Aaron
Isang anak nina Amram at Jokebed mula sa tribo ni Levi, ipinanganak sa Ehipto noong 1597 B.C.E. Si Levi ay lolo sa tuhod ni Aaron. (Exo 6:13, 16-20) Si Miriam ang kaniyang nakatatandang kapatid na babae, at si Moises ang kaniyang nakababatang kapatid na lalaki na mas bata nang tatlong taon. (Exo 2:1-4; 7:7) Napangasawa ni Aaron si Elisheba, anak na babae ni Aminadab, at nagkaroon siya ng apat na anak, sina Nadab, Abihu, Eleazar, at Itamar. (Exo 6:23) Namatay siya noong 1474 B.C.E. sa edad na 123 taon.—Bil 33:39.
Palibhasa’y atubili si Moises dahil hindi siya matatas magsalita, inatasan ni Jehova si Aaron na maging tagapagsalita ni Moises sa harap ni Paraon, anupat sinabi tungkol kay Aaron: “Alam kong siya ay talagang makapagsasalita.” Sinalubong ni Aaron si Moises sa Bundok Sinai at ipinabatid kay Aaron kung gaano kalawak ang magiging epekto ng gagawing pagkilos ng Diyos may kinalaman sa Israel at Ehipto, at pagkatapos ay naglakbay ang magkapatid pabalik sa Ehipto.—Exo 4:14-16, 27-30.
Sa gayon, si Aaron ay nagsilbing parang “bibig” kay Moises, na nagsasalita para sa kaniya sa matatandang lalaki ng Israel at nagsasagawa ng makahimalang mga tanda bilang patotoo na sa Diyos nagmula ang kanilang mga mensahe. Nang dumating na ang panahon upang pumaroon sila sa korte ni Paraon, kinailangang harapin ng 83-taóng-gulang na si Aaron, bilang tagapagsalita ni Moises, ang mapagmataas na tagapamahalang iyon. Gaya nga ng sinabi ni Jehova kay Moises pagkatapos nito: “Tingnan mo, ginawa kitang Diyos kay Paraon, at si Aaron na iyong kapatid ay magiging iyong propeta.” (Exo 7:1, 7) Si Aaron ang nagsagawa ng unang makahimalang tanda sa harap ni Paraon at ng mga mahikong saserdote nito; at, nang maglaon, si Aaron, sa utos ni Moises, ang nag-unat ng tungkod ni Moises at naghudyat ng pasimula ng Sampung Salot. (Exo 7:9-12, 19, 20) Nagpatuloy siyang gumawang kaisa ni Moises at tumalima sa Diyos sa panahon ng sumunod na mga salot, hanggang sa palayain sila nang dakong huli. Sa bagay na ito ay isa siyang mabuting halimbawa sa mga Kristiyano na naglilingkod bilang “mga embahador na humahalili para kay Kristo, na para bang ang Diyos ay namamanhik sa pamamagitan namin.”—Exo 7:6; 2Co 5:20.
Noong panahon ng 40-taóng pagpapagala-gala sa ilang, maliwanag na dumalang ang gawain ni Aaron bilang tagapagsalita ni Moises, yamang waring si Moises na mismo ang mas madalas na nagsasalita. (Exo 32:26-30; 34:31-34; 35:1, 4) Ibinalik din sa mga kamay ni Moises ang tungkod pagkatapos ng ikatlong salot. At si Aaron, kasama si Hur, ay umalalay na lamang sa mga bisig ni Moises sa pagbabaka sa Amalek. (Exo 9:23; 17:9, 12) Gayunman, sa pangkalahatan ay tinitiyak ni Jehova na si Aaron ay laging kasama ni Moises kapag nagbibigay ng tagubilin, at sila ay tinutukoy na magkasamang kumikilos at nagsasalita, hanggang noong panahon mismo na mamatay si Aaron.—Bil 20:6-12.
Sa kaniyang nakabababang posisyon, si Aaron ay hindi sumama kay Moises sa taluktok ng Bundok Sinai upang tanggapin ang tipang Kautusan, ngunit, kasama ng dalawa sa kaniyang mga anak at ng 70 sa matatandang lalaki ng bansa, pinahintulutan siyang umakyat sa bundok at makita ang isang maringal na pangitain ng kaluwalhatian ng Diyos. (Exo 24:9-15) Sa tipang Kautusan, binigyang-dangal si Aaron at ang kaniyang sambahayan nang tukuyin sila roon, at itinalaga ng Diyos si Aaron sa posisyon bilang mataas na saserdote.—Exo 28:1-3.
Mataas na Saserdote. Sa pamamagitan ng pitong-araw na seremonya ng pagtatalaga, si Aaron ay pinagkalooban ni Moises, na ahente ng Diyos, ng kaniyang mga sagradong tungkulin, at ang kaniyang apat na anak ay itinalaga rin bilang mga katulong na saserdote. Dinamtan ni Moises si Aaron ng magagandang kasuutan na yari sa materyales na ginto, asul, purpura, at iskarlata, lakip na ang mga dugtungang pambalikat at isang pektoral na napapalamutian ng mahahalagang hiyas na may sari-saring kulay. Sa kaniyang ulo ay ipinatong ang isang turbante na yari sa mainam na lino. Nakakabit doon ang isang laminang dalisay na ginto, kung saan nakalilok ang mga salitang “Ang kabanalan ay kay Jehova.” (Lev 8:7-9; Exo 28) Nang magkagayon ay pinahiran si Aaron sa paraang inilarawan sa Awit 133:2 at pagkatapos nito ay matatawag na siyang ma·shiʹach, o mesiyas (khri·stosʹ, LXX), samakatuwid nga, ang “pinahiran.”—Lev 4:5, 16; 6:22.
Heb 5:4, 5) Pagkatapos nito ay ipinakita ni Pablo kung paanong ang makasaserdoteng katungkulan, na unang ginampanan ni Aaron, ay sumagisag sa katungkulan ni Kristo Jesus bilang isang nakahihigit at makalangit na mataas na saserdote. Dahil dito, ang makasaserdoteng mga tungkulin ni Aaron na kaakibat ng kaniyang mataas na katungkulan ay nagiging higit na makahulugan para sa atin.—Heb 8:1-6; 9:6-14, 23-28.
Si Aaron ay hindi lamang inatasang mamahala sa buong pagkasaserdote kundi ipinahayag din ng Diyos na sa kaniyang linya, o sambahayan, dapat manggaling ang lahat ng magiging mataas na saserdote. Gayunman, hindi minana ni Aaron ang pagkasaserdote, kung kaya masasabi ng apostol na si Pablo tungkol sa kaniya: “Ang isang tao ay tumatanggap ng karangalang ito, hindi ayon sa kaniyang sariling kagustuhan, kundi tangi lamang kung tinawag siya ng Diyos, na gaya rin ni Aaron. Gayundin naman, hindi niluwalhati ng Kristo ang kaniyang sarili sa pagiging mataas na saserdote, kundi niluwalhati niyaong nagsalita may kinalaman sa kaniya: ‘Ikaw ang aking anak; ako, ngayon, ako ay naging iyong ama.’” (Bilang mataas na saserdote, si Aaron ang may pananagutan na manguna sa lahat ng pitak ng pagsamba sa tabernakulo at mangasiwa sa gawain ng libu-libong Levita na nakikibahagi sa paglilingkod doon. (Bil 3:5-10) Sa taunang Araw ng Pagbabayad-Sala ay naghaharap siya ng mga handog ukol sa kasalanan para sa mga saserdote at mga Levita at para sa bayan ng Israel, at siya lamang ang pinahihintulutang pumasok sa Kabanal-banalan ng tabernakulo dala ang haing dugo ng mga hayop. (Lev 16) Ang araw-araw na paghahandog ng insenso, ang paghaharap ng mga unang bunga ng inaning butil, at ang maraming iba pang pitak ng pagsamba ay mga pribilehiyo na pantanging tinamasa ni Aaron at ng kaniyang mga anak bilang mga saserdote. (Exo 30:7, 8; Luc 1:8-11; Lev 23:4-11) Gayunman, pinabanal siya ng pagkapahid sa kaniya upang isagawa hindi lamang ang mga paghahain para sa bansa kundi pati ang iba pang mga tungkulin. Pananagutan niyang ituro sa bansa ang Salita ng Diyos. (Lev 10:8-11; Deu 24:8; Mal 2:7) Siya, gayundin ang kaniyang mga kahalili, ay naglingkod bilang punong opisyal sa ilalim ni Jehova na Hari. Sa pantanging mga okasyon ng bansa ay isinusuot niya ang mamahaling mga kasuutan at ang “makintab na laminang” ginto sa kaniyang turbanteng lino. Isinusuot din niya ang pektoral na kinalalagyan ng Urim at Tumim, na sa pamamagitan niyaon ay tinatanggap niya ang “Oo” o “Hindi” ni Jehova hinggil sa mga suliraning pambansa; bagaman lumilitaw na hindi ito gaanong nagamit habang si Moises ay nabubuhay pa at nagsisilbing tagapamagitan.—Exo 28:4, 29, 30, 36; tingnan ang MATAAS NA SASERDOTE.
