Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Aklat na “Nagsasalita” ng Buháy na mga Wika

Isang Aklat na “Nagsasalita” ng Buháy na mga Wika

Isang Aklat na “Nagsasalita” ng Buháy na mga Wika

Kapag namatay ang wikang ginamit sa pagsulat ng isang aklat, malamang na mamatay na rin ang aklat. Iilang tao lamang sa ngayon ang nakababasa ng sinaunang mga wika na ginamit sa pagsulat ng Bibliya. Ngunit ito’y buháy. Ito’y nailigtas sapagkat ito’y “natutong magsalita” ng buháy na mga wika ng sangkatauhan. May mga panahon na napaharap sa waring di-malalampasang mga hadlang ang mga tagapagsalin na “nagturo” rito upang magsalita ng ibang wika.

ANG pagsasalin ng Bibliya​—na may mahigit na 1,100 kabanata at 31,000 talata—​ay isang napakabigat na gawain. Gayunman, sa nakalipas na mga siglo, bukal-sa-loob na hinarap ng mga debotong tagapagsalin ang hamon. Marami sa kanila ang handang dumanas ng paghihirap at maging ng kamatayan alang-alang sa kanilang gawain. Ang kasaysayan kung paano naisalin ang Bibliya sa mga wika ng sangkatauhan ay isang kahanga-hangang ulat ng pagtitiyaga at katalinuhan. Tingnan natin ang kahit isang maliit na bahagi ng kapana-panabik na ulat na iyan.

Ang mga Hamong Napaharap sa mga Tagapagsalin

Paano mo maisasalin ang isang aklat sa isang wika na wala namang naisusulat na mga titik? Ganiyang-ganiyan ang hamong napaharap sa maraming tagapagsalin ng Bibliya. Halimbawa, sinimulan ni Ulfilas, ng ikaapat na siglo C.E., na isalin ang Bibliya sa noo’y moderno ngunit hindi pa naisusulat na wika​—ang Gothic. Dinaig ni Ulfilas ang hamon sa pamamagitan ng paglikha ng alpabetong Gothic na may 27 titik, na pangunahin nang ibinatay niya sa mga alpabeto ng Griego at Latin. Ang kaniyang salin sa Gothic ng halos buong Bibliya ay natapos bago ng 381 C.E.

Noong ikasiyam na siglo, dalawang magkapatid na nagsasalita ng Griego, sina Cyril (na ang tawag noon ay Constantine) at Methodius, kapuwa kilalang iskolar at dalubwika, ang nagnais na isalin ang Bibliya para sa mga taong nagsasalita ng wikang Slaviko. Ngunit ang Slavoniko​—ang nauna sa ngayo’y mga wikang Slaviko​—ay walang naisusulat na mga titik. Kaya lumikha ang magkapatid ng isang alpabeto upang makagawa ng isang salin ng Bibliya. Kaya nga ang Bibliya ngayon ay “nakapagsasalita” sa marami pang tao, yaong mga nasa daigdig ng Slaviko.

Noong ika-16 na siglo, sinimulang isalin ni William Tyndale sa Ingles ang Bibliya mula sa orihinal na mga wika, subalit sinagupa niya ang mahigpit na pagsalansang kapuwa ng Simbahan at Estado. Ninais ni Tyndale, na nakapag-aral sa Oxford, na makagawa ng isang salin na mauunawaan maging ng “isang batang humahawak ng araro.”1 Ngunit upang maisagawa ito, kinailangan niyang tumakas patungo sa Alemanya, kung saan ang kaniyang “Bagong Tipan” sa Ingles ay inilimbag noong 1526. Nang ipuslit ang mga kopya sa Inglatera, gayon na lamang ang galit ng mga awtoridad anupat sinimulan nilang sunugin ang mga ito sa madla. Nang maglaon ay ipinagkanulo si Tyndale. Nang malapit na siyang bigtihin at sunugin ang kaniyang bangkay, isinigaw niya ang mga salitang ito: “Panginoon, idilat po sana ninyo ang mga mata ng Hari ng Inglatera!”2

Nagpatuloy ang pagsasalin sa Bibliya; hindi kayang pahintuin ang mga tagapagsalin. Pagsapit ng 1800, may mga bahagi ng Bibliya na “natutong magsalita” ng 68 wika. Pagkatapos, dahil sa pagbubuo ng mga Samahan sa Bibliya​—lalo na ang Britano at Dayuhang Samahan sa Bibliya, na itinatag noong 1804—​mabilis na “natuto” ang Bibliya ng higit pang mga bagong wika. Daan-daang kabataang lalaki ang nagboluntaryong pumunta sa ibang bansa bilang mga misyonero, na ang pangunahing layunin ng marami ay upang magsalin ng Bibliya.

Pagkatuto ng mga Wika sa Aprika

Noong 1800, mayroon lamang mga isang dosena ng naisusulat na mga wika sa Aprika. Daan-daang iba pang binibigkas na wika ang kinailangang maghintay hanggang sa may isa na nakaimbento ng isang paraan ng pagsulat. Dumating ang mga misyonero at natuto ng mga wika, kahit walang tulong ng mga panimulang aklat o mga diksyunaryo. Pagkaraan ay nagpakahirap sila upang makabuo ng isang anyo ng pagsulat, at pagkatapos nito ay tinuruan nila ang mga tao sa pagbasa ng mga titik. Ginawa nila ito upang mabasa ng mga tao ang Bibliya sa kanilang sariling wika balang araw.3

Isa sa mga misyonerong iyon ay isang taga-Scotland na nagngangalang Robert Moffat. Noong 1821, sa edad na 25, itinatag ni Moffat ang isang misyon sa gitna ng mga taong nagsasalita ng wikang Tswana mula sa timugang Aprika. Upang matutuhan ang kanilang di-naisusulat na wika, nakisalamuha siya sa mga tao, anupat paminsan-minsan ay naglalakbay siya sa mga liblib na pook upang makipamuhay sa kanila. “Mababait ang mga tao,” nang maglaon ay isinulat niya, “at ang mga pagkakamali ko sa wika ay naging dahilan ng maraming katatawanan. Ni minsan, walang indibiduwal ang nagwasto ng isang salita o pangungusap, hanggang sa buong-husay na magaya nito ang orihinal, na nagdudulot naman ng malaking katuwaan sa iba.”4 Pinagtiyagaan ni Moffat ang wika at nang maglaon ay nakasanayan na niya ito, anupat nakabuo ng isang anyo ng pagsulat para rito.

Noong 1829, pagkatapos na gumawang kasama ng mga Tswana sa loob ng walong taon, natapos ni Moffat ang pagsasalin ng Ebanghelyo ni Lucas. Upang mailimbag ito, naglakbay siya nang 600 milya sakay ng karitong hila ng baka patungong baybayin at saka sumakay sa barko patungong Cape Town. Doon ay pinahintulutan siya ng gobernador na gamitin ang imprentahan ng pamahalaan, ngunit kinailangan na si Moffat mismo ang mag-typeset at ang maglimbag, anupat sa wakas ay nailathala ang Ebanghelyo noong 1830. Sa kauna-unahang pagkakataon, nababasa na ng mga Tswana ang isang bahagi ng Bibliya sa kanilang sariling wika. Noong 1857, natapos ni Moffat ang isang salin ng buong Bibliya sa wikang Tswana.

Nang maglaon ay inilarawan ni Moffat ang naging reaksiyon ng mga Tswana nang unang magkaroon sila ng Ebanghelyo ni Lucas. Sabi niya: “May kilala akong ilang indibiduwal na naglakbay ng daan-daang milya upang makakuha ng mga kopya ng San Lucas. . . . Nakita ko sila nang tanggapin ang mga bahagi ng San Lucas, at napaiyak sila dahil sa mga ito, at niyakap ang mga ito sa kanilang dibdib, at pumatak ang luha ng pasasalamat, hanggang sa sabihin ko sa ilan, ‘Mababasâ ng luha ninyo ang inyong mga aklat.’ ”5

Ang mga debotong tagapagsalin na gaya ni Moffat sa gayon ay nagbigay sa maraming Aprikano​—ilan sa kanila ang sa simula’y nag-akalang hindi kailangan ang naisusulat na wika​—ng unang pagkakataon na makipagtalastasan sa pamamagitan ng sulat. Gayunman, naniniwala ang mga tagapagsalin na nabigyan nila ang mamamayan ng Aprika ng mas mahalagang kaloob​—ang Bibliya sa kanilang sariling wika. Ang Bibliya sa ngayon, sa kabuuan o sa isang bahagi, ay “nagsasalita” sa mahigit na 600 wikang Aprikano.

Pagkatuto ng mga Wika sa Asia

Habang hirap na hirap ang mga tagapagsalin sa Aprika upang makabuo ng isang anyo ng pagsulat para sa binibigkas na mga wika, sa kabilang panig naman ng daigdig, ibang-iba naman ang hadlang na nasagupa ng ibang tagapagsalin​—ang pagsasalin sa mga wikang mayroon nang masalimuot na mga titik. Iyan ang hamon na napaharap sa mga nagsalin ng Bibliya sa mga wika sa Asia.

Sa pasimula ng ika-19 na siglo, nagtungo sina William Carey at Joshua Marshman sa India at pinag-aralang mabuti ang marami sa naisusulat na mga wika roon. Sa tulong ni William Ward, isang manlilimbag, nakagawa sila ng mga salin ng kahit man lamang mga bahagi ng Bibliya sa halos 40 wika.6 May kinalaman kay William Carey, ganito ang paliwanag ng awtor na si J. Herbert Kane: “Lumikha siya ng isang maganda, tuluy-tuloy na pangkaraniwang istilo [ng wikang Bengali] na pumalit sa matandang klasikal na anyo, kung kaya ito’y naging mas nauunawaan at mas kaakit-akit sa modernong mambabasa.”7

