Ang Pinakamalaganap na Aklat sa Buong Daigdig
Ang Pinakamalaganap na Aklat sa Buong Daigdig
“Ang Bibliya ang pinakamalaganap na binabasang aklat sa buong kasaysayan. . . . Higit na mga kopya ng Bibliya ang naipamahagi na kaysa alin pa mang aklat. Naisalin na rin ang Bibliya nang mas maraming ulit, at sa mas maraming wika, kaysa alin pa mang aklat.”—“The World Book Encyclopedia.”1
KUNG tungkol sa ilang bagay, karamihan sa mga aklat ay gaya ng tao. Sila’y lumilitaw sa eksena, maaaring nagiging popular, at—maliban sa ilang klasika—nalalaos at namamatay. Ang mga aklatan ay madalas na nagsisilbing libingan ng di-mabilang na mga aklat na lipas na, hindi na binabasa at, wika nga’y, patay na.
Gayunman, ang Bibliya ay natatangi kahit sa iba pang akdang klasikal. Bagaman ang orihinal na pagkakasulat dito ay noon pang 3,500 taon, ito’y buháy na buháy pa rin. Ito’y makapupong higit na pinakamalaganap na aklat sa lupa. a Bawat taon, mga 60 milyong kopya ng buong Bibliya o ng bahagi nito ang ipinamamahagi. Ang unang edisyon na inimprenta sa kumikilos na tipo ay inilabas mula sa palimbagan ng imbentor na Aleman na si Johannes Gutenberg noong mga 1455. Mula noon ay tinatayang apat na bilyong Bibliya (buong Bibliya o bahagi nito) ang nailimbag na. Walang ibang aklat, relihiyoso man o hindi, ang nakaabot man lamang dito.
Ang Bibliya rin ang aklat na may pinakamaraming salin sa buong kasaysayan. Ang kumpletong Bibliya o mga bahagi nito ay naisalin na sa mahigit na 2,100 wika at diyalekto. b Mahigit sa 90 porsiyento ng sangkatauhan ay nakakakuha kahit man lamang bahagi ng Bibliya sa kanilang sariling wika.2 Nakatawid kung gayon ang aklat na ito sa mga hangganan ng bansa at nalampasan nito ang mga hadlang na panlahi at panlipi.
Ang estadistika sa ganang sarili ay maaaring hindi nakakakumbinsing dahilan para sa iyo upang suriin ang Bibliya. Magkagayunman, ang bilang ng sirkulasyon at pagsasalin ay kahanga-hanga, anupat nagpapatunay na ang Bibliya ay kinawiwilihan sa buong daigdig. Tiyak naman na ang pinakamabili at may pinakamaraming saling aklat sa buong kasaysayan ng tao ay karapat-dapat sa iyong pagsasaalang-alang.
[Mga talababa]
a Ang sumunod na pinakamalaganap na publikasyon ay ipinalalagay na ang buklet na Quotations From the Works of Mao Tse-tung na may pulang pabalat, na tinatayang 800 milyong kopya ang naipagbili o naipamahagi na.
b Ang estadistika hinggil sa bilang ng wika ay batay sa numerong inilathala ng United Bible Societies.
[Larawan sa pahina 6]
Gutenberg Bible, sa Latin, ang unang kumpletong aklat na inilimbag mula sa kumikilos na tipo