Papaano Nabuo ang Doktrina ng Trinidad?
Papaano Nabuo ang Doktrina ng Trinidad?
NGAYON ay baka itanong ninyo: ‘Kung ang Trinidad ay hindi isang turo sa Bibliya, paano ito naging doktrina ng Sangkakristiyanuhan?’ Marami ang naniniwala na ito ay binalangkas sa Konsilyo ng Nicaea noong 325 C.E.
Gayunman, hindi ito lubusang totoo. Iginiit nga ng Konsilyo ng Nicaea na si Kristo ay kaisang sangkap ng Diyos, at naging saligan ito ng teolohiyang Trinidad na itinuro nang maglaon. Subalit hindi ito ang nagtatag sa Trinidad, sapagkat sa konsilyong yaon ay hindi binanggit ang banal na espiritu bilang ikatlong persona ng tatlo-sa-isang pagka-Diyos.
Ang Papel ni Constantino sa Nicaea
SA LOOB ng maraming taon, dahil sa maka-Biblikong saligan ay nagkaroon ng mahigpit na pagsalansang sa nabubuong paniwala na si Jesus ay Diyos. Sa kagustuhang lutasin ang alitan, lahat ng mga obispo ay ipinatawag sa Nicaea ng Romanong emperador na si Constantino. Mga 300, maliit na bahagi lamang ng kabuuan, ang aktuwal na dumalo.
Si Constantino ay hindi Kristiyano. Nakumberte siya di-umano noong huling yugto ng kaniyang buhay, ngunit nabautismuhan lamang siya nang naghihingalo na. Tungkol sa kaniya ay sinabi ni Henry Chadwick sa The Early Church: “Si Constantino, gaya ng ama niya, ay sumamba sa Hindi-Malupig na Araw; . . . hindi dapat ipangahulugan na ang pagka-kumberte niya ay sanhi ng pagtanggap niya ng biyaya ng Diyos . . . Ang dahilan ay lubusang maka-militar. Kailanma’y hindi naging malinaw ang unawa niya sa doktrinang Kristiyano, subalit tiyak niya na ang tagumpay sa digmaan ay kaloob ng Diyos ng mga Kristiyano.”
Anong papel ang ginampanan ng di-nabautismuhang emperador na ito sa Konsilyo ng Nicaea? Nag-uulat ang Encyclopædia Britannica: “Si Constantino mismo ang namuno, umakay sa mga pag-uusap, at personal na nagharap . . . ng napakahalagang pormula na nagpapahayag ng relasyon ni Kristo sa Diyos ayon sa kredong inilabas ng konsilyo, ‘ang pagiging-kaisang sangkap ng Ama’ . . . Labis na nasindak sa emperador, lahat ng obispo, maliban sa dalawa, ay lumagda sa kredo, at marami ang gumawa nito nang laban sa kalooban.”
Kaya, mahalaga ang papel ni Constantino. Pagkaraan ng dalawang buwan ng mainit na pagtatalong relihiyoso, namagitan ang paganong politikong ito at nagpasiya nang pabor sa mga nagsasabing si Jesus ay Diyos. Ngunit bakit? Tiyak na hindi dahil sa maka-Biblikong paniwala. “Si Constantino ay wala ni bahagyang saligang unawa sa mga suliranin ng teolohiyang Griyego na pinag-uusapan noon,” sabi ng A Short History of Christian Doctrine. Ang alam niya ay na ang relihiyosong pagkabahabahagi ay magiging banta sa imperyo, at gusto niyang papagkaisahin ang kaniyang nasasakupan.
Sa kabila nito, sa Nicaea ay walang obispo na nagtaguyod sa Trinidad. Pinagtibay lamang nila ang kalikasan ni Jesus at hindi ang papel ng banal na espiritu. Kung ang Trinidad ay maliwanag na katotohanan sa Bibliya, hindi ba dapat sana’y naiharap ito nang panahong yaon?
Karagdagang Pagsulong
PAGKARAAN ng Nicaea, ang pagtatalo sa paksa ay nagpatuloy sa loob ng maraming dekada. May panahon pa nga na muling pinaboran ang mga naniwalang si Jesus ay hindi kapantay ng Diyos. Ngunit nang maglaon si Emperador Teodosio ay nagpasiya laban sa kanila. Ang kredo ng Konsilyo sa Nicaea ay pinagtibay niya bilang pamantayan ng kaniyang kaharian at tumawag ng Konsilyo ng Constantinople noong 381 C.E. upang liwanagin ang pormulang ito.
