Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Paano Nailigtas ang Aklat?

Paano Nailigtas ang Aklat?

Paano Nailigtas ang Aklat?

Ang mga sinaunang sulat ay may mga likas na kaaway​—apoy, halumigmig, amag. Ang Bibliya ay hindi ligtas sa gayong peligro. Ang ulat kung paano ito nailigtas mula sa pananalanta ng panahon upang maging ang pinakamadaling makuhang aklat ay kapansin-pansin sa gitna ng mga sinaunang sulat. Ang kasaysayang iyan ay nararapat pag-ukulan ng di-biru-birong pansin.

HINDI nililok ng mga manunulat ng Bibliya ang kanilang mga salita sa bato; ni iniukit man ang mga ito sa matitibay na lapidang putik. Maliwanag na iniulat nila ang kanilang mga salita sa mga nasisirang materyales​—papiro (gawa mula sa halaman sa Ehipto na may gayunding pangalan) at pergamino (gawa mula sa balat ng hayop).

Ano ang nangyari sa orihinal na mga sulat? Malamang na napakatagal nang nagkapira-piraso ang mga ito, na karamihan ay sa sinaunang Israel. Ganito ang paliwanag ng iskolar na si Oscar Paret: “Ang dalawang pinagsulatang ito [papiro at katad] ay parehong nanganib mula sa halumigmig, amag, at iba’t ibang umok. Alam natin mula sa pang-araw-araw na karanasan kung paano napakadaling masira ang papel, at maging ang matibay na katad, kapag nasa hanginan o nasa mamasa-masang lugar.”1

Kung nawala na ang mga orihinal, paano kung gayon nailigtas hanggang sa ating kaarawan ang mga salita ng mga manunulat ng Bibliya?

Naingatan ng Maseselang na Tagakopya

Di-nagtagal matapos isulat ang mga orihinal, sinimulan ang paggawa ng sulat-kamay na mga kopya. Ang pagkopya ng Kasulatan sa katunayan ay naging isang propesyon sa sinaunang Israel. (Ezra 7:​6; Awit 45:1) Gayunman, ang mga kopya ay isinulat din sa nasisirang mga materyales. Sa malao’t madali ang mga ito’y kinailangang palitan ng iba namang sulat-kamay na mga kopya. Nang mawala na ang mga orihinal, ang mga kopyang ito ang naging basehan para sa sumunod pang mga manuskrito. Ang pagkopya sa mga kopya ay isang prosesong nagpatuloy sa loob ng maraming siglo. Lubha bang nabago ang teksto ng Bibliya dahil sa mga pagkakamali ng mga tagakopya makalipas ang maraming siglo? Ang katibayan ay nagsasabi ng hindi.

Ang propesyonal na mga tagakopya ay totoong deboto. Napakalaki ng kanilang pagpipitagan sa mga salita na kanilang kinokopya. Sila’y maseselang din. Ang Hebreong salita na isinaling “tagakopya” ay so·pherʹ, na may kaugnayan sa pagbilang at pag-uulat. Upang ilarawan ang pagiging wasto ng mga tagakopya, isaalang-alang natin ang mga Masorete. a Tungkol sa kanila, ganito ang paliwanag ng iskolar na si Thomas Hartwell Horne: “Tinuos nila . . . kung alin ang gitnang titik ng Pentateuch [ang unang limang aklat ng Bibliya], kung alin ang gitnang sugnay ng bawat aklat, at kung ilang ulit lumitaw ang bawat titik ng alpabeto [sa Hebreo] sa lahat ng Hebreong Kasulatan.”3

Kaya nga, ang mga bihasang tagakopya ay gumamit ng ilang pamamaraan upang matiyak ang pagiging tumpak nito. Upang maiwasan na may makaligtaan kahit isang titik mula sa teksto sa Bibliya, buong-tiyaga nilang binilang hindi lamang ang mga salita kundi pati ang mga titik din naman. Isipin na lamang ang masusing pag-iingat na kinailangan dito: Iniulat na nakabilang sila ng 815,140 indibiduwal na letra sa Hebreong Kasulatan!4 Ang gayong marubdob na pagsisikap ay tumitiyak ng isang mataas na antas ng katumpakan.

Gayunpaman, ang mga tagakopya ay nagkakamali rin naman. Mayroon bang anumang katibayan na, sa kabila ng pagkopya sa loob ng maraming siglo, ay nailigtas pa ring nasa maaasahang anyo ang teksto ng Bibliya?

