Sambahin ang Diyos Batay sa Kaniyang mga Kondisyon
Sambahin ang Diyos Batay sa Kaniyang mga Kondisyon
SI JESUS ay nanalangin sa Diyos: “Ito’y nangangahulugan ng buhay na walang-hanggan, ang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang iisang Diyos na tunay, at sa iyong isinugo, si Jesu-Kristo.” (Juan 17:3) Anong uri ng kaalaman? “Kalooban [ng Diyos] na lahat ng uri ng tao ay maligtas at sumapit sa wastong kaalaman hinggil sa katotohanan.” (1 Timoteo 2:4) Ganito isinalin ng The Amplified Bible ang huling parirala: “Alamin nang may katiyakan at kawastuan ang [banal na] Katotohanan.”
Kaya nais ng Diyos na siya at ang layunin niya ay makilala sa wastong paraan, kasuwato ng banal na katotohanan. At ang bukal ng katotohanang iyan ay ang Salita ng Diyos, ang Banal na Bibliya. (Juan 17:17; 2 Timoteo 3:16, 17) Kapag natutuhan nang wasto ang sinasabi ng Bibliya hinggil sa Diyos, naiiwasan ang pagiging gaya ng sinasabi sa Roma 10:2, 3, na may “sigasig sa Diyos; ngunit hindi ayon sa wastong kaalaman.” O gaya ng mga Samaritano, na sinabihan ni Jesus: “Sinasamba ninyo ang hindi ninyo kilala.”—Juan 4:22.
Kaya, kung nais natin ang pagsang-ayon ng Diyos, dapat itanong: Ano ang sinasabi ng Diyos hinggil sa sarili? Papaano niya gustong sambahin siya? Ano ang kaniyang mga layunin, at papaano natin iaangkop ang sarili sa mga ito? Ang wastong kaalaman sa katotohanan ay magbibigay ng wastong sagot sa mga tanong na ito. Kung magkagayon ay maaari na nating sambahin ang Diyos batay sa kaniyang mga kondisyon.
Paglapastangan sa Diyos
“YAONG nagpaparangal sa akin ay aking pararangalan,” sabi ng Diyos. (1 Samuel 2:30) Pagpaparangal ba sa Diyos ang pagturing sa iba bilang kapantay niya? Nagpaparangal ba sa kaniya ang pagtawag kay Maria na “ina ng Diyos” at “Tagapamagitan . . . sa Maylikha at ng mga nilikha,” gaya ng ginagawa ng New Catholic Encyclopedia? Hindi, nakakainsulto sa Diyos ang mga paniwalang ito. Wala siyang kapantay; ni nagkaroon siya ng inang tao, yamang si Jesus ay hindi ang Diyos. At walang “[babaeng] Tagapamagitan,” sapagkat ang Diyos ay nag-atas lamang ng “isang tagapamagitan sa Diyos at sa tao,” si Jesus.—1 Timoteo 2:5; 1 Juan 2:1, 2.
Walang alinlangan, ang doktrina ng Trinidad ay nakalilito at nagpapalabo sa unawa ng tao hinggil sa tunay na katayuan ng Diyos. Humahadlang ito sa wastong pagkilala sa Pansansinukob na Soberano, ang Diyos na Jehova, at sa pagsamba sa kaniya batay sa kaniyang mga kondisyon. Ayon sa sinabi ni Hans Küng: ”Bakit pa gugustuhin ng sinoman na lahukan ang paniwala sa pagiging-iisa at pagiging-tangi ng Diyos kung palalabuin o wawaling-kabuluhan lamang ang pagiging-iisa at pagiging-tanging ito?” Subalit ganito mismo ang ginawa ng paniwala sa Trinidad.
Ang mga naniniwala sa Trinidad ay hindi “kumikilala sa Diyos ayon sa wastong kaalaman.” (Roma 1:28) Sinasabi din ng talatang ito: “Pinabayaan sila ng Diyos sa kanilang masamang pag-iisip, upang gawin ang mga bagay na hindi nararapat.” Itinatala ng Roma 1 bersikulo 29 hanggang 31 ang ilan sa ‘di-nararapat’ na mga bagay na ito, gaya ng ‘pagpatay, kapanaghilian, pagtatalusira sa kasunduan, kawalan ng katutubong pag-ibig, kawalang-habag.’ Ito mismo ang ginagawa ng mga relihiyon na yumayakap sa Trinidad.
Halimbawa, malimit usigin at patayin ng mga Trinitaryo ang mga tumatanggi sa doktrina ng Trinidad. At masahol pa ang ginawa nila. Pumapatay sila ng mga kapuwa-Trinitaryo kung panahon ng digmaan. Mayroon pa bang mas ‘di-nararapat’ kaysa pagpatay ng Katoliko sa kapuwa Katoliko, Ortodokso sa kapuwa Ortodokso, Protestante sa kapuwa Protestante—sa pangalan ng iisang Trinitaryong Diyos?
