Abdon
[mula sa salitang-ugat na nangangahulugang “lingkod”].
1. Isang hukom, ang anak ni Hilel na Piratonita na mula sa Efraim. (Huk 12:13-15) Ayon kay Josephus (Jewish Antiquities, V, 273 [vii, 15]), ang kaniyang walong-taóng pamamahala ay mapayapa, at sa rekord ng Bibliya ay walang binabanggit na digmaan sa loob ng yugtong iyon. Ang 40 anak at 30 apo ni Abdon ay pawang “sumasakay sa pitumpung hustong-gulang na asno,” isang tanda ng malaking kayamanan at mataas na katungkulan nang panahong iyon. Sa katapusan ng kaniyang pagiging hukom, si Abdon ay inilibing sa kaniyang tinubuang lupain ng Efraim.
Sinasabi ng ilan na si Abdon ay si “Bedan,” na binanggit sa 1 Samuel 12:11; gayunman, mas malamang na si Bedan ay ang Barak na ang pangalan ay lumilitaw sa tekstong ito kapuwa sa Griegong Septuagint at sa Syriac na Peshitta.
2. Isang Benjamita, panganay na anak ni Jeiel at maliwanag na kapatid ni Ner na lolo ni Saul.—1Cr 8:29, 30; 9:35, 36, 39.
3. Isang opisyal sa korte ni Haring Josias (2Cr 34:20), tinatawag na Acbor sa 2 Hari 22:12.—Tingnan ang ACBOR Blg. 2.
4. Isang anak ni Sasak na mula sa tribo ni Benjamin; isang pangulo na nanahanan sa Jerusalem.—1Cr 8:23-28.
5. Isa sa apat na lunsod sa teritoryo ng Aser na ibinigay sa mga Levita na mula sa pamilya ni Gerson (Gersom). (Jos 21:27-31; 1Cr 6:71-75) Malamang na ito ang Khirbet ʽAbdeh (Tel ʽAvdon) na mga 6 na km (3.5 mi) sa S ng Aczib. Ang dakong ito ay nasa H panig ng Wadi Qarn (Nahal Keziv) at nasa paanan ng mga burol ng Galilea at sa gayon ay malapit sa H dulo ng Kapatagan ng Aser.