Isang Matatag na Saligan Para Pagtiwalaan

May matibay na dahilan upang paniwalaang ang Bibliya ay may katumpakang naihatid hanggang sa ating kaarawan. Ang katibayan ay binubuo ng umiiral na sulat-kamay na mga manuskrito​—humigit-kumulang 6,000 ng kabuuan o ng mga bahagi ng Hebreong Kasulatan at mga 5,000 ng Kristiyanong Kasulatan sa Griego. Kabilang dito ang isang manuskrito sa Hebreong Kasulatan na natuklasan noong 1947 na nagbibigay-halimbawa kung gaano kawasto ang ginawang pagkopya sa Kasulatan. Mula noon ay tinawag itong “ang pinakamahalagang tuklas na manuskrito sa modernong panahon.”5

Samantalang nagpapastol ng kaniyang kawan sa pagsisimula ng taóng iyon, nakatuklas ang isang kabataang pastol na Bedouin ng isang kuweba na malapit sa Dagat na Patay. Sa loob nito ay nakatagpo siya ng ilang banga, na karamihan sa mga ito’y walang laman. Gayunman, sa isa sa mga banga, na mahigpit ang pagkakatakip, nasumpungan niya ang isang balumbong katad na maingat na nakabalot sa linen at kinapapalooban ng kumpletong aklat ng Isaias sa Bibliya. Ang naingatang mabuti ngunit luma nang balumbon ay napansing nakumpuni na. Walang-wala sa isip ng kabataang pastol na sa dakong huli ang sinaunang balumbon na hawak niya ay magiging tampulan ng pansin ng buong daigdig.

Ano nga ba ang kahalagahan ng partikular na manuskritong ito? Noong 1947 ang hawak na pinakamatandang mga kumpletong manuskritong Hebreo ay may petsang humigit-kumulang na ikasampung siglo C.E. Ngunit ang balumbong ito ay pinetsahan ng ikalawang siglo B.C.E. b​—mas nauna pa nang mahigit na isang libong taon. c Interesadung-interesado ang mga iskolar na matuklasan ang pagkakaiba ng balumbong ito sa mga manuskritong ginawa nang maglaon.

Sa isang pag-aaral, inihambing ng mga iskolar ang ika-53 kabanata ng Isaias sa Dead Sea Scroll sa tekstong Masoretiko na ginawa makalipas ang isang libong taon. Ipinaliliwanag ng aklat na A General Introduction to the Bible, ang naging resulta ng pag-aaral: “Sa 166 na salita sa Isaias 53, mayroon lamang labimpitong titik na pinag-aalinlanganan. Sampu sa mga titik na ito ay may kaugnayan lamang sa pagbaybay, na hindi naman nakaaapekto sa diwa. Ang apat pang titik ay maliliit na pagbabago lamang sa istilo, gaya ng mga pangatnig. Ang natitira pang tatlong titik ay bumubuo sa salitang ‘liwanag,’ na idinagdag sa talatang 11, at wala namang gaanong epekto sa kahulugan. . . . Kaya nga, sa isang kabanata na may 166 na salita, isang salita (tatlong titik) lamang ang pinag-aalinlanganan pagkatapos ng isang libong taóng pagpapasalin-salin​—at ang salitang ito ay wala namang nagawang malaking pagbabago sa kahulugan ng sipi.”7

Si Propesor Millar Burrows, na sumuri sa mga balumbon sa loob ng maraming taon upang analisahin ang mga nilalaman nito, ay nagkaroon ng gayunding konklusyon: “Karamihan sa pagkakaiba ng . . . balumbon ni Isaias at ng tekstong Masoretiko ay maaaring ipaliwanag bilang mga pagkakamali sa pagkopya. Maliban dito, may kahanga-hangang pagkakasuwato, sa kabuuan, sa tekstong masusumpungan sa mga manuskrito noong Edad Medya. Ang gayong pagkakasuwato sa isang manuskritong napakatanda na ay nagbibigay ng matibay na patotoo sa kawastuan ng tradisyonal na teksto sa kabuuan.”8

Ang “matibay na patotoo” ay maaari ring ibigay sa pagkopya ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. Halimbawa, ang pagkatuklas sa Codex Sinaiticus noong ika-19 na siglo, isang manuskrito mula sa balat ng hayop na pinetsahan ng ikaapat na siglo C.E., ay tumulong upang matiyak ang katumpakan ng mga manuskrito ng Kristiyanong Griegong Kasulatan na ginawa makalipas ang maraming siglo. Ang isang papirong bahagi ng Ebanghelyo ni Juan, na natuklasan sa distrito ng Faiyūm, Ehipto, ay pinetsahan ng unang kalahati ng ikalawang siglo C.E., kulang-kulang na 50 taon pagkatapos isulat ang orihinal. Ito’y naingatan sa tuyong buhangin sa loob ng maraming siglo. Ang teksto ay kasuwato nitong nasumpungan sa mas nahuling mga manuskrito.9

Ang ebidensiya sa gayon ay nagpapatunay na ang mga tagakopya ay totoong ingat na ingat. Subalit, nagkamali pa rin sila. Walang indibiduwal na manuskrito ang masasabing walang pagkakamali​—kabilang na ang Dead Sea Scroll ni Isaias. Magkagayunman, natutuklasan at itinutuwid ng mga iskolar ang gayong pagkakaiba mula sa orihinal.

