mataas ng Ama nang pakiusapan siya ng ina ng dalawa niyang alagad na paupuin ang mga ito sa kaliwa at sa kanan ni Jesus pagdating sa Kaharian. Sumagot si Jesus: “Kung tungkol sa pag-upo sa aking kanan at sa kaliwa, hindi ako ang magbibigay nito; ito ay nauukol sa mga pinaglalaanan ng aking Ama,” alalaong baga’y, ang Diyos. (Mateo 20:23, JB) Kung si Jesus ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, ang mga upuang ito ay maipagkakaloob sana niya. Subalit hindi ito maipamahagi ni Jesus, sapagkat karapatan iyon ng Diyos, at si Jesus ay hindi ang Diyos.
Ang sariling mga panalangin ni Jesus ay mabisang halimbawa ng mas mababang kalagayan niya. Nang malapit nang mamatay, ipinakita niya kung sino ang mas mataas nang manalangin siya nang: “Ama, kung nais mo, ilayo mo sa akin ang sarong ito. Gayunma’y, mangyari nawa, hindi ang kalooban ko, kundi ang sa iyo.” (Lucas 22:42) Kanino siya nanalangin? Sa isang bahagi niya? Hindi, nanalangin siya sa isa na lubos na nabubukod, sa kaniyang Ama, ang Diyos, na ang kalooba’y mas mataas at samakatuwid ay naiiba sa kaniya, ang tanging Isa na ‘makapaglalayo ng sarong ito.’
At nang naghihingalo na, si Jesus ay sumigaw: “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” (Marcos 15:34, JB) Kanino sumisigaw si Jesus? Sa sarili o sa isang bahagi niya? Tiyak, ang sigaw na “Diyos ko,” ay hindi nagmula sa isa na nagtuturing na siya’y Diyos. At kung si Jesus ang Diyos, sino naman ang nagpabaya sa kaniya? Ang sarili? Magulo ito. Sinabi din ni Jesus: “Ama, sa mga kamay mo ay inihahabilin ko ang aking espiritu.” (Lucas 23:46) Kung si Jesus ang Diyos, bakit pa niya ihahabilin ang kaniyang espiritu sa Ama?
Pagkamatay ni Jesus, tatlong araw siyang nasa libingan. Kung siya ang Diyos, mali ang Habacuc 1:12 sa pagsasabing: “O Diyos ko, ang aking Banal, hindi ka namamatay.” Ngunit sinasabi ng Bibliya na si Jesus ay namatay at walang-malay sa libingan. At sino ang bumuhay kay Jesus mula sa mga patay? Kung talagang patay siya, hindi niya mabubuhay ang sarili. Sa kabilang dako, kung hindi siya patay, ang pagpapatay-patayan niya ay hindi maglalaan ng halagang pantubos sa kasalanan ni Adan. Subalit buung-buo niyang nabayaran ito sa pamamagitan ng tunay na kamatayan. Kaya ang “Diyos [ang] bumuhay na muli [kay Jesus] nang alisin niya ang mga kirot ng kamatayan.” (Gawa 2:24) Ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, ang mas mataas, ay bumuhay sa mas mababa, sa lingkod niyang si Jesus, mula sa mga patay.
Ang kakayahan ba ni Jesus na gumawa ng mga himala, gaya ng pagbuhay-muli sa mga tao, ay patotoo na siya ang Diyos? Buweno, ang mga apostol at sina propeta Elias at
Eliseo ay nagkaroon din ng kapangyarihang ito, subalit hindi sila naging higit kaysa tao. Ang kapangyarihang maghimala ay ibinigay ng Diyos sa mga propeta, kay Jesus at sa mga apostol upang ipakita na Siya ang nasa likod nila. Subalit hindi ito gumawa sa kanila na bahagi ng isang maramihang pagka-Diyos.Si Jesus ay May Limitadong Kaalaman
NANG ihula ni Jesus ang hinggil sa katapusan ng sistemang ito, sinabi niya: “Hinggil sa araw at oras ay walang nakakaalam, kahit ang mga anghel sa langit, kahit ang Anak, kundi ang Ama lamang.” (Marcos 13:32, RS, edisyong Katoliko) Kung si Jesus ay Anak na kapantay sa pagka-Diyos, alam din sana niya ang nalalaman ng Diyos. Ngunit hindi alam ni Jesus, sapagkat hindi siya kapantay ng Diyos.
