Isang Praktikal na Aklat Para sa Modernong Pamumuhay
Isang Praktikal na Aklat Para sa Modernong Pamumuhay
Ang mga aklat na nagbibigay ng payo ay napakapopular sa daigdig sa ngayon. Subalit ang mga ito’y naluluma at di-nagtatagal ay binabago o kaya’y pinapalitan. Kumusta naman ang Bibliya? Ito’y natapos halos 2,000 taon na ang nakalilipas. Ngunit, ang orihinal na mensahe nito’y hindi pa kailanman naayos o nabago dahil sa paglipas ng panahon. Posible kaya na kapalooban ang aklat na ito ng praktikal na patnubay para sa ating kaarawan?
ANG ilan ay nagsasabing hindi. “Walang sinuman ang magmumungkahi na gamitin ang isang 1924 na edisyon ng aklat-aralin sa kimika sa isang modernong klase sa kimika,” sulat ni Dr. Eli S. Chesen, na nagpapaliwanag kung bakit sa palagay niya’y luma na nga ang Bibliya.1 Mukhang may katuwiran naman ang argumentong ito. Totoo naman, napakarami nang natutuhan ang tao tungkol sa mental na kalusugan at paggawi ng tao mula nang panahong isulat ang Bibliya. Kaya paano pa maaaring maging mabisa ang sinaunang aklat na ito sa modernong pamumuhay?
Walang-Kupas na mga Simulain
Bagaman totoo na nagbago na nga ang panahon, ang mga pangunahing pangangailangan ng tao ay hindi naman nagbago. Sa mula’t mula pa’y nangailangan na ang tao ng pag-ibig at pagmamahal. Naging hangarin na nila ang maging maligaya at magkaroon ng makabuluhang buhay. Noon pa ma’y nangailangan na sila ng payo kung paano haharapin ang panggigipit sa kabuhayan, kung paano magtatagumpay sa pag-aasawa, at kung paano maikikintal sa kanilang mga anak ang mabubuting simulain sa moral at etika. Ang Bibliya ay naglalaman ng payo para sa mga pangunahing pangangailangang iyan.—Eclesiastes 3:12, 13; Roma 12:10; Colosas 3:18-21; 1 Timoteo 6:6-10.
Naaaninag sa payo ng Bibliya ang ganap na kabatiran sa katutubong ugali ng tao. Tingnan natin ang ilang halimbawa ng espesipiko, walang-kupas na mga simulain na praktikal sa modernong pamumuhay.
Praktikal na Patnubay Para sa Pag-aasawa
Ang pamilya, sabi ng UN Chronicle, “ang pinakamatanda at pinakasaligang yunit ng organisasyon ng tao; ang pinakamahalagang kawing sa pagitan ng mga salinlahi.” Gayunman, ang “pinakamahalagang kawing” na ito ay nagkakaputul-putol sa nakababahalang dami. “Sa daigdig sa ngayon,” ayon sa Chronicle, “maraming pamilya ang napapaharap sa nakatatakot na mga hamon na nagsasapanganib sa kanilang kakayahang gumanap ng tungkulin at makaligtas pa nga.”2 Anong payo ang ibinibigay ng Bibliya na tutulong sa ikaliligtas ng kaayusan ng pamilya?
Una sa lahat, napakaraming masasabi ang Bibliya tungkol sa kung paano dapat pakitunguhan ng mag-asawa ang isa’t isa. Halimbawa, tungkol sa mga asawang lalaki, sinasabi nito: “Ang mga asawang lalaki ay dapat na umibig sa kanilang mga asawang babae gaya ng kanilang sariling mga katawan. Siya na umiibig sa kaniyang asawang babae ay umiibig sa kaniyang sarili, sapagkat walang taong napoot kailanman sa kaniyang sariling laman; kundi pinakakain at inaaruga niya ito.” (Efeso 5:28, 29) Ang asawang babae naman ay pinayuhan na “magkaroon ng matinding paggalang sa kaniyang asawang lalaki.”—Efeso 5:33.