Ang debosyon ni Aaron sa dalisay na pagsamba ay maagang nalagay sa pagsubok nang mamatay ang kaniyang mga anak na sina Nadab at Abihu, na pinuksa ng Diyos dahil sa paggamit sa kanilang makasaserdoteng mga posisyon nang may kalapastanganan. Ang ulat ay nagsasabi: “At nanatiling tahimik si Aaron.” Nang siya at ang kaniyang dalawang natitirang anak ay tagubilinan na huwag ipagdalamhati ang namatay na mga mananalansang, “ginawa nila ang ayon sa salita ni Moises.”—Lev 10:1-11.
Sa loob ng halos 40 taon ay kinatawanan ni Aaron ang 12 tribo sa harap ni Jehova sa kaniyang tungkulin bilang mataas na saserdote. Habang nasa ilang, bumangon ang isang malubhang paghihimagsik laban sa awtoridad nina Moises at Aaron. Ang pasimuno nito ay isang Levita na nagngangalang Kora, kasama ang mga Rubenitang sina Datan, Abiram, at On, na nagreklamo laban sa kanilang pangunguna. Pinangyari ni Jehova na bumuka ang lupa sa ilalim ng mga tolda nina Kora, Datan, at Abiram, anupat nilamon sila kasama ang kanilang mga sambahayan, samantalang si Kora mismo at ang 250 sa mga kasabuwat niya ay pinuksa ng apoy. (Bil 16:1-35) Nagsimula ngayong magbulung-bulungan ang kongregasyon laban kina Moises at Aaron; at sa kasunod na salot mula sa Diyos, si Aaron ay nagpakita ng malaking pananampalataya at lakas ng loob nang may-pagkamasunurin siyang lumabas na dala ang kaniyang lalagyan ng apoy at magbayad-sala para sa bayan habang “nakatayo sa pagitan ng mga patay at ng mga buháy,” hanggang sa huminto ang salot.—Bil 16:46-50.
Iniutos ngayon ng Diyos na 12 tungkod, bawat isa ay kumakatawan sa isa sa 12 tribo, ang ilagay sa tabernakulo, at ang tungkod para sa tribo ni Levi ay sinulatan ng pangalan ni Aaron. (Bil 17:1-4) Nang sumunod na araw ay pumasok si Moises sa tolda ng Patotoo at nasumpungan na ang tungkod ni Aaron ay umusbong, namulaklak, at nagbunga ng mga hinog na almendras. (Bil 17:8) Pinagtibay nito nang walang pag-aalinlangan na pinili ni Jehova ang mga Levitang anak ni Aaron para sa makasaserdoteng paglilingkod at na binigyan niya ng awtorisasyon si Aaron upang maging mataas na saserdote. Pagkatapos nito, ang karapatan ng sambahayan ni Aaron sa pagkasaserdote ay hindi na kailanman kinuwestiyon pa. Ang umusbong na tungkod ni Aaron ay inilagay sa kaban ng tipan bilang “pinakatanda sa mga anak ng paghihimagsik,” bagaman lumilitaw na pagkamatay ng mga mapaghimagsik na ito at nang makapasok ang bansa sa Lupang Pangako ay inalis na ang tungkod, yamang natupad na ang layunin para rito.—Bil 17:10; Heb 9:4; 2Cr 5:10; 1Ha 8:9.