Sumang-ayon ang konsilyong yaon na ilagay ang banal na espiritu sa antas na kapantay ng Diyos at ni Kristo. Sa unang pagkakataon, ang Trinidad ng Sangkakristiyanuhan ay naging sentro ng atensiyon.
Subalit, pagkaraan ng Konsilyo ng Constantinople, ang Trinidad ay hindi pa rin naging isang tanyag na kredo. Marami ang sumalansang dito anupat sila’y naging tudlaan ng marahas na pag-uusig. Noon lamang sumunod na mga dantaon binalangkas ang Trinidad sa takdang mga kredo. Nagsasabi ang The Encyclopedia Americana: “Naganap sa Kanluran ang lubos na pagsulong ng Trinitaryanismo,
sa Edad Medyang Iskolastisismo, nang ito ay ipaliwanag ayon sa mga termino ng pilosopiya at sikolohiya.”Ang Kredong Atanacio
ANG Trinidad ay higit pang niliwanag ng Kredong Atanacio. Si Atanacio ay isang pari na sumuporta kay Constantino sa Nicaea. Ang kredo na ipinangalan sa kaniya ay nagsasabi: “Sinasamba natin ang isang Diyos sa Trinidad . . . Ang Ama ay Diyos, ang Anak ay Diyos, at ang Espiritu Santo ay Diyos; gayunma’y hindi tatlo ang diyos, kundi isang Diyos.”
Gayumpaman, nagkakaisa ang may-kabatirang mga iskolar na hindi si Atanacio ang kumatha ng kredong ito. Ang The New Encyclopædia Britannica ay nagkomento: “Ang kredo ay hindi kilala ng Iglesiya sa Silangan bago ang ika-12 siglo. Mula noong ika-17 siglo, nagkakaisa ang mga iskolar na ang Kredong Atanacio ay hindi isinulat ni Atanacio (na namatay noong 373) kundi marahil ay kinatha sa timog Pransya noong ika-5 siglo. . . . Ang kredo ay may pangunahing impluwensiya sa timog Pransiya at Espanya noong ika-6 at ika-7 siglo. Ginamit ito sa liturhiya ng simbahan sa Alemanya noong ika-9 na siglo at sa Roma pagkaraan naman nito.”
Kaya lumipas ang maraming dantaon mula noong panahon ni Kristo bago malawakang tinanggap ng Sangkakristiyanuhan ang Trinidad. At sa buong panahong ito, ano ang pumatnubay sa mga pagpapasiya? Ang Salita ba ng Diyos, o maka-klero at maka-politikang mga salik? Si E. W. Hopkins ay sumasagot sa Origin and Evolution of Religion: “Ang pangwakas na ortodoksong kahulugan ng Trinidad ay pangunahin nang kaugnay ng politika sa simbahan.”
Inihula ang Apostasya
ANG di kanaisnais na kasaysayan ng Trinidad ay akmang-akma sa inihula ni Jesus at ng mga apostol na magaganap pagkaraan ng panahon nila. Sinabi nila na magkakaroon ng apostasya, paglihis, ng pagtaliwakas sa tunay na pagsamba hanggang sa pagbabalik ni Kristo, kapag naisauli na ang tunay na pagsamba bago ang araw ng pagpuksa ng Diyos sa pamamalakad na ito ng mga bagay.
Sinabi ni apostol Pablo hinggil sa “araw” na yaon: “Ito’y hindi darating malibang dumating muna ang pagtaliwakas at mahayag ang taong makasalanan.” (2 Tesalonica 2:3, 7) Nang dakong huli, ay inihula niya: “Pagyao ko ay sasalakayin kayo ng mababangis na lobo na hindi magdadalang-habag sa kawan. At sa inyong sariling mga kasamahan ay lilitaw ang mga taong humahamak sa katotohanan sa pamamagitan ng labi upang hikayatin ang mga alagad na sumunod sa kanila.” (Gawa 20:29, 30, JB) Sumulat din ang ibang alagad ni Jesus hinggil sa apostasyang ito at sa uring ‘makasalanang’ klero nito.—Halimbawa, tingnan ang 2 Pedro 2:1; 1 Juan 4:1-3; Judas 3, 4.