Isaalang-alang natin ang epekto kapag ikinapit ang ganitong payo sa Bibliya. Ang isang asawang lalaki na umiibig sa kaniyang asawa na ‘gaya ng kaniyang sariling katawan’ ay hindi napopoot o nagmamalupit sa kaniya. Hindi niya ito sinasaktan, ni nilalapastangan sa salita o sa emosyon. Sa halip, pinag-uukulan niya ito ng katulad na pagtingin at konsiderasyon na ipinakikita niya sa kaniyang sarili. (1 Pedro 3:7) Kung gayon ay nakadarama ang kaniyang asawa ng pagmamahal at katiwasayan sa kaniyang pag-aasawa. Sa ganiyang paraan ay naglalaan siya sa kaniyang mga anak ng isang mabuting halimbawa kung paano dapat pakitunguhan ang mga babae. Sa kabilang dako naman, ang isang asawang babae na may “matinding paggalang” sa kaniyang asawa ay hindi nag-aalis sa dignidad nito sa pamamagitan ng malimit na pamimintas dito o paghamak dito. Dahil sa iginagalang niya ito, nadarama nito na siya’y pinagtitiwalaan, sinasang-ayunan, at pinahahalagahan.
Ang payo bang ito ay praktikal sa modernong daigdig na ito? Kapansin-pansin na yaong mga nagpapakadalubhasa sa pag-aaral ng tungkol sa mga pamilya sa ngayon ay sumasapit sa magkakatulad na konklusyon. Isang administradora sa programa ng pagpapayo sa pamilya ang nagsabi: “Ang pinakamatatatag na pamilyang alam ko ay yaong ang ina at ama ay may matibay, mapagmahal na pagsasamahan sa isa’t isa. . . . Ang matibay na saligang pagsasamahang ito ang tila nagdudulot ng katiwasayan sa mga anak.”3
Sa paglipas ng mga taon, napatunayan nang mas mapananaligan ang payo ng Bibliya tungkol sa pag-aasawa kaysa sa pangaral ng di-mabilang na pampamilyang tagapayo bagaman may mabuti silang intensiyon. Halimbawa, hindi pa natatagalan nang imungkahi ng maraming eksperto ang pagdidiborsiyo bilang isang mabilis at madaling paraan ng paglutas sa bigong pag-aasawa. Sa ngayon, mahigpit na inirerekomenda ng marami sa kanila na mapanatili sana ng mga tao ang kanilang pagsasama hangga’t maaari. Ngunit napakalaki na ang pinsalang idinulot nito bago nagkaroon ng ganitong pagbabago.
Sa kabaligtaran, ang Bibliya ay nagbibigay ng mapananaligan, timbang na payo sa paksa tungkol sa pag-aasawa. Inaamin nito na maaaring pahintulutan ang diborsiyo sa ilang malulubhang kalagayan. (Mateo 19:9) Magkagayunman, hinahatulan nito ang walang kadahi-dahilang pagdidiborsiyo. (Malakias 2:14-16) Hinahatulan din nito ang pagtataksil sa asawa. (Hebreo 13:4) Ang pag-aasawa, ayon dito, ay nagsasangkot ng pananagutan: “Kaya iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ang kaniyang ina at pipisan sa kaniyang asawang babae at sila’y magiging isang laman.” a—Genesis 2:24; Mateo 19:5, 6.
Ang payo ng Bibliya hinggil sa pag-aasawa ay makabuluhan pa rin sa ngayon na gaya noong panahong isulat ang Bibliya. Kapag ang mag-asawa ay nagmamahalan at naggagalangan sa isa’t isa at itinuturing nila na ang pag-aasawa ay isang natatanging ugnayan, malamang na mapanatili ang pagsasama—at gayundin ang pamilya.
Praktikal na Patnubay Para sa mga Magulang
Sa nakalipas na mga dekada maraming magulang—udyok ng “pabagu-bagong ideya” sa pagsasanay ng anak—ang nag-akalang “bawal ang magbawal.”8 Nangangamba sila na ang pagtatakda ng limitasyon sa mga anak ay magdudulot ng trauma at pagkasiphayo. Bagaman may mabuting intensiyon, iginigiit ng mga tagapayo sa pagpapalaki ng anak na iwasan ng mga magulang ang mahigpit na pagtutuwid sa mga bata. Subalit sa ngayon ay muling-isinasaalang-alang ng marami sa mga ekspertong ito ang papel ng disiplina, at nais ng nababahalang mga magulang na linawin pa ang hinggil sa paksang ito.