Bakit hindi pinarusahan si Aaron sa paggawa ng ginintuang guya?
Sa kabila ng kaniyang natatanging posisyon, si Aaron ay mayroon ding mga pagkukulang. Noong panahon ng unang 40-araw na pananatili ni Moises sa Bundok Sinai, “ang bayan ay nagtipun-tipon kay Aaron at nagsabi sa kaniya: ‘Tumindig ka, igawa mo kami ng isang diyos na mangunguna sa amin, sapagkat kung tungkol sa Moises na ito, ang lalaking nag-ahon sa amin mula sa lupain ng Ehipto, hindi nga namin alam kung ano na ang nangyari sa kaniya.’” (Exo 32:1) Si Aaron ay pumayag at nakipagtulungan sa kanila sa paggawa ng estatuwa ng isang ginintuang guya. (Exo 32:2-6) Nang komprontahin siya ni Moises tungkol dito, nagbigay siya ng mababaw na dahilan. (Exo 32:22-24) Gayunman, hindi siya tinukoy ni Jehova bilang ang pasimuno sa paggawa ng guya kundi sinabi niya kay Moises: “Kaya ngayon ay pabayaan mo ako, upang lumagablab ang aking galit laban sa kanila at malipol ko sila.” (Exo 32:10) Nakiusap si Moises kay Jehova para sa bayan at para kay Aaron. Pagkatapos, iniharap niya sa bayan ang pagpapasiya sa pamamagitan ng pagsigaw: “Sino ang nasa panig ni Jehova? Dito sa akin!” (Exo 32:11, 26; Deu 9:20) Tumugon ang lahat ng mga anak ni Levi, siguradong pati na rin si Aaron. Pinatay nila ang tatlong libong mananamba sa idolo, malamang na ang mga pangunahing tagapagsulsol. (Exo 32:28) Gayunpaman, kinabukasan ay ipinaalaala ni Moises sa iba pa sa bayan na sila rin ay may pagkakasala. (Exo 32:30) Kaya hindi lamang si Aaron ang tumanggap ng awa ng Diyos. Ipinahihiwatig ng sumunod na mga pagkilos niya na wala talaga sa kaniyang puso ang pakikibahagi sa idolatrosong gawaing iyon kundi nagpadala lamang siya sa panggigipit ng mga mapaghimagsik. (Exo 32:35) Ipinakita ni Jehova na pinatawad niya si Aaron nang panatilihin niyang may bisa ang atas nito bilang mataas na saserdote.—Exo 40:12, 13.
Bagaman matapat na sinuportahan ni Aaron ang kaniyang nakababatang kapatid sa maraming mahihirap na karanasan, at bagaman kamakailan lamang siya itinalaga bilang mataas na saserdote sa pamamagitan ni Moises na kinatawan ng Diyos, may-kamangmangang nakisama si Aaron sa kapatid niyang si Miriam sa pagsalansang kay Moises. Pinuna nila si Moises dahil sa pag-aasawa nito sa isang babaing Cusita at hinamon nila ang natatanging kaugnayan at katayuan nito sa Diyos na Jehova, anupat sinabi nila: “Sa pamamagitan lamang ba ni Moises nagsasalita si Jehova? Hindi ba sa pamamagitan din natin ay nagsasalita siya?” (Bil 12:1, 2) Mabilis na kumilos si Jehova, pinapunta ang tatlo sa harap niya sa tapat ng tolda ng kapisanan, at may-katindihan niyang sinaway sina Aaron at Miriam dahil sa hindi paggalang sa pag-aatas ng Diyos. Yamang si Miriam lamang ang kinapitan ng ketong, maaaring ipinahihiwatig nito na siya ang nagsulsol ng pamumuna kay Moises at na muling nagpakita ng kahinaan si Aaron nang magpaganyak ito na sumama kay Miriam. Gayunman, kung kinapitan din ng ketong si Aaron, mawawalan ng bisa ang pag-aatas sa kaniya bilang mataas na saserdote, ayon sa kautusan ng Diyos. (Lev 21:21-23) Nahayag ang tamang saloobin ng kaniyang puso nang agad siyang magtapat at humingi ng paumanhin dahil sa kanilang mangmang na pagkilos at nang marubdob siyang magsumamo kay Moises na mamagitan alang-alang sa nagkaketong na si Miriam.—Bil 12:10-13.