Sumulat din si Pablo: “Darating nga ang panahon, palibhasa’y hindi nasisiyahan sa magaling na aral, na ang mga tao ay masasabik sa bagong mga aral at magtitipon sa ganang sarili ng maraming guro na naaayon sa kanilang panlasa; at sa halip na makinig sa katotohanan, ay babaling sa mga alamat.”—2 Timoteo 4:3, 4, JB.
Niliwanag mismo ni Jesus kung ano ang nasa likod ng pagtaliwakas sa tunay na pagsamba. Sinabi niya na siya ay naghasik ng mabubuting binhi subalit ang kaaway, si Satanas, ay naghasik din ng panirang damo sa bukid. Kaya lumitaw din ang damo kasabay ng unang mga usbong ng trigo. Dahil dito, maaasahan ang paglihis sa dalisay na pagka-Kristiyano hanggang sa panahon ng pag-aani, kung saan ang mga bagay-bagay ay itutuwid ni Kristo. (Mateo 13:24-43) Nagkokomento ang The Encyclopedia Americana: “Ang Trinitaryanismo noong ikaapat na siglo ay hindi wastong nagpaaninaw sa sinaunang Kristiyanong turo hinggil sa kalikasan ng Diyos; sa kabaligtaran, yao’y paglihis sa ganitong turo.” Saan, kung gayon, nagmula ang paglihis na ito?—1 Timoteo 1:6.
Kung Ano ang Nakaimpluwensiya Rito
SA BUONG sinaunang daigdig, kasing-aga pa ng Babilonya, ang pagsamba sa tatluhang mga paganong diyos, o mga triad, ay karaniwan na. Ang impluwensiyang ito ay laganap din sa Ehipto, sa
Gresya, at sa Roma noong mga dantaon bago, noong kasalukuyan at pagkaraan ni Kristo. At pagkamatay ng mga apostol, ang mga paganong paniwalang ito ay nakasalingit sa Kristiyanismo.Ganito ang obserbasyon ng mananalaysay na si Will Durant: “Ang Kristiyanismo ay hindi bumuwag sa paganismo; ito’y inari niya ukol sa sarili. . . . Sa Ehipto nagmula ang ideya ng banal na trinidad.” At sa aklat na Egyptian Religion, ay sinabi ni Siegfried Morenz: “Ang trinidad ay naging pangunahing interes ng mga teologo . . . Tatlong diyos ang pinagsamasama at tinrato bilang iisa, at tinukoy sa isahang bilang. Kaya ang espirituwal na puwersa ng relihiyong Ehipsiyo ay tuwirang kaugnay sa teolohiyang Kristiyano.”
Kaya, sa katapusan ng ikatlo at pasimula ng ikaapat na dantaon, sa Aleksandriya, Ehipto, ang impluwensiyang ito ay ipinaaninaw ng mga pinuno ng simbahan, gaya ni Atanacio, habang binabalangkas ang mga ideya na umakay sa Trinidad. Lumaganap din ang impluwensiya nila, kaya itinuring ni Morenz ang “teolohiyang Aleksandrino bilang tulay sa pagitan ng minanang relihiyon ng Ehipto at ng Kristiyanismo.”
Mababasa natin sa paunang-salita ng History of Christianity ni Edward Gibbon: “Kung ang Paganismo ay nasakop ng Kristiyanismo, totoo din na ang Kristiyanismo ay pinasamâ ng Paganismo. Ang dalisay na paniniwala sa Diyos ng mga unang Kristiyano . . . ay pinalitan, ng Simbahan ng Roma, ng malabong turo ng trinidad. Maraming paganong doktrina, na kinatha ng mga Ehipsiyo at ginawang uliran ni Plato, ay pinanatili bilang karapatdapat sa paniniwala.”
Iniuulat ng A Dictionary of Religious Knowledge na marami ang nagsasabi na ang Trinidad “ay isang katiwalian na hiniram sa mga relihiyong pagano, at iniugpong sa pananampalatayang Kristiyano.” At ang The Paganism in Our Christianity ay nagpapahayag: “Ang [Trinidad] ay may ganap na paganong pinagmulan.”