Si Adoniram Judson, ipinanganak at lumaki sa Estados Unidos, ay naglakbay patungong Burma, at noong 1817 ay sinimulan niyang isalin ang Bibliya sa wikang Burmese. Bilang paglalarawan sa hirap ng pagpapakadalubhasa sa wikang Silanganin hanggang sa kinakailangang antas upang maisalin ang Bibliya, isinulat niya: ‘Kapag pinag-aaralan namin ang isang wikang binibigkas ng mga tao sa kabilang panig ng mundo, na ang takbo ng pag-iisip ay ibang-iba kaysa sa amin, at ang paraan ng pagpapahayag samakatuwid ay bagong lahat, at ang mga titik at salita ay talagang walang-walang pagkakatulad sa alinmang wika na amin nang narinig; kapag kami’y walang diksyunaryo o interprete at dapat na kahit bahagya ay maunawaan namin ang wika bago kami magpatulong sa isang tagaroong guro​—kailangan talagang magtrabaho!’8

Sa kaso ni Judson, nangailangan ng mga 18 taon ng masusing pagtatrabaho. Ang huling bahagi ng Bibliyang Burmese ay inilimbag noong 1835. Gayunman, napakasaklap ang naging kapalit ng pananatili niya sa Burma. Habang ginagawa niya ang pagsasalin, pinaratangan siyang espiya at sa gayo’y ipiniit siya nang halos dalawang taon sa loob ng bilangguang pinamumugaran ng lamok. Hindi pa natatagalan matapos na siya’y pakawalan, ang kaniyang asawa at anak na batang babae ay namatay dahil sa lagnat.

Nang dumating sa Tsina noong 1807 ang 25-taóng-gulang na si Robert Morrison, pinasimulan niya ang napakahirap na gawain ng pagsasalin ng Bibliya sa wikang Tsino, isa sa pinakakumplikadong wika. Limitado lamang ang nalalaman niya sa wikang Tsino, na dadalawang taon pa lamang niyang napag-aaralan. Kinailangan ding labanan ni Morrison ang batas ng Tsino, na ang hangarin ay mapanatili ang pagiging nabubukod ng Tsina. Pinagbabawalan ang mga Tsino, sa ilalim ng parusang kamatayan, na ituro ang wika sa mga dayuhan. Parusang kamatayan ang magiging hatol para sa isang dayuhan na magsasalin ng Bibliya sa wikang Tsino.

Walang takot ngunit maingat, nagpatuloy si Morrison sa pag-aaral ng wika, anupat mabilis niya itong natutuhan. Sa loob ng dalawang taon nakapagtrabaho siya bilang tagapagsalin sa East India Company. Sa araw, nagtatrabaho siya sa kompanya, ngunit lingid sa kaalaman ng iba at sa ilalim ng panganib na mahuli, isinasalin niya ang Bibliya. Noong 1814, pitong taon mula nang siya’y dumating sa Tsina, naihanda na niya ang Kristiyanong Griegong Kasulatan para ilimbag.9 Makalipas ang limang taon, sa tulong ni William Milne, natapos niya ang Hebreong Kasulatan.

Ito’y isang napakalaking tagumpay​—ang Bibliya ay “nakapagsasalita” na ngayon sa wikang ginagamit ng mas maraming tao kaysa alinman sa daigdig. Dahil sa mahuhusay na tagapagsalin, nasundan pa ang pagsasalin sa iba pang mga wika sa Asia. Sa ngayon, makukuha na ang mga bahagi ng Bibliya sa mahigit na 500 wika sa Asia.

Bakit nga ba nagpakahirap ang mga lalaking gaya nina Tyndale, Moffat, Judson, at Morrison sa loob ng maraming taon​—isinapanganib pa nga ng ilan ang kanilang buhay—​upang isalin ang isang aklat para sa mga taong hindi naman nila kilala at, sa ilang kaso, para sa mga taong walang naisusulat na wika? Tiyak na hindi dahil sa karangalan o sa pakinabang na salapi. Naniwala silang ang Bibliya ay Salita ng Diyos at na ito’y dapat “magsalita” sa mga tao​—sa lahat ng mga tao—​sa kanilang sariling wika.

Naniniwala ka man o hindi na ang Bibliya ay Salita ng Diyos, marahil ay sasang-ayon ka na ang espiritu ng pagsasakripisyo sa sarili na ipinamalas niyaong mga debotong tagapagsalin ay bihirang-bihira na sa daigdig sa ngayon. Hindi ba nararapat lamang na suriin ang isang aklat na siyang pumupukaw ng ganiyang uri ng pagpapakasakit?

[Chart sa pahina 12]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Bilang ng mga wika na dito ang mga bahagi ng Bibliya ay inilimbag mula 1800

68 107 171 269 367 522 729 971 1,199 1,762 2,123

1800 1900 1995

[Larawan sa pahina 10]

Si Tyndale habang isinasalin ang Bibliya

[Larawan sa pahina 11]

Robert Moffat

[Larawan sa pahina 12]

Adoniram Judson

[Larawan sa pahina 13]

Robert Morrison