Isang Aklat na Dapat Basahin
Isang Aklat na Dapat Basahin
“Hindi dapat dibdibin ang Bibliya.” Iyan ang sabi ng isang propesor sa pamantasan sa isang prangkang kabataang babae.
“Nabasa na po ba ninyo ang Bibliya?” tanong niya.
Sa pagkabigla, inamin ng propesor na hindi pa.
“Ano’t nakapagsalita kayo ng ganiyan sa isang aklat na hindi pa naman ninyo nababasa?”
May katuwiran siya. Ipinasiya nitong basahin ang Bibliya at saka bumuo ng isang opinyon tungkol dito.
ANG Bibliya, na binubuo ng 66 na sulat, ay inilalarawan bilang “ang malamang na pinakamabisang koleksiyon ng mga aklat sa kasaysayan ng tao.”1 Ang totoo, naimpluwensiyahan nito ang ilan sa pinakamagagandang sining, panitikan, at musika sa daigdig. Nagkaroon ito ng napakalaking epekto sa batas. Ito’y pinuri dahil sa pampanitikang istilo nito at napakataas ng pagtingin dito ng maraming edukadong tao. Ang epekto nito lalo na sa buhay ng mga tao sa lahat ng antas ng lipunan ay napakatindi. Napukaw sa maraming mambabasa nito ang isang pambihirang uri ng katapatan. Nanganib pa man din ang buhay ng ilan mabasa lamang ito.
Sa kabilang dako, mayroon din namang pag-aalinlangan tungkol sa Bibliya. May mga taong halos di na kayang baguhin ang kanilang palagay tungkol dito bagaman hindi pa naman nila personal na nababasa ito. Maaaring kinikilala nila ang pampanitikan o pangkasaysayang halaga nito, subalit naiisip nila: Paano maaaring maging angkop sa modernong sanlibutang ito ang isang aklat na isinulat libu-libong taon na ang nakalilipas? Tayo’y nabubuhay sa “panahon ng mabilisang impormasyon.” Ang pinakahuling impormasyon hinggil sa kasalukuyang mga pangyayari at teknolohiya ay halos nasa dulo lamang ng ating daliri. Madaling makuha ang “ekspertong” payo para sa halos lahat ng hamon ng modernong pamumuhay. Posible nga kaya na ang Bibliya ay mapalooban ng impormasyon na magiging praktikal sa ngayon?
Pinagsikapan ng brosyur na ito na sagutin ang gayong mga tanong. Ito’y hindi dinisenyo upang ipilit sa iyo ang relihiyosong mga pananaw o paniniwala, kundi ito’y sa hangaring maipakita sa iyo na ang maimpluwensiyang aklat na ito ng kasaysayan, ang Bibliya, ay karapat-dapat pag-ukulan ng iyong matamang pansin. Binanggit ng isang ulat na inilathala noong 1994 na masidhing ipinalalagay ng ilang edukador na gayon na lamang ang pagkakatanim ng Bibliya sa Kanluraning kultura anupat “sinuman, mananampalataya o di-mananampalataya, na hindi pamilyar sa mga turo at ulat ng Bibliya ay magiging mangmang kung tungkol sa kultura.”2
Marahil, pagkabasa mo ng nakalathala rito, sasang-ayon ka na—relihiyoso man o hindi ang isang tao—ang Bibliya ay, sa paano man, isang aklat na dapat basahin.
[Kahon/Larawan sa pahina 3]
“Ang aking pagkakamulat sa liwanag ay talagang utang ko sa pagbabasa ng isang aklat.—Isang aklat? Oo, at ito’y isang lumang simpleng aklat lamang, walang pagpapanggap at natural na tulad ng kalikasan mismo . . . At ang pangalan ng aklat na ito ay basta ang aklat, ang Bibliya.”—Heinrich Heine, ika-19 na siglong manunulat na Aleman.3