Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Abi-ezer

Abi-ezer

[Ang (Aking) Ama ay Isang Katulong].

1. Isa sa “mga anak ni Gilead” na apo ni Manases, ang panganay ni Jose. Ipinakikita ng paghahambing ng mga ulat sa Bilang 26:28-30 at Josue 17:1, 2 na tinatawag din siyang Iezer (Jezer, AS-Tg, MB, NPV), pinaikling anyo ng Abi-ezer, na inalisan ng unlaping “Ab” (ama).

Si Abi-ezer ay isang ulo ng pamilya at ninuno ni Hukom Gideon. (Huk 6:11, 24, 34; 8:2) Lumilitaw na pagkatapos ng paghahati-hati ng lupain sa mga tribo ng Israel, ang pamilya ni Abi-ezer ay namayan, maaaring noong una pa man o nang dakong huli, sa lugar ng Opra, sa teritoryo ng Manases sa K ng Jordan.

Ang pangalang ito ay ginagamit din upang kumatawan sa buong sambahayan ni Abi-ezer.​—Huk 8:2; tingnan ang ABI-EZRITA.

2. Isang anak ni Hamoleket na kapatid na babae ng apo ni Manases na si Gilead. (1Cr 7:18) Ipinapalagay ng ilang komentarista na ang Abi-ezer na ito rin ang tinutukoy sa Blg. 1.

3. Isang Benjamita mula sa Anatot, isa sa 37 pinakamagigiting na mandirigma ni Haring David. (2Sa 23:27, 39) Siya ay ulo ng isang sambahayan sa panig ng ama at ulo ng isang pangkat na binubuo ng 24,000 lalaki, na naglilingkod sa hari sa ikasiyam na buwan ng bawat taon. (1Cr 11:28; 27:1, 12) Kasama ang iba pang mga Benjamita, tinupad niya ang hula sa Genesis 49:27 dahil sa kaniyang kagitingan sa digmaan. Ang kaniyang bayan ng Anatot ay may layong ilang milya mula sa HHS ng Jerusalem, sa loob ng teritoryo ng Benjamin.​—1Cr 6:60.