Abias
[Ang Aking Ama ay si Jehova].
Sa 2 Hari 18:2, lumilitaw ang Abi bilang pinaikling anyo ng pangalang Abias. Ang Abiam ay isa pang anyo nito na masusumpungan sa tekstong Masoretiko sa 1 Hari 14:31; 15:1, 7, 8. Gayunman, ang 1 Hari 14:31 ay kababasahan ng “Abias” sa humigit-kumulang 12 manuskritong Hebreo at sa edisyon ni Bomberg ng Bibliyang Hebreo ni Jacob ben Chayyim (1524-1525).
1. Isang apo ni Benjamin, nakatala bilang ikapito sa siyam na anak ni Beker.—1Cr 7:8.
2. Ayon sa tekstong Masoretiko, ang asawa ni Hezron, isang apo ni Juda sa kaniyang manugang na si Tamar. Ang Abias na ito ay maaaring ina ni Ashur na ama ni Tekoa.—1Cr 2:4, 5, 24; tingnan ang HEZRON Blg. 2.
3. Ang ikalawang anak ng propetang si Samuel na inatasan ng kaniyang matanda nang ama, kasama ang kaniyang nakatatandang kapatid na si Joel, upang maging isang hukom ng Israel sa Beer-sheba. Dahil sa kanilang pagbaluktot sa kahatulan, pagtanggap ng suhol, at pangingikil ng di-tapat na pakinabang, hiniling ng matatandang lalaki ng Israel na mag-atas si Samuel ng isang hari na mamamahala sa kanila.—1Sa 8:1-5; 1Cr 6:28.
4. Isang makasaserdoteng inapo ni Aaron, na kinilalang ulo ng isa sa mga sambahayan ng Israel sa panig ng ama noong mga araw ni Haring David. Hinati-hati ni David ang pagkasaserdote sa 24 na pangkat, anupat bawat isa ay maglilingkod sa santuwaryo sa loob ng isang linggo sa bawat anim na buwan. Sa pamamagitan ng palabunutan, ang sambahayan ni Abias sa panig ng ama ay napili upang manguna sa ikawalong pangkat at pagkatapos ay nakilala ito bilang ang “pangkat ni Abias.” (1Cr 24:3-10; Luc 1:5) Kaya sinasabing ang saserdoteng si Zacarias, na ama ni Juan na Tagapagbautismo, ay kabilang sa “pangkat ni Abias.”
5. Isa sa 28 anak ni Rehoboam, tinatawag ding Abiam, na naging ikalawang hari ng dalawang-tribong kaharian ng Juda at naghari mula 980 hanggang 978 B.C.E. (1Ha 14:31–15:8) Siya ay isang makaharing inapo ni David kapuwa sa panig ng kaniyang ama at ng kaniyang ina, ang ika-16 na salinlahi mula kay Abraham sa maharlikang angkan ni Jesu-Kristo. (1Cr 3:10; Mat 1:7) Sa 18 asawa at 60 babae ni Rehoboam, si Maaca (tinawag na Micaias sa 2 Cronica 13:2), na apo sa tuhod ni Absalom, ang kaniyang pinakamamahal at pinaboran nang higit sa lahat anupat pinