Mapagtitiwalaan Ba ang Aklat na Ito?
Mapagtitiwalaan Ba ang Aklat na Ito?
“Mas marami akong nakikitang mapanghahawakang tanda ng katotohanan sa Bibliya kaysa alin pa mang makasanlibutan [sekular] na kasaysayan.”—Sir Isaac Newton, bantog na siyentipikong Ingles.1
ANG aklat bang ito—ang Bibliya—ay mapagtitiwalaan? Ito ba’y tumutukoy sa mga taong talagang nabuhay, mga lugar na talagang umiral, at mga pangyayaring totoong naganap? Kung oo, dapat na may ebidensiya na ito’y isinulat ng maingat, tapat na mga manunulat. Talagang umiiral ang gayong ebidensiya. Marami ang nasumpungang nakabaon sa ilalim ng lupa, at higit pa ang nakapaloob sa aklat mismo.
Paghukay ng mga Ebidensiya
Ang pagkatuklas sa mga sinaunang labí na nakabaon sa mga lupaing binanggit sa Bibliya ay sumuporta sa katumpakan ng Bibliya sa kasaysayan at heograpiya. Tingnan natin ang ilan sa mga ebidensiyang nahukay ng mga arkeologo.
Si David, ang magiting na binatang pastol na naging hari ng Israel, ay kilalang-kilala ng mga mambabasa ng Bibliya. Ang kaniyang pangalan ay lumilitaw nang 1,138 ulit sa Bibliya, at ang pananalitang “Bahay ni David”—madalas na tumutukoy sa kaniyang dinastiya—ay lumilitaw nang 25 ulit. (1 Samuel 16:13; 20:16) Gayunman, hanggang nitong huli, walang maliwanag na ebidensiya maliban sa Bibliya na umiral nga si David. Si David ba ay isang tauhan na gawa-gawa lamang?
Noong 1993 isang pangkat ng mga arkeologo, na pinangungunahan ni Propesor Avraham Biran, ang nakatuklas ng isang totoong kagila-gilalas na bagay, na iniulat sa Israel Exploration Journal. Sa lugar ng sinaunang burol na tinatawag na Tel Dan, sa hilagang bahagi ng Israel, nakahukay sila ng isang itim na bato. Nakaukit sa bato ang mga salitang “Bahay ni David” at “Hari ng Israel.”2 Ang inskripsiyon, na pinetsahan ng ikasiyam na siglo B.C.E., ay sinasabing bahagi ng monumento ng tagumpay na itinayo ng mga Arameano—mga kaaway ng Israel na nakatira sa gawing silangan. Bakit gayon na lamang kahalaga ang inskripsiyong ito?
Batay sa isang ulat ni Propesor Biran at ng kaniyang kasama, si Propesor Joseph Naveh, ganito ang sinabi ng isang artikulo sa Biblical Archaeology Review: “Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nasumpungan ang pangalang David sa alinmang sinaunang inskripsiyon bukod sa Bibliya.”3 a May iba pang kapansin-pansin sa inskripsiyon. Ang pananalitang “Bahay ni David” ay isinulat bilang isang salita. Ganito ang paliwanag ng dalubwikang si Propesor Anson Rainey: “Ang panghati ng salita . . . ay karaniwan nang inaalis, lalo na kung ang kombinasyon ay isang kilalang-kilalang pangalang pantangi. Tiyak na ‘Ang Bahay ni David’ ay isang pantanging pangalan na pampulitika at pangheograpiya noong kalagitnaan ng ikasiyam na siglo B.C.E.”5 Kaya si Haring David at ang kaniyang dinastiya ay maliwanag na kilalang-kilala noon sa sinaunang sanlibutan.
