Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ab

Ab

Ang pangalan ng ika-5 buwang lunar sa sagradong kalendaryong Judio pagkaraan ng pagkatapon, ngunit ang ika-11 buwan naman sa sekular na kalendaryo. Katumbas ito ng huling bahagi ng Hulyo at ng unang bahagi ng Agosto.

Hindi tiyak kung ano ang kahulugan ng pangalang Ab. Sa Bibliya, hindi ito tuwirang tinatawag sa pangalan nito, kundi tinutukoy lamang bilang ang “ikalimang buwan.” Gayunman, ang pangalang ito ay lumilitaw sa Mishnah (Taʽanit 4:6) at sa iba pang mga akdang Judio pagkaraan ng pagkatapon.

Ang Ab ay buwan ng mainit na tag-araw, anupat sa panahong ito sinisimulan ang pag-aani ng mga ubas sa Israel.​—Tingnan ang KALENDARYO.

Namatay si Aaron sa Bundok Hor noong unang araw ng buwan ng Ab. (Bil 33:38) Sinasabi ng 2 Hari 25:8 na si Nebuzaradan, na lingkod ng hari ng Babilonya, ay “dumating sa Jerusalem” noong ikapitong araw ng buwang iyon. Gayunman, sinasabi sa atin ng Jeremias 52:12 na si Nebuzaradan ay “dumating sa Jerusalem” noong ikasampung araw ng buwang iyon. May kinalaman sa di-pagkakatugmang ito, ang Soncino Books of the Bible ay nagkomento: “Ang tatlong araw na pagitan ay maaaring tumutukoy sa petsa ng pagdating ni Nebuzaradan sa lugar na iyon at sa pagpapasimula ng mga aksiyong militar.” (Inedit ni A. Cohen, London, 1949) Kung gayon, lumilitaw na si Nebuzaradan ay dumating sa Jerusalem noong ikapitong araw, nagsurbey mula sa kaniyang kampo sa labas ng mga pader ng lunsod, at nagbigay ng tagubilin na gibain ang mga moog ng lunsod at samsamin ang mga kayamanan nito; sa wakas, noong ikasampung araw ng buwan, pinasok niya ang lunsod at ang banal na templo nito. Ayon kay Josephus (The Jewish War, VI, 250, 268 [iv, 5, 8]), sinunog ng mga Romano ang templo ni Herodes noong ikasampung araw ng ikalimang buwan (70 C.E.), at itinawag-pansin ni Josephus na katugmang-katugma ng petsang ito ang petsa ng pagsunog ng mga Babilonyo sa naunang templo.

Sa loob ng 70-taóng pagkakatapon sa Babilonya, ang ikalimang buwang ito ay naging panahon ng mga pag-aayuno at mga paghagulhol ng mga Judio bilang paggunita sa pagkawasak ng templo sa Jerusalem. (Zac 7:3, 5; 8:19) Buwan din ng Ab nang bumalik si Ezra sa isinauling Jerusalem upang turuan ang mga Judio hinggil sa Kautusan ni Jehova.​—Ezr 7:8, 9, 25.