Iyon ang dahilan kung bakit, sa Encyclopædia of Religion and Ethics, si James Hastings ay sumulat: “Sa relihiyon ng Indiya, halimbawa, makikita natin ang tatluhang grupo nina Brahmā, Siva, at Visnu; at sa relihiyong Ehipsiyo ay ang tatluhang grupo nina Osiris, Isis, at Horus . . . Hindi lamang sa makasaysayang relihiyon masusumpungan ang Diyos bilang isang Trinidad. Maaalaala ng isa lalung-lalo na ang Neo-Platonikong pangmalas sa Kataastaasan o Pangwakas na Katotohanan,” na “kinakatawanan ng isang trinidad.” Ano ang kinalaman sa Trinidad ng Griyegong pilosopong si Plato?
Platonismo
AYON sa sapantaha, si Plato ay nabuhay noong 428 hanggang 347 bago kay Kristo. Bagaman hindi niya itinuro ang Trinidad ayon sa kasalukuyang anyo nito, ang kaniyang mga pilosopiya ay naglatag ng daan ukol dito. Nang dakong huli, naglitawan ang pilosopikong mga kilusan na naglakip ng paniwala sa trinidad, at ang mga ito ay naimpluwensiyahan ng mga paniwala ni Plato hinggil sa Diyos at sa kalikasan.
Sinasabi ng Pranses na Nouveau Dictionnaire Universel (New Universal Dictionary) hinggil sa impluwensiya ni Plato: “Lumilitaw na ang Platonikong trinidad, na isa lamang pagsasaayos ng mas matatandang trinidad na nagmula pa sa sinauna, ay ang pilosopikong trinidad ng mga katangian na nagluwal sa tatlong tauhan o dibino persona na itinuturo ng mga iglesiya Kristiyana. . . . Ang paniwala ng pilosopong Griyegong ito sa banal na trinidad . . . ay masusumpungan sa lahat ng sinaunang [paganong] relihiyon.”
Ipinakikita ng The New Schaff-Herzog Encyclopedia of Religious Knowledge ang impluwensiya ng pilosopiyang Griyegong ito: “Ang mga doktrina ng Logos at ng Trinidad ay hinubog ng mga Griyegong Ama, na . . . lubhang naimpluwensiyahan, sa tuwiran o di-tuwiran, ng Platonikong pilosopiya . . . Hindi maikakaila na mula rito ang mga pagkakamali at katiwalian ay nakapasok sa Simbahan.”
Sinasabi ng The Church of the First Three Centuries: “Ang doktrina ng Trinidad ay unti-unti at kamakailan lamang nabuo; . . . galing ito sa isang pinagmulan na malayong-malayo sa mga Kasulatang Judio at Kristiyano; . . . sumulong ito, at iniugpong sa Kristiyanismo, sa pagsisikap ng mga Platonikong Ama.”
Sa pagtatapos ng ikatlong siglo C.E., ang “Kristiyanismo” at ang bagong Platonikong mga pilosopiya ay ganap nang naging magkaisa. Gaya ng sinasabi ni Adolf Harnack sa Outlines of the History of Dogma, ang doktrina ng simbahan ay “nag-ugat nang malalim sa lupa ng Hellenismo [paganong Griyegong kaisipan]. Kaya ito ay naging isang hiwaga para sa karamihan ng Kristiyano.”
Inangkin ng simbahan na ang mga bagong doktrina nito ay salig sa Bibliya. Ngunit sinabi ni Harnack: “Ang totoo ay ginawa nitong lehitimo ang Hellenikong panghihinuha, ang mapamahiing mga paniwala at kaugalian ng paganong pagsamba sa misteryo.”
Sa aklat na A Statement of Reasons, sinasabi ni Andrews Norton hinggil sa Trinidad: “Matutunton ang kasaysayan ng doktrina, at matutuklasan ang
ugat nito, hindi sa Kristiyanong kapahayagan, kundi sa pilosopiyang Platoniko . . . Ang Trinidad ay hindi doktrina ni Kristo at ng kaniyang mga Apostol, kundi isang kathang-isip ng mga huling tagapagtaguyod ng kaisipan ni Plato.”Kaya, noong ikaapat na siglo C.E., ganap nang namumukadkad ang apostasya na inihula ni Jesus at ng mga apostol. Ang pag-unlad ng Trinidad ay isa lamang katibayan nito. Sinimulan na ring yakapin ng apostatang mga iglesiya ang ibang paganong ideya, gaya ng apoy ng impiyerno, kawalang-kamatayan ng kaluluwa, at idolatriya. Sa diwang espirituwal, nagsimula na ang inihulang madilim na kapanahunan ng Sangkakristiyanuhan, na pinangibabawan ng isang lumalaking “taong makasalanan” na uring klero.—2 Tesalonica 2:3, 7.