Ang Nineve ba—ang dakilang lunsod ng Asirya na binanggit sa Bibliya—ay talagang umiral? Hanggang sa pasimula ng ika-19 na siglo, ang ilang kritiko ng Bibliya ay tumangging maniwala rito. Ngunit noong 1849, nakahukay si Sir Austen Henry Layard ng mga kaguhuan ng palasyo ni Haring Sennacherib sa Kuyunjik, isang lugar na napatunayang bahagi ng sinaunang Nineve. Kaya naman hindi nakakibo ang mga kritiko sa pangyayaring iyon. Ngunit may natuklasan pa sa mga kaguhuang ito. Sa mga pader ng isang pinakaiingatang silid ay may nakalilok na paglalarawan ng pagkakalupig sa isang matibay na nakukutaang
lunsod, anupat ang mga bihag ay pinagmamartsa sa harap ng sumalakay na hari. Sa ulunan ng hari ay nakalagay ang inskripsiyong ito: “Sennacherib, hari ng daigdig, hari ng Asirya, na nakaupo sa tronong nîmedu at sinisiyasat ang mga samsam (na kinuha) sa Lakis (La-ki-su).”6Ang paglalarawan at inskripsiyong ito, na makikita sa British Museum, ay kasuwato ng ulat ng Bibliya hinggil sa pagkakalupig ng Judeanong lunsod ng Lakis sa kamay ni Sennacherib, na nakaulat sa 2 Hari 18:13, 14. Bilang komento sa kahalagahan ng natuklasan, sumulat si Layard: “Sino ang mag-aakalang maaari o posible, bago nangyari ang pagkakatuklas na ito, na sa ilalim ng bunton ng lupa at basura na palatandaan ng lugar ng Nineve, ay matatagpuan ang kasaysayan ng mga digmaan sa pagitan ni Hezekias [hari ng Juda] at ni Sennacherib, na isinulat mismo ni Sennacherib sa panahong ito’y kasalukuyang nagaganap, at tumitiyak sa ulat ng Bibliya maging sa kaliit-liitang detalye nito?”7
Marami pang ibang sinaunang labí ang nahukay ng mga arkeologo—mga palayok, kaguhuan ng mga gusali, mga tabletang putik, barya, dokumento, monumento, at mga inskripsiyon—na tumitiyak sa katumpakan ng Bibliya. Natuklasan ng mga manghuhukay ang lunsod ng Ur sa Caldeo, ang sentro ng komersiyo at relihiyon na tinirahan ni Abraham.8 (Genesis 11:27-31) Ang Nabonidus Chronicle, na nahukay noong ika-19 na siglo, ay naglalarawan ng pagbagsak ng Babilonya sa kamay ni Ciro na Dakila noong 539 B.C.E., isang pangyayaring inilahad sa Daniel kabanata 5.9 Ang isang inskripsiyon (ang mga bahagi nito’y iniingatan sa British Museum) na natagpuan sa isang arko sa sinaunang Tesalonica ay nagtataglay ng mga pangalan ng mga pinuno ng lunsod na tinatawag na “mga politarch,” isang salitang di-kilala sa klasikong Griegong panitikan ngunit ginamit ng manunulat ng Bibliya na si Lucas.10 (Gawa 17:6, talababa sa Ingles) Kaya naman napatunayan ang kawastuan ni Lucas dito—kung paanong dati na itong napatunayan sa iba pang detalye.—Ihambing ang Lucas 1:3.
Gayunman, hindi laging sumasang-ayon ang mga arkeologo sa isa’t isa lalo pa nga sa Bibliya. Gayon pa man, taglay ng Bibliya sa ganang sarili ang matibay na ebidensiya na ito’y isang aklat na mapagtitiwalaan.
Iniharap Nang Prangkahan
Ang tapat na mga istoryador ay nag-uulat hindi lamang ng mga pagwawagi (gaya ng inskripsiyon hinggil sa pagkakalupig ni Sennacherib sa Lakis) kundi gayundin ng mga pagkatalo, hindi lamang ng mga tagumpay kundi gayundin ng mga pagkabigo, hindi lamang ng kalakasan kundi gayundin ng mga kahinaan. Iilang sekular na kasaysayan lamang ang kababanaagan ng ganitong katapatan.