Kahawig nito, mababasa sa Hebreo 5:8 na si Jesus ay “natuto ng pagsunod mula sa mga bagay na kaniyang tiniis.” Iisipin kaya natin na ang Diyos ay may dapat pang matutuhan? Hindi, si Jesus lamang, sapagkat hindi niya alam ang lahat ng alam ng Diyos. At dapat siyang matuto ng isang bagay na kailanma’y hindi na dapat matutuhan ng Diyos—pagsunod. Ang Diyos ay hindi sumusunod kahit kanino.
Ang pagkakaiba ng alam ng Diyos at ni Kristo ay nakilala rin nang si Jesus ay buhaying muli upang makasama ng Diyos sa langit. Pansinin ang unang mga salita sa huling aklat ng Bibliya: “Ang apokalipsis ni Jesu-Kristo, na ibinigay ng Diyos sa kaniya.” (Apocalipsis 1:1, RS, edisyong Katoliko) Kung si Jesus ay bahagi ng pagka-Diyos, kailangan pa ba niya ng kapahayagan mula sa isa pang bahagi ng pagka-Diyos—ang Diyos? Tiyak na alam na niya ito, yamang alam ito ng Diyos. Subalit hindi alam ni Jesus, palibhasa’y hindi siya ang Diyos.
Si Jesus ay Patuloy na Nagpapasakop
NANG hindi pa nagiging tao, at nang narito na sa lupa, si Jesus ay nagpasakop sa Diyos. Pagkaraang buhaying-muli, nagpatuloy siya sa isang katayuan ng pagiging-sakop, pagiging-pangalawa.
Nang binabanggit ang pagkabuhay-na-muli ni Jesus, ganito ang sinabi ni Pedro at ng mga kasama niya sa Judiong Sanhedrin: “Dinakila ng Diyos ang isang ito [si Jesus] . . . sa kaniyang kanang kamay.” (Gawa 5:31) Sinabi ni Pablo: “Dinakila siya ng Diyos sa isang mas mataas na katayuan.” (Filipos 2:9) Kung si Jesus ang Diyos, papaano dadakilain si Jesus, alalaong baga’y, itanghal siya sa mas mataas na katayuan kaysa dati? Dati na siyang dakilang bahagi ng Trinidad. Kung, bago dakilain, si Jesus ay kapantay ng Diyos, ang pagdakila ay gagawa sa kaniya na mas mataas pa sa Diyos.
Sinabi din ni Pablo na si Kristo ay pumasok sa “langit, upang lumapit sa mismong harapan ng Diyos alang-alang sa atin.” (Hebreo 9:24, JB) Kung lalapit kayo sa harapan ng iba, papaanong mangyayari na kayo rin ang taong lalapitan? Hindi maaari. Dapat na kayo ay naiiba at hiwalay.
Kahawig nito, bago batuhin upang mamatay, ang martir na si Esteban ay “tumitig sa langit at nakita ang kaluwalhatian ng Diyos at ni Jesus na nasa kanang kamay ng Diyos.” (Gawa 7:55) Maliwanag, ang nakita niya ay dalawang hiwalay na indibiduwal—subalit walang banal na espiritu, walang Trinitaryong pagka-Diyos.
Sa Apocalipsis 4:8 hanggang 5:7, ang Diyos ay makikitang nakaupo sa kaniyang makalangit na trono, subalit wala si Jesus. Kailangan niyang lumapit upang abutin ang balumbon sa kanang kamay ng Diyos. Kaya sa langit si Jesus ay hindi ang Diyos kundi hiwalay sa kaniya.
Bilang pag-ayon sa nabanggit, sinasabi ng Bulletin of the John Rylands Library sa Manchester, Ingglatiyera: “Sa makalangit na buhay matapos buhaying-muli, si Jesus ay inilalarawan taglay ang personal na indibiduwalismo na tangi at hiwalay sa persona ng Diyos na gaya noong nasa lupa pa siya bilang ang makalupang si Jesus. Kung iaagapay at ihahambing sa Diyos, siya ay makikita bilang isa lamang makalangit na nilalang sa makalangit na korte ng Diyos, gaya din ng mga anghel—bagaman bilang Anak ng Diyos, iba ang kaniyang kategorya, at mas mataas ang ranggo kaysa kanila.”—Ihambing ang Filipos 2:11.