Subalit, noon pa ma’y nagbibigay na ang Bibliya ng makatuwirang payo sa pagpapalaki ng anak. Halos 2,000 taon na ang nakalilipas, sinabi nito: “Mga ama, huwag ninyong inisin ang inyong mga anak, kundi patuloy na palakihin sila sa disiplina at pangkaisipang-pagtutuwid ni Jehova.” (Efeso 6:4) Ang pangngalang Griego na isinaling “disiplina” ay nangangahulugang “pagpapalaki, pagsasanay, pagtuturo.”9 Sinasabi ng Bibliya na ang gayong disiplina, o pagtuturo, ay katunayan ng pagmamahal ng magulang. (Kawikaan 13:24) Ang mga anak ay sumusulong kapag binibigyan ng maliwanag na alituntunin sa moral at isang mahusay na pagkakilala sa tama at mali. Ipinadarama sa kanila ng disiplina na ang kanilang mga magulang ay nagmamalasakit sa kanila at sa uri ng pagkataong tataglayin nila.
Ngunit ang awtoridad ng magulang—“ang pamalong pansaway”—ay hindi kailanman dapat abusuhin. b (Kawikaan 22:15; 29:15) Nagbababala ang Bibliya sa mga magulang: “Huwag ninyong labis na ituwid ang inyong mga anak, upang huwag manlupaypay ang kanilang puso.” (Colosas 3:21, Phillips) Inaamin din nito na hindi laging pinakamabisang paraan ng pagtuturo ang pisikal na pananakit. Sabi ng Kawikaan 17:10: “Ang saway ay mas mabisa sa isa na may unawa kaysa isang daang palo sa isang mangmang.” Bukod dito, iminumungkahi ng Bibliya ang pansawatang disiplina. Sa Deuteronomio 11:19 ang mga magulang ay hinihimok na samantalahin ang di-sinasadyang mga sandali upang ikintal sa kanilang mga anak ang mga pamantayan sa moral.—Tingnan din ang Deuteronomio 6:6, 7.
Maliwanag ang walang-kupas na payo ng Bibliya sa mga magulang. Kailangan ng mga anak ang di-nababago at maibiging disiplina. Ipinakikita ng praktikal na mga karanasan na ang gayong payo ay talagang mabisa. c
Dinaraig ang mga Hadlang na Sanhi ng Pagkakabaha-bahagi ng Tao
Ang mga tao sa ngayon ay nababahagi dahil sa mga hadlang sa lahi, bansa, at lipi. Ang mga artipisyal na pader na ito ang naging sanhi ng pamamaslang sa mga taong walang-malay sa mga digmaan sa buong daigdig. Batay sa nakaraang kasaysayan, mahirap ngang asahan na ang mga lalaki at babae mula sa iba’t ibang lahi at bansa ay magtuturingan at pakikitunguhan ang isa’t isa nang magkakapantay. “Ang solusyon,” sabi ng isang estadistang Aprikano, “ay nasa ating mga puso.”11 Ngunit ang pagpapabago sa puso ng tao ay hindi madali. Gayunman, tingnan kung paano nakaaakit sa puso at nakapagpapaunlad ng saloobin
ng pagkakapantay-pantay ang mensahe ng Bibliya.Ang turo ng Bibliya na “ginawa [ng Diyos] mula sa isang tao ang bawat bansa ng mga tao” ay pumipigil sa anumang ideya na may lahing nakahihigit sa iba. (Gawa 17:26) Ipinakikita nito na talagang iisa lamang ang lahi—ang lahi ng tao. Hinihimok pa tayo ng Bibliya na “maging tagatulad sa Diyos,” na tungkol sa kaniya’y sinasabi nito: “[Siya] ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya.” (Efeso 5:1; Gawa 10:34, 35) Doon sa mga taimtim na naniniwala sa Bibliya at tunay na nagnanais mabuhay ayon sa mga turo nito, ang kaalamang ito ay may bisa sa pagkakaisa. Tumatagos ito hanggang sa kaila-ilaliman, sa puso ng tao, anupat pinaglalaho nito ang gawang-tao na mga hadlang na nagiging dahilan ng pagkakabaha-bahagi ng mga tao. Tingnan ang isang halimbawa.