Hinggil sa mga istoryador ng Asirya, ganito ang paliwanag ni Daniel D. Luckenbill: “Dahil sa kahambugan ng mga hari ay madalas na nawiwili silang paglaruan at palamutian ang mga tunay na pangyayari sa kasaysayan.”11 Bilang halimbawa sa “kahambugan ng mga hari,” ipinagmamalaki ng mga ulat ni Haring Ashurnasirpal ng Asirya: “Ako’y makahari, ako’y maharlika, ako’y mataas, ako’y makapangyarihan, ako’y marangal, ako’y maluwalhati, ako’y mataas sa lahat, ako’y malakas, ako’y magiting, ako’y kasintapang ng leon, at ako’y bayani!”12 Tatanggapin mo kaya bilang tunay na kasaysayan ang lahat ng binasa mo sa gayong uri ng mga ulat?
Sa kabaligtaran naman, ang mga manunulat ng Bibliya’y nagpamalas ng nakawiwiling katapatan sa pagsasalita. Si Moises, ang lider ng mga Israelita, ay prangkahang nag-ulat ng mga pagkukulang ng kaniyang kapatid na si Aaron, ng kaniyang kapatid na si Miriam, ng kaniyang mga pamangking sina Nadab at Abihu, at ng kaniyang mga kababayan, bukod pa sa kaniyang sariling mga pagkakamali. (Exodo 14:11, 12; 32:1-6; Levitico 10:1, 2; Bilang 12:1-3; 20:9-12; 27:12-14) Ang malubhang pagkakamali ni Haring David ay hindi napatago kundi isinulat—at ito’y habang si David ay namamahala pa bilang hari. (2 Samuel, kabanata 11 at 24) Si Mateo, ang sumulat ng aklat na nagtataglay ng kaniyang pangalan, ay nagsabi kung paanong pinagtalunan ng mga apostol (na dito’y kabilang siya) ang hinggil sa kanilang personal na katanyagan at kung paanong iniwan nila si Jesus noong gabing dakpin ito. (Mateo 20:20-24; 26:56) Prangkahang binanggit ng mga sumulat ng mga liham ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ang mga suliranin, kabilang na ang seksuwal na imoralidad at mga pagtatalo, sa ilang sinaunang kongregasyong Kristiyano. At hindi sila nagpapaliguy-ligoy kapag binabanggit ang mga suliraning iyon.—1 Corinto 1:10-13; 5:1-13.
Ang gayong prangka at tahasang pag-uulat ay nagpapahiwatig ng isang tapat na pagmamalasakit sa katotohanan. Yamang ang mga manunulat ng Bibliya ay handang mag-ulat ng mga negatibong impormasyon tungkol sa kanilang mga mahal sa buhay, sa kanilang mga kababayan, at maging sa kanilang sarili, hindi ba ito isang magandang dahilan upang pagtiwalaan ang kanilang mga isinulat?
Tumpak na Tumpak ang Detalye
Sa mga paglilitis sa hukuman ang kredibilidad ng ebidensiya ng isang saksi ay madalas na nakikita batay sa maliliit na detalye. Ang pagkakasuwato ng maliliit na detalye ay makapagpapatunay na totoo at tapat ang ebidensiya, samantalang kung marami ang pagkakasalungatan mahahalata na ito’y kathang-isip lamang. Sa kabilang dako naman, ang isang eksaktung-eksaktong ulat—isa na napakaayos ang pagkakahanay hanggang sa kahuli-hulihang detalye—ay maaari ring isang palatandaan ng huwad na ebidensiya.
Ano naman ang masasabi sa “patotoo” ng mga manunulat ng Bibliya hinggil dito? Nagpamalas ang mga sumulat ng Bibliya ng pambihirang pagkakasuwato. May pagkakasundo maging sa kaliit-liitang detalye. Gayunman, ang pagkakasuwato ay hindi sadyang inihanay, anupat aakalaing nagkaroon ng sabuwatan. Maliwanag na hindi isinaplano ang mga pagkakasuwato ng mga pangyayari, ngunit madalas na nagkakasundo ang mga manunulat nang hindi sinasadya. Tingnan natin ang ilang halimbawa.
