Dapat Ba Kayong Maniwala Rito?
Dapat Ba Kayong Maniwala Rito?
NANINIWALA ba kayo sa Trinidad? Karamihan sa Sangkakristiyanuhan ay naniniwala. Sa katunayan, ito ang pinakamahalagang doktrina ng mga iglesiya sa loob ng maraming dantaon.
Dahil dito, iisipin ninyo na wala nang alinlangan tungkol dito. Subalit mayroon, at kailan lamang ang pagtatalo ay lalong pinalubha ng ilan sa mismong mga tagapagtaguyod nito.
Bakit hindi sapat ang basta pahapyaw na interes sa paksang ito? Sapagkat sinabi mismo ni Jesus: “Ito ang walang-hanggang buhay: ang kilalanin ka, na tanging tunay na Diyos, at si Jesu-Cristo na iyong isinugo.” Kaya ang buong kinabukasan natin ay nasasalig sa pag-alam sa tunay na kalikasan ng Diyos, at humihiling ito ng pagparoon sa pinakaugat ng pagtatalo sa Trinidad. Bakit nga hindi ito suriin para sa sarili?—Juan 17:3, Katolikong Jerusalem Bible (JB).
Sarisari ang umiiral na paniwala sa Trinidad. Sa pangkalahatan ang turo ay nagsasabi na ang Diyos ay may tatlong persona, ang Ama, Anak, at Espiritu Santo; gayunman, sila ay iisang Diyos. Sinasabi ng turo na ang tatlo ay magkakapantay, makapangyarihan-sa-lahat, at hindi nilikha, palibhasa’y lagi nang umiiral sa pagka-Diyos.
Ang iba naman ay nagsasabi na ang doktrina ng Trinidad ay huwad, na ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat ay nag-iisa sa pagiging hiwalay, walang-hanggan, at makapangyarihan-sa-lahat. Sinasabi nila na bago naging tao, si Jesus ay isang hiwalay na espiritung persona na nilikha ng Diyos, gaya ng mga anghel, kaya tiyak na siya ay may pasimula. Itinuturo nila na si Jesus ay hindi kailanman nakapantay ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat sa anomang paraan; sakop siya ng Diyos mula noon at hanggang sa ngayon. Naniniwala rin sila na ang banal na espiritu ay hindi persona kundi ang espiritu ng Diyos, ang kaniyang aktibong puwersa.
Ayon sa mga tagapagtaguyod ng Trinidad ito ay salig hindi lamang sa relihiyosong tradisyon kundi sa Bibliya rin naman. Ayon sa mga kritiko ng doktrina hindi ito turo ng Bibliya, at isang autoridad sa kasaysayan ang mismong nagpahayag: “Ang [Trinidad] ay may ganap na paganong pinagmulan.”—The Paganism in Our Christianity.
Kung totoo ang Trinidad, paghamak kay Jesus ang sabihing siya ay hindi kailanman nakapantay ng Diyos bilang bahagi ng pagka-Diyos. Subalit kung ang Trinidad ay huwad, paghamak sa Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat ang ituring na kapantay niya ang sinoman, at mas masahol, ang tawaging “Ina ng Diyos” si Maria. Kung ang Trinidad ay huwad, kawalang-galang sa Diyos ang magsabi, gaya ng sinasabi sa aklat na Catholicism na: “Kung ang Pananampalatayang ito ay hindi iingatang buo at walang-dungis [ng mga tao], tiyak na [sila] ay mapupuksa magpakailanman. At ito ang Pananampalatayang Katoliko: sinasamba natin ang isang Diyos sa Trinidad.”
Kaya, may mabubuting dahilan kung bakit dapat ninyong hangarin na malaman ang totoo tungkol sa Trinidad. Subalit bago suriin ang pinagmulan at pag-aangkin nito sa katotohanan, mas mabuting kunin ang ispesipikong katuturan ng doktrinang ito. Ano nga ba ang Trinidad? Papaano ito ipinaliliwanag ng mga tagapagtaguyod nito?
[Mga larawan sa pahina 2]
Kaliwa: Eskulturang Ehipsiyo mula noong ikalawang milenyo (B.C.E.) Trinidad nina Amon-Ra, Ramses II, at Mut. Kanan: Ikalabing-apat na siglong (C.E.) eskultura ng Trinidad nina Jesu-Kristo, ng Ama, at ng banal na espiritu. Pansinin, tatlong persona subalit apat lamang ang paa.