Subalit, maliwanag na sinabi ni Jesus: “Sa ganito’y makikilala ng lahat na kayo’y aking mga alagad, kung kayo’y may pag-ibig sa isa’t-isa.” (Juan 13:35) Pinalalawak pa ito ng Salita ng Diyos, sa pagsasabing: “Sa ganito nahahayag ang mga anak ng Diyos at ang mga anak ng Diyablo: Ang sinomang hindi gumagawa ng katuwiran ay hindi mula sa Diyos, ni ang hindi umiibig sa kaniyang kapatid.” Ang pumapatay sa espirituwal na kapatid ay gaya ni “Cain, na nagmula sa balakyot [si Satanas] at pinaslang ang kaniyang kapatid.”—1 Juan 3:10-12.
Kaya, ang pagtuturo ng nakalilitong mga doktrina hinggil sa Diyos ay umakay sa mga paggawi na labag sa kaniyang mga kautusan. Oo, ang nagaganap sa buong Sangkakristiyanuhan ay gaya ng inilarawan ni Soren Kierkegaard, teologong taga-Denamarka: “Ang Kristiyanismo ay itinakwil ng Sangkakristiyanuhan nang hindi namamalayan ito.”
Ang espirituwal na kalagayan ng Sangkakristiyanuhan Tito 1:16.
ay naaangkop sa isinulat ni apostol Pablo: “Sila’y nagpapanggap na nakikilala nila ang Diyos, ngunit itinatakwil siya dahil sa kanilang mga gawa, palibhasa’y mga kasuklamsuklam at mga masuwayin at hindi sinasang-ayunan sa alinmang gawang mabuti.”—Hindi na magtatagal, kapag winakasan na ng Diyos ang balakyot na sistemang ito, ang Trinitaryong Sangkakristiyanuhan ay tiyak na papagsusulitin. At siya’y hahatulan dahil sa kaniyang mga gawain at doktrinang lumalapastangan sa Diyos.—Mateo 24:14, 34; 25:31-34, 41, 46; Apocalipsis 17:1-6, 16; 18:1-8, 20, 24; 19:17-21.
Itakwil ang Trinidad
HINDI maaaring ikompromiso ang mga katotohanan ng Diyos. Kaya, ang pagsamba sa Diyos batay sa kaniyang mga kondisyon ay humihiling ng pagtatakwil sa doktrina ng Trinidad. Sinasalungat nito ang itinuro at sinampalatayanan ni Jesus, ng mga apostol, at ng unang mga Kristiyano. Salungat ito sa sinasabi ng Diyos hinggil sa sarili sa mismong kinasihang Salita niya. Kaya, nagpapayo siya: “Alamin na ako lamang ang Diyos at walang ibang gaya ko.”—Isaias 46:9, TEV.
Ang mga kapakanan ng Diyos ay hindi napaglilingkuran kapag siya ay pinagmumukhang nakalilito at mahiwaga. Mentras nalilito tayo sa Diyos at sa mga layunin niya, lalo itong nagugustuhan ng Kaaway ng Diyos, si Satanas na Diyablo, ang ‘diyos ng sanlibutang ito.’ Siya mismo ang nagtataguyod ng ganitong huwad na doktrina upang ‘bulagin ang isipan ng mga hindi sumasampalataya.’ (2 Corinto 4:4) At ang doktrina ng Trinidad ay naglilingkod din sa kapakanan ng mga pinuno ng relihiyon na gustong ipagpatuloy ang panunupil sa tao, sapagkat gusto nilang palitawin na mga teologo lamang ang maaaring umunawa nito.—Tingnan ang Juan 8:44.
Nakagiginhawa ang wastong kaalaman sa Diyos. Pinalalaya tayo mula sa mga turo na salungat sa Salita ng Diyos at sa mga organisasyon na nagtakwil dito. Gaya ng sinabi ni Jesus: “Makikilala ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo.”—Juan 8:32.
Sa pagpaparangal sa Diyos bilang kataastaasan at sa pagsamba sa kaniya batay sa sarili niyang kondisyon, maiiwasan natin ang hatol na malapit nang igawad sa apostatang Sangkakristiyanuhan. Sa halip, makakaasa tayo sa pagsang-ayon ng Diyos kapag nagwakas na ang sistemang ito: “Ang sanlibutan ay lumilipas at pati na ang masamang pita nito, subalit ang gumagawa ng kalooban ng Diyos ay mananatili magpakailanman.”—1 Juan 2:17.
[Larawan sa pahina 31]
Ang daan-daang taóng eskulturang ito sa Pransiya ay naglalarawan sa ginawa ng Trinidad na pagpuputong ng korona kay “birhen” Maria. Ang paniwala sa Trinidad ay umakay sa pagsamba kay Maria bilang “Ina ng Diyos”