Nang itaguyod ni Hitler ang digmaan sa buong Europa, may isang grupo ng mga Kristiyano—mga Saksi ni Jehova—na buong-tatag na tumangging makisali sa pagpatay sa walang-malay na mga tao. Sila’y “hindi nagtataas ng tabak” laban sa kanilang kapuwa-tao. Nanindigan sila rito sapagkat nais nilang paluguran ang Diyos. (Isaias 2:3, 4; Mikas 4:3, 5) Talagang naniwala sila sa itinuturo ng Bibliya—na walang bansa o lahi ang nakahihigit sa iba. (Galacia 3:28) Dahil sa kanilang maibigin-sa-kapayapaang paninindigan, kabilang ang mga Saksi ni Jehova sa mga naunang ibinilanggo sa mga kampong piitan.—Roma 12:18.
Ngunit hindi lahat ng nagsasabing sumusunod sa Bibliya ay nagkaroon ng gayong paninindigan. Katatapos lamang ng Digmaang Pandaigdig II, ganito ang isinulat ni Martin Niemöller, isang klerigong Protestanteng Aleman: “Sinumang sumisisi sa Diyos dahil sa [mga digmaan] ay hindi nakaaalam, o ayaw malaman, ang Salita ng Diyos. . . . Sa buong panahon, ang mga Kristiyanong simbahan ay paulit-ulit na nagbebendisyon sa mga digmaan, mga kawal, at mga sandata at . . . sa lubhang di-maka-Kristiyanong paraan ay nananalangin na sana’y malipol ang kanilang mga kaaway sa digmaan. Lahat ng ito’y kasalanan natin at kasalanan ng ating mga ninuno, ngunit hindi kailanman dapat sisihin ang Diyos. At tayong mga Kristiyano sa ngayon ay nakatayong kahiya-hiya sa harap ng diumano’y sektang gaya ng Masisigasig na mga Estudyante ng Bibliya [mga Saksi ni Jehova], na daan-daan at libu-libong ibinilanggo sa mga kampong piitan at namatay [pa nga] sapagkat ayaw nilang makidigma at tumanggi silang mamaril ng tao.”12
Hanggang sa araw na ito, ang mga Saksi ni Jehova ay kilalang-kilala sa kanilang pagkakapatiran, na pinagkakaisa ang mga Arabe at mga Judio, mga taga-Croatia at mga taga-Serbia, mga Hutu at Tutsi. Gayunman, kaagad ay tinatanggap ng mga Saksi na ang gayong pagkakaisa ay posible, hindi dahil sa sila’y nakahihigit sa iba, kundi dahil sa sila’y inuudyukan ng kapangyarihan ng mensahe ng Bibliya.—1 Tesalonica 2:13.
Praktikal na Patnubay na Nagtataguyod ng Mabuting Kalusugan sa Isip
Ang pisikal na kalusugan ng tao ay karaniwan nang naaapektuhan ng kalagayan ng kaniyang kalusugan sa mental at emosyon. Halimbawa, napatunayan na ng pagsusuri sa siyensiya ang masamang epekto ng pagkagalit. “Ipinahihiwatig ng halos lahat ng hawak na ebidensiya na ang mga taong magagalitin ay madaling kapitan ng sakit sa puso (gayundin ng iba pang karamdaman) dulot ng iba’t ibang kadahilanan, lakip na ang pagkakaroon ng kakaunting kaibigan, matinding reaksiyon ng katawan kapag nagagalit, at matinding pagpapakalabis sa mapanganib na mga hilig ng katawan,” sabi ni Dr. Redford Williams, Direktor ng Behavioral Research sa Duke University Medical Center, at ng kaniyang asawa, si Virginia Williams, sa kanilang aklat na Anger Kills.13
Libu-libong taon bago pa ang ganitong mga pag-aaral sa siyensiya, pinag-ugnay na ng Bibliya, sa simple ngunit maliwanag na pananalita, ang kalagayan ng ating emosyon at ang pisikal na Kawikaan 14:30; 17:22) May-katalinuhang nagpayo ang Bibliya: “Maglikat ka ng pagkagalit at bayaan mo ang poot,” at “Huwag kang magmadaling maghinanakit sa iyong espiritu [o “magalit,” King James Version].”—Awit 37:8; Eclesiastes 7:9.