Sumulat ang manunulat ng Bibliya na si Mateo: “At nakita ni Jesus, pagdating sa bahay ni Pedro, ang kaniyang biyenang-babae na nakahiga at nilalagnat.” (Mateo 8:14) Dito ay naglaan si Mateo ng kapansin-pansin ngunit di-kinakailangang detalye: si Pedro ay may asawa. Ang maliit na detalyeng ito ay sinuportahan ni Pablo, na sumulat: “Wala ba tayong awtoridad na magsama ng isang Kristiyanong asawang babae, gaya nga ng iba pa sa mga apostol at . . . ni Cefas?” b (1 Corinto 9:5, The New English Bible) Ipinahihiwatig ng konteksto na ipinagtatanggol ni Pablo ang kaniyang sarili laban sa di-makatarungang pamimintas. (1 Corinto 9:1-4) Maliwanag, ang maliit na detalyeng ito—ang pagiging may asawa ni Pedro—ay hindi ipinasok ni Pablo upang suportahan ang katumpakan ng ulat ni Mateo kundi naiparating ito nang di-sinasadya.
Lahat ng apat na manunulat ng Ebanghelyo—sina Mateo, Marcos, Lucas, at Juan—ay nag-ulat na noong gabing dakpin si Jesus, isa sa kaniyang mga alagad ang nagbunot ng tabak at tinaga ang isang alipin ng mataas na saserdote, anupat naputol ang tainga ng lalaki. Tanging ang Ebanghelyo ni Juan ang nag-ulat ng waring di-kinakailangang detalye: “Ang pangalan ng alipin ay Malco.” (Juan 18:10, 26) Bakit si Juan lamang ang nagbigay ng pangalan ng lalaki? Sa sumunod pang ilang talata ipinakikita ng ulat ang isang maliit na detalye na hindi nabanggit sa ibang lugar: si Juan “ay kilala ng mataas na saserdote.” Kilala rin siya ng sambahayan ng mataas na saserdote; kilala siya ng mga alipin, at kilala naman niya ang mga ito. (Juan 18:15, 16) Kung gayon, natural lamang na banggitin ni Juan ang pangalan ng nasugatang lalaki, samantalang ang iba pang manunulat ng Ebanghelyo, na hindi nakakakilala sa lalaki, ay hindi.
Kung minsan, ang detalyadong paliwanag ay wala sa isang ulat ngunit pahapyaw na nakalagay naman sa ibang lugar. Halimbawa, ang ulat ni Mateo hinggil sa paglilitis kay Jesus sa harap ng Sanedrin ng mga Judio ay nagsasabi na “sinampal siya [ng ilang taong naroroon] sa mukha, na sinasabi: ‘Manghula ka sa amin, ikaw na Kristo. Sino nga ito na humampas sa iyo?’ ” (Mateo 26:67, 68) Bakit nila hihilingan si Jesus na ‘hulaan’ kung sino ang humampas sa kaniya, gayong ang humampas ay nakatayo lamang sa harapan niya? Hindi ito ipinaliwanag ni Mateo. Ngunit dalawang ibang manunulat ng Ebanghelyo ang naglagay ng kulang na detalye: Tinakpan ng mga umuusig kay Jesus ang kaniyang mukha bago siya sampalin. (Marcos 14:65; Lucas 22:64) Inihaharap ni Mateo ang kaniyang materyal nang hindi inaalintana kung naroroon ang bawat kahuli-hulihang detalye.
