Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Nilalaman ng Aklat

Ang Nilalaman ng Aklat

Ang Nilalaman ng Aklat

Ang isang taong noon lamang nakapasok sa isang aklatan ay maaaring malito sa dami ng mga aklat. Subalit sa kaunting paliwanag kung paano inihanay ang mga aklat, natututuhan niya agad kung paano makikita ang mga hinahanap niya. Sa katulad na paraan, ang paghahanap sa Bibliya ay magiging mas madali kung mauunawaan mo ang pagkakahanay ng mga nilalaman nito.

ANG salitang “Bibliya” ay galing sa salitang Griego na bi·bliʹa, na nangangahulugang “mga rolyong papiro” o “mga aklat.”1 Ang Bibliya sa totoo ay isang koleksiyon​—isang aklatan—​ng 66 na indibiduwal na mga aklat, na ang pagkakasulat ay tumagal ng mga 1,600 taon, mula 1513 B.C.E. hanggang mga 98 C.E.

Ang unang 39 na aklat, mga tatlong-kapat ng nilalaman ng Bibliya, ay kilala bilang ang Hebreong Kasulatan, yamang karamihan dito ay isinulat sa wikang iyan. Karaniwan nang hinahati ang mga aklat na ito sa tatlong grupo: (1) Makasaysayan, Genesis hanggang Esther, 17 aklat; (2) Matulain, Job hanggang Ang Awit ng mga Awit, 5 aklat; at (3) Makahula, Isaias hanggang Malakias, 17 aklat. Saklaw ng Hebreong Kasulatan ang sinaunang kasaysayan ng lupa at ng sangkatauhan gayundin ang kasaysayan ng sinaunang bansang Israel mula sa pasimula nito hanggang sa ikalimang siglo B.C.E.

Ang natitirang 27 aklat ay kilala bilang ang Kristiyanong Griegong Kasulatan, dahil sa ang mga ito’y isinulat sa Griego, ang internasyonal na wika noon. Ang mga ito’y pangunahin nang inihanay ayon sa paksang tinatalakay: (1) ang 5 makasaysayang aklat​—ang mga Ebanghelyo at Mga Gawa, (2) ang 21 liham, at (3) ang Apocalipsis. Ang Kristiyanong Griegong Kasulatan ay nakatuon sa mga turo at gawa ni Jesu-Kristo at ng kaniyang mga alagad noong unang siglo C.E.