Bakit Hindi Ito Itinuro ng mga Propeta ng Diyos?
BAKIT, sa loob ng libulibong taon, ni isa sa mga propeta ng Diyos ay hindi nagturo ng Trinidad sa kaniyang bayan? Pagkaraan nito, bilang Dakilang Guro, hindi kaya liwanagin ni Jesus ang Trinidad sa kaniyang mga tagasunod? Papatnubayan kaya ng Diyos ang pagsulat ng daandaang pahina ng Kasulatan at pagkatapos ay hindi gagamitin ang alinman sa mga ito upang ituro ang Trinidad kung ito nga ang “pinakamahalagang doktrina” ng pananampalataya?
Maniniwala ba ang mga Kristiyano na maraming dantaon pagkaraan ni Kristo at matapos na patnubayan ang pagsulat sa Bibliya, ang Diyos ay kukunsinti sa pagbuo ng isang doktrina na hindi nakilala ng mga lingkod niya sa loob ng libulibong taon, isang doktrina na “hindi malirip ang hiwaga” at “hindi masakyan ng unawa ng tao,” isa na inaaming nagmula sa mga pagano at “kaugnay pangunahin na ng politika sa simbahan”?
Maliwanag ang patotoo ng kasaysayan: Ang turo ng Trinidad ay isang paglihis sa katotohanan, isang pagtaliwakas dito.
[Blurb sa pahina 8]
‘Ang ikaapat na siglong Trinitaryanismo ay paglihis sa sinaunang turong Kristiyano.’—The Encyclopedia Americana
[Kahon sa pahina 9]
Ang “Trinidad ng Dakilang mga Diyos”
Maraming siglo bago ang panahon ni Kristo, ay mayroon nang mga triad, o trinidad, ng mga diyos sa sinaunang Babilonya at Asirya. Binabanggit ng Pranses na “Larousse Encyclopedia of Mythology” ang isa sa mga trinidad na ito sa dakong Mesopotamiya: “Ang sansinukob ay hinati sa tatlong rehiyon na kung saan ang bawat isa ay naging kaharian ng isang diyos. Ang langit ay naging bahagi ni Anu. Ang lupa ay ibinigay kay Enlil. Si Ea ang naging tagapamahala ng mga tubig. Sila ay samasamang bumuo sa trinidad ng Dakilang mga Diyos.”
[Kahon sa pahina 12]
Trinidad ng mga Hindu
Ang aklat na “The Symbolism of Hindu Gods and Rituals” ay nagsasabi hinggil sa isang trinidad ng mga Hindu na umiral maraming dantaon bago pa kay Kristo: “Si Siva ang isa sa mga diyos ng Trinidad. Di-umano’y siya ang diyos ng pagpuksa. Ang dalawa pang diyos ay si Brahma, diyos ng paglalang at si Vishnu, diyos ng panustos. . . . Upang ipahiwatig na ang tatlong pamamaraang ito ay iisa at magkakatulad ang tatlong diyos ay pinagsasamasama sa iisang anyo.”—Inilathala ni A. Parthasarathy, Bombay.
[Larawan sa pahina 8]
“Si Constantino ay wala ni bahagyang saligang unawa sa mga suliranin ng teolohiyang Griyego na pinag-uusapan noon.”—A Short History of Christian Doctrine
[Mga larawan sa pahina 10]
1. Ehipto. Trinidad nina Horus, Osiris, Isis, ika-2 milenyo B.C.E.
2. Babilonya. Trinidad nina Ishtar, Sin, Shamash, ika-2 milenyo B.C.E.
3. Palmyra. Trinidad ng diyos ng buwan, Panginoon ng mga Langit, diyos ng araw, c. unang siglo C.E.
4. Indiya. Tatlo-sa-isa na pagka-Diyos ng mga Hindu, c. ika-7 siglo C.E.
5. Kampuchea. Tatlo-sa-isa na pagka-Diyos ng mga Buddhista, c. ika-12 siglo C.E.
6. Norway. Trinidad (Ama, Anak, banal na espiritu), c. ika-13 siglo C.E.
7. Pransya. Trinidad, c. ika-14 na siglo C.E.
8. Italya. Trinidad, c. ika-15 siglo C.E.
9. Alemanya. Trinidad, ika-19 na siglo C.E.
10. Alemanya. Trinidad, ika-20 siglo C.E.