Isinasaad ng Ebanghelyo ni Juan ang tungkol sa isang okasyon na nagtipun-tipon ang isang malaking pulutong upang pakinggan ang pagtuturo ni Jesus. Ayon sa ulat, nang masdan ni Jesus ang pulutong, “sinabi niya kay Felipe: ‘Saan tayo bibili ng mga tinapay upang makain ng mga ito?’ ” (Juan 6:5) Sa lahat ng mga alagad na naroroon, bakit kaya si Felipe ang tinanong ni Jesus kung saan sila makabibili ng tinapay? Hindi sinasabi ng manunulat. Subalit, sa kahambing na salaysay, iniulat ni Lucas na ang pangyayari ay naganap malapit sa Betsaida, isang lunsod sa hilagang baybayin ng Dagat ng Galilea, at sa unahan ng Ebanghelyo ni Juan ay sinasabing “si Felipe ay mula sa Betsaida.” (Juan 1:44; Lucas 9:10) Kaya makatuwiran lamang na tanungin ni Jesus ang isang taong tagaroon lamang sa malapit. Pambihira talaga ang pagkakasuwato ng mga detalye, ngunit maliwanag na ito’y di-sinasadya.
Sa ilang kaso ang pagkawala ng ilang detalye ay lalo lamang nakaragdag sa kredibilidad ng manunulat ng Bibliya. Halimbawa, binabanggit ng manunulat ng 1 Hari ang isang malubhang tagtuyot sa Israel. Napakalubha nito anupat hindi makasumpong ang hari ng sapat na tubig at damo upang maingatang buháy ang kaniyang mga kabayo at mula (mule). (1 Hari 17:7; 18:5) Subalit, ang salaysay ding iyon ay nag-uulat naman na ang propetang si Elias ay nag-utos na dalhan siya ng sapat na tubig sa Bundok Carmel (para gamitin may kaugnayan sa handog) upang punuin ang isang trinsera na may sukat na mga 1,000 metro kudrado. (1 Hari 18:33-35) Sa panahon ng tagtuyot, saan kaya nagmula ang lahat ng tubig? Hindi man lamang ito sinikap na ipaliwanag ng sumulat ng 1 Hari. Gayunman, ang sinumang nakatira sa Israel ay nakaaalam na ang Carmel ay nasa baybayin ng Dagat Mediteraneo, gaya ng ipinahihiwatig ng pahapyaw na pagbanggit sa dakong huli ng salaysay. (1 Hari 18:43) Kaya naman napakadaling makakakuha ng tubig-dagat. Kung ang aklat na ito na detalyado sa iba pang bahagi nito ay gawa-gawa lamang na pinagmumukhang totoo, bakit naman kaya mag-iiwan pa ang sumulat nito, na sa ganitong kaso nga ay magiging isang mautak na palsipikador, ng gayong waring di-pagkakasuwato sa teksto?
Kung gayon, mapagtitiwalaan ba ang Bibliya? Nakahukay na ang mga arkeologo ng sapat na mga sinaunang labí na nagpapatunay na ang Bibliya ay tumutukoy sa tunay na mga tao, tunay na mga lugar, at tunay na mga pangyayari. Subalit ang lalo pang nakakakumbinsi ay ang ebidensiyang nasusumpungan sa Bibliya mismo. Walang sinumang itinangi ang tapat na mga manunulat—ni ang sarili man nila—sa pag-uulat ng mga tunay na pangyayari. Ang panloob na pagkakasuwato ng mga isinulat, lakip na ang mga di-sinasadyang pagkakatulad, ay nagbibigay sa “patotoo” ng mataginting na batingaw ng katotohanan. Taglay ang ganitong “mapanghahawakang tanda ng katotohanan,” ang Bibliya ay tunay ngang isang aklat na iyong mapagtitiwalaan.
[Mga talababa]
a Pagkatapos ng pagkakatuklas na iyan, iniulat ni Propesor André Lemaire na nang buuing-muli ang nasirang talata sa Mesha stela (tinatawag ding Batong Moabita), na natuklasan noong 1868, nakitang ito’y naglalaman din ng pagtukoy sa “Bahay ni David.”4
[Larawan sa pahina 15]
Ang piraso ng Tel Dan
[Larawan sa pahina 16, 17]
Nililok na pader ng Asirya na naglalarawan ng pagkakalupig ng Lakis, na binabanggit sa 2 Hari 18:13, 14