Pagtutuwid sa mga Pagkakamali ng mga Tagakopya

Ipagpalagay nang 100 katao ang hinilingang gumawa ng sulat-kamay na kopya ng isang mahabang dokumento. Walang-alinlangang magkakamali kahit paano ang ilan sa mga tagakopya. Gayunman, hindi magkakapare-pareho ang mali nilang lahat. Kung kukunin mo ang lahat ng 100 kopya at buong-ingat na paghahambingin ang mga ito, maibubukod mo ang mga mali at makikita ang eksaktong pananalita sa orihinal na dokumento, kahit na hindi mo pa ito kailanman nakikita.

Sa katulad na paraan, ang mga tagakopya ng Bibliya ay hindi lahat nagkapare-pareho ng mali. Dahil sa libu-libo ang manuskrito ng Bibliya na magagamit ngayon para sa pahambing na pagsusuri, naibukod ng mga tekstuwal na iskolar ang mga mali, natiyak ang orihinal na pagkakasulat, at itinala ang kinakailangang pagwawasto. Bilang resulta ng gayong maingat na pag-aaral, nakabuo ang mga tekstuwal na iskolar ng mga tekstong mapagkokopyahan sa orihinal na mga wika. Ginagamit ng pinagbuting mga edisyong ito ng Hebreo at Griegong mga teksto ang mga salitang napagkaisahan ng lahat bilang siyang orihinal, anupat karaniwan nang itinatala sa talababa ang ibang anyo o alternatibong pagkakasulat na maaaring nasa ilang manuskrito. Ang mga pinagbuting edisyon ng mga tekstuwal na iskolar ang siyang ginagamit ng mga tagapagsalin ng Bibliya upang isalin ang Bibliya sa modernong mga wika.

Kaya kapag nagbasa ka ng isang modernong salin ng Bibliya, mayroon kang sapat na dahilan upang magtiwala na ang Hebreo at Griegong mga teksto na pinagbasehan nito ay kumakatawan sa mga salita ng orihinal na manunulat ng Bibliya taglay ang pambihirang katumpakan nito. d Tunay na kagila-gilalas ang ulat kung paano nailigtas ang Bibliya sa kabila ng libu-libong taon ng pagkopya sa pamamagitan ng sulat-kamay. Samakatuwid ay masasabi ni Sir Frederic Kenyon, matagal nang tagapangalaga ng British Museum: “Tunay na mapaninindigan na sa kabuuan ang teksto ng Bibliya ay tiyak . . . Wala nang iba pang sinaunang aklat sa daigdig ang maaaring pagtukuyan nito.”10

[Mga talababa]

a Ang mga Masorete (nangangahulugang “ang mga Dalubhasa sa Tradisyon”) ay mga tagakopya ng Kasulatang Hebreo na nabuhay sa pagitan ng ikaanim at ikasampung siglo C.E. Ang mga manuskritong kopya na ginawa nila ay tinutukoy bilang mga tekstong Masoretiko.2

b Ang B.C.E. ay nangangahulugang “Before the Common Era.” Ang ibig sabihin naman ng C.E. ay “Common Era,” madalas na tinatawag na A.D., para sa Anno Domini, na nangangahulugang “sa taon ng Panginoon.”

c Ganito ang sabi ng Textual Criticism of the Hebrew Bible, ni Emanuel Tov: “Sa tulong ng tinatawag na carbon 14 na paraan ng pagsusuri, ang 1QIsaa [ang Dead Sea Isaiah Scroll] ay pinetsahan ngayon sa pagitan ng 202 at 107 BCE (paleograpikong petsa: 125-​100 BCE) . . . Ang nabanggit na paleograpikong paraan, na pinagbuti pa nitong nakaraang mga taon, at na naglalaan ng tiyak na pagpepetsa batay sa paghahambing sa hugis at posisyon ng mga titik sa panlabas na pinagmumulan gaya ng mga barya at mga inskripsiyon na may petsa, ay napatunayang isa na ring maaasahang paraan.”6

d Mangyari pa, ang indibiduwal na mga tagapagsalin ay maaaring maging istrikto o maluwag sa kanilang paninindigan sa orihinal na mga teksto sa Hebreo at Griego.

[Larawan sa pahina 8]

Ang Bibliya ay naingatan ng mga bihasang tagakopya

[Mga Larawan sa pahina 9]

Ang Dead Sea Scroll ni Isaias (ipinakikita ang kopya) ay halos katulad na katulad ng tekstong Masoretiko na ginawa makalipas ang isang libong taon