kalusugan: “Ang tiwasay na puso ay buhay ng katawan, ngunit ang kapanaghilian ay kabulukan ng mga buto.” (Ang Bibliya ay naglalaman din ng praktikal na payo sa pagsupil sa galit. Halimbawa, sinasabi ng Kawikaan 19:11: “Ang malalim na unawa ng isang tao ay tiyak na nagpapabagal ng kaniyang galit, at isang kagandahan sa kaniyang bahagi na paraanin ang paglabag.” Ang salitang Hebreo para sa “malalim na unawa” ay galing sa pandiwang umaakay ng pansin sa “pagkaalam ng dahilan” para sa isang bagay.14 Ang matalinong payo ay: “Pag-isipan muna bago kumilos.” Ang pagsisikap na unawain ang nasa likod na mga dahilan kung bakit ang iba’y nagsasalita o kumikilos nang gayon ay tutulong sa isang tao upang maging higit na mapagparaya—at hindi gaanong magagalitin.—Kawikaan 14:29.
Isa pang praktikal na payo ang masusumpungan sa Colosas 3:13, na nagsasabi: “Patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa at malayang patawarin ang isa’t isa.” Ang maliliit na pagkayamot ay bahagi na ng buhay. Ang pananalitang “patuloy ninyong pagtiisan” ay nagpapahiwatig na palampasin na lamang ang mga bagay na hindi natin nagugustuhan sa iba. Ang “patawarin” ay nangangahulugang limutin na ang hinanakit. Kung minsan ay mabuti pang limutin na ang samâ ng loob sa halip na kuyumin pa ito; ang pagkikimkim ng galit ay magpapabigat lamang sa ating pasanin.—Tingnan ang kahong “Praktikal na Patnubay sa Ugnayan ng Tao.”
Sa ngayon, maraming mapagkukunan ng payo at patnubay. Ngunit ang Bibliya ay tunay na namumukod-tangi. Ang payo nito ay hindi lamang teoriya, ni nakapipinsala man sa atin ang mga tagubilin nito. Sa halip, ang karunungan nito ay napatunayan nang “totoong mapagtitiwalaan.” (Awit 93:5) Isa pa, ang payo ng Bibliya ay di-kumukupas. Bagaman ito’y natapos halos 2,000 taon na ang nakalilipas, kapit pa rin ang mga pananalita nito. At magkapareho ang bisa ng pagkakapit nito anuman ang kulay ng ating balat o saanmang bansa tayo nakatira. Ang mga salita ng Bibliya ay may puwersa rin—ang puwersa na makapagpabago sa tao sa ikabubuti. (Hebreo 4:12) Ang pagbabasa ng aklat na iyan at pagkakapit ng mga simulain nito ay makapagpapataas nga sa kalidad ng iyong buhay.
[Mga talababa]
a Ang salitang Hebreo na da·vaqʹ, na isinalin ditong ‘pumisan,’ “ay nagdadala ng diwa ng pagkapit sa isa nang may pagmamahal at pagkamatapat.”6 Sa Griego, ang salita na isinaling “pipisan” sa Mateo 19:5 ay may kaugnayan sa salita na nangangahulugang “idikit,” “isemento,” “mahigpit na pagsamahin.”7
b Noong panahon ng Bibliya, ang salitang “pamalo” (Hebreo, sheʹvet) ay nangangahulugang isang “patpat” o isang “tungkod,” na gaya ng ginagamit ng pastol.10 Ipinahihiwatig ng kontekstong ito na ang awtoridad na pamalo ay mapagmahal na paggabay, hindi mabagsik na pagmamalupit.—Ihambing ang Awit 23:4.
c Tingnan ang mga kabanatang “Sanayin ang Iyong Anak Mula sa Pagkasanggol,” “Tulungan ang Iyong Anak na Tin-edyer na Sumulong,” “May Rebelde ba sa Loob ng Tahanan?”, at “Ipagsanggalang ang Iyong Pamilya sa mga Mapaminsalang Impluwensiya” sa aklat na Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya, na inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Blurb sa pahina 24]
Ang Bibliya ay nagbibigay ng maliwanag, makatuwirang payo sa buhay pampamilya
[Kahon sa pahina 23]
Mga Katangian ng Malulusog na Pamilya
Ilang taon na ang nakalilipas isang edukador at espesyalista sa pamilya ang gumawa ng isang malawakang surbey na doo’y mahigit na 500 propesyonal na nagpapayo sa mga pamilya ang hiningan ng komento tungkol sa mga katangiang napansin nila sa “malulusog” na pamilya. Kapansin-pansin, kabilang sa pinakamalimit na katangiang itinala ay yaong mga bagay na malaon nang inirekomenda ng Bibliya.