Sinasabi din ng Bulletin: “Gayunman, ang sinasabi hinggil sa kaniyang buhay at tungkulin bilang makalangit na Kristo ay hindi nangangahulugan ni nagpapahiwatig na sa banal niyang katayuan siya ay kapantay mismo ng Diyos at ganap na siyang Diyos. Kabaligtaran pa nga, ang Bagong Tipang larawan ng makalangit niyang katauhan at ministeryo ay nagpapaaninaw ng isang larawan na kapuwa hiwalay at nasasakop ng Diyos.”
1 Corinto 15:24, 28, NJB.
Sa walang-hanggang hinaharap sa langit, si Jesus ay patuloy na magiging isang hiwalay, nasasakop na lingkod ng Diyos. Ganito ang paglalarawan ng Bibliya: “Pagkatapos nito ay darating ang wakas, kapag kaniya [si Jesus sa langit] nang isinauli ang kaharian sa Diyos Ama . . . Kung magkagayon ang Anak mismo ay pasasakop sa Isa na nagpasakop sa lahat ng mga bagay sa kaniya, upang ang Diyos ay maging lahat sa lahat.”—Kailanma’y Hindi Inangkin ni Jesus na Siya ang Diyos
MALIWANAG ang paninindigan ng Bibliya. Si Jehova, ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, ay hindi lamang persona na hiwalay kay Jesus kundi lagi Siyang mas mataas. Si Jesus ay laging inihaharap bilang hiwalay at mas mababa, maamong lingkod ng Diyos. Kaya malinaw ang sabi ng Bibliya na “ang ulo ng Kristo ay ang Diyos” kung paanong “ang ulo ng bawa’t lalaki ay si Kristo.” (1 Corinto 11:3) Ito ang dahilan kung bakit sinabi mismo ni Jesus: “Ang Ama ay mas dakila kaysa sa akin.”—Juan 14:28, RS, edisyong Katoliko.
Si Jesus ay hindi talaga ang Diyos at kailanman ay hindi niya inangkin ang ganito. Nakikilala ito ng dumaraming bilang ng mga iskolar. Gaya ng sinasabi ng Bulletin ng Rylands: “Dapat harapin ang katotohanan na ang pagsasaliksik sa Bagong Tipan sa nakaraang tatlumpu o apatnapung taon ay umakay sa lumalaking bilang ng mga mapagkakatiwalaang iskolar ng Bagong Tipan upang ipasiya na si Jesus . . . ay hindi kailanman naniwala na siya nga ang Diyos.”
Sinasabi din ng Bulletin hinggil sa unang-siglong mga Kristiyano: “Kapag iniuukol nila [kay Jesus] ang mararangal na titulong gaya ng Kristo, Anak ng tao, Anak ng Diyos at Panginoon, ito’y paraan ng pagpapakilala sa kaniya, hindi bilang Diyos, kundi siya ang tumupad sa gawa ng Diyos.”
Kaya, inaamin na rin ng mga relihiyosong iskolar na ang ideya ng pagiging-Diyos ni Jesus ay salungat sa buong patotoo ng Bibliya. Doon, ang Diyos ay laging mas mataas, at si Jesus ang mapagpasakop na lingkod.
[Blurb sa pahina 19]
‘Ang pagsasaliksik sa Bagong Tipan ay umakay sa lumalaking bilang ng mga mapagkakatiwalaang iskolar ng Bagong Tipan upang ipasiya na si Jesus ay hindi kailanman naniwala na siya nga ang Diyos.’—Bulletin of the John Rylands Library
[Larawan sa pahina 17]
Sinabi ni Jesus sa mga Judio: “Ako’y nanaog mula sa langit upang gawin, hindi ang kalooban ko, kundi ang kalooban niya na nagsugo sa akin.”—Juan 6:38
[Larawan sa pahina 18]
Nang sumigaw si Jesus ng: “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” tiyak na hindi siya naniwala na siya mismo ang Diyos