Muling nasangkot si Aaron sa isang pagkakasala nang siya, kasama si Moises, ay hindi magpabanal at magparangal sa Diyos sa harap ng kongregasyon may kaugnayan sa paglalaan ng tubig sa Meriba sa Kades. Dahil sa pagkilos na ito, itinalaga ng Diyos na kapuwa sila hindi magkakapribilehiyo na akayin ang bansa sa Lupang Pangako.—Bil 20:9-13.
Noong unang araw ng buwan ng Ab, nang ika-40 taon pagkatapos ng Pag-alis, ang bansang Israel ay nagkampo sa hanggahan ng Edom sa harap ng Bundok Hor. Ilang buwan na lamang ay tatawirin na nila ang Jordan; ngunit hindi kasama ang 123-taóng-gulang na si Aaron. Sa tagubilin ni Jehova, at habang nagmamasid ang buong kampo, si Aaron, ang kaniyang anak na si Eleazar, at si Moises ay umakyat sa taluktok ng Bundok Hor. Doon ay hinayaan ni Aaron ang kaniyang kapatid na alisin sa kaniya ang makasaserdoteng mga kasuutan at isuot ang mga iyon sa kaniyang anak at kahaliling mataas na saserdote, si Eleazar. Pagkatapos ay namatay si Aaron. Malamang na inilibing siya roon ng kaniyang kapatid at ng kaniyang anak, at sa loob ng 30 araw ay ipinagdalamhati ng Israel ang kaniyang kamatayan.—Bil 20:24-29.
Kapansin-pansin na sa bawat isa sa kaniyang tatlong pagkakamali, lumilitaw na hindi si Aaron ang pasimuno ng maling pagkilos kundi, sa halip, waring pinahintulutan niya na matangay siya ng panggigipit ng mga kalagayan o ng impluwensiya ng iba mula sa landasin ng katuwiran. Lalo na sa kaniyang unang pagkakamali, naikapit sana niya ang simulaing nakapaloob sa utos na: “Huwag kang susunod sa karamihan ukol sa masasamang pakay.” (Exo 23:2) Gayunpaman, pagkatapos nito ay ginamit ang kaniyang pangalan sa Kasulatan sa isang marangal na paraan, at noong panahong nabubuhay sa lupa ang Anak ng Diyos, kinilala niya ang pagiging lehitimo ng Aaronikong pagkasaserdote.—Aw 115:10, 12; 118:3; 133:1, 2; 135:19; Mat 5:17-19; 8:4.
Mga Saserdoteng Inapo ni Aaron. Ang pananalitang “mga Aaronita” ay lumilitaw sa King James Version at Moffatt sa 1 Cronica 12:27; 27:17. (Ang ginagamit lamang ng tekstong Masoretiko sa Hebreo ay ang pangalang Aaron. Ang LXX [edisyon ni Lagarde, sa 1Cr 12:27] ay nagsasabing “ng mga anak ni Aaron.”) Maliwanag na ang salitang “Aaron” ay ginagamit dito sa diwang panlahatan, gaya rin ng pangalang Israel, at tumutukoy sa sambahayan ni Aaron o sa kaniyang mga inapong lalaki noong panahon ni David, na mula sa tribo ni Levi at naglilingkod bilang mga saserdote. (1Cr 6:48-53) Ang Bagong Sanlibutang Salin ay kababasahan: “At si Jehoiada ang lider ng mga anak ni Aaron, at ang kasama niya ay tatlong libo pitong daan” (1Cr 12:27), anupat idinagdag ang mga salitang “ng mga anak” kasuwato ng nabanggit na pangangatuwiran.