Ang pagkakaroon ng mabuting komunikasyon ang nangunguna sa talaan, lakip na ang mabisang paraan ng pakikipagkasundo kapag may di-pagkakaunawaan. Ang isang karaniwang patakaran na nakikita sa malulusog na pamilya ay na “walang matutulog na may galit sa iba,” ayon sa awtor ng surbey.4 Subalit, mahigit na 1,900 taon na ang nakalilipas, nagpayo ang Bibliya: “Mapoot kayo, gayunma’y huwag magkasala; huwag hayaang lumubog ang araw na kayo ay nasa kalagayang pukáw sa galit.” (Efeso 4:26) Noong panahon ng Bibliya ang mga araw ay tinuos mula sa paglubog ng araw hanggang sa paglubog-muli ng araw. Kaya nga, malaon nang panahon bago pa pag-aralan ng mga eksperto ang mga pamilya, buong-katalinuhan nang nagpayo ang Bibliya: Lutasin agad ang pagtatalo—bago matapos ang araw at bago magsimula naman ang susunod na araw.
Ang malulusog na pamilya ay “hindi nagbabangon ng mga paksang maaaring pagmulan ng pagtatalo kapag papaalis na sila ng bahay o bago matulog sa gabi,” natuklasan ng awtor. “Paulit-ulit na naririnig ko ang kasabihang ‘tamang panahon.’ ”5 Walang-kamalay-malay na inuulit lamang ng mga pamilyang ito ang kawikaan sa Bibliya na napaulat mahigit nang 2,700 taon ang nakalilipas: “Gaya ng mga mansanas na ginto sa inukit na pilak ang salitang sinabi sa tamang panahon para rito.” (Kawikaan 15:23; 25:11) Ang paghahalintulad na ito ay maaaring tumukoy sa hugis-mansanas na gintong palamuti na nakalagay sa mga inukit na bandehang pilak—mamahalin at magandang pag-aari noong panahon ng Bibliya. Ipinahihiwatig nito ang kagandahan at halaga ng mga salitang binibigkas sa angkop na panahon. Sa maiigting na kalagayan, ang tamang salita na sinabi sa tamang panahon ay di-kayang bayaran.—Kawikaan 10:19.
[Kahon sa pahina 26]
Praktikal na Patnubay sa Ugnayan ng Tao
“Magalit kayo, ngunit huwag magkasala. Sabihin ninyo sa inyong puso, sa inyong higaan, at manahimik.” (Awit 4:4) Madalas na kapag ang kaso’y nagsasangkot lamang ng maliliit na pagkakamali, makabubuting pigilin na lamang ang iyong salita, nang sa gayon ay maiwasan ang mainitang pagtatalo.
“May nagsasalita nang walang-pakundangan na gaya ng mga saksak ng tabak, ngunit ang dila ng marunong ay kagalingan.” (Kawikaan 12:18) Mag-isip muna bago magsalita. Ang walang-pakundangang salita ay sumusugat sa iba at sumisira ng pagkakaibigan.
“Ang sagot, kapag mahinahon, ay nakapapawi ng pagngangalit, ngunit ang nakasasakit na salita ay pumupukaw ng galit.” (Kawikaan 15:1) Kailangan ang pagpipigil-sa-sarili upang makasagot nang mahinahon, ngunit ang paraang iyan ay madalas na lumulutas ng mga suliranin at nagtataguyod ng mapayapang ugnayan.
“Ang pasimula ng pagtatalo ay gaya ng isa na nagpapakawala ng tubig; kaya bago sumiklab ang away, umalis ka na.” (Kawikaan 17:14) Makabubuting umalis na lamang sa mainitang situwasyon bago mawala ang iyong pagpipigil.
“Huwag magmadali sa pagpapakita ng hinampo; sapagkat ang paghihinampo ay kinikimkim ng mga hangal.” (Eclesiastes 7:9, The New English Bible) Malimit na ang kasunod ng emosyon ay pagkilos. Ang taong maramdamin ay hangal, sapagkat ang kaniyang pagiging gayon ay maaaring humantong sa walang-pakundangang pagsasalita o pagkilos.
[Larawan sa pahina 25]
Ang mga Saksi ni Jehova ay kabilang sa mga naunang ibinilanggo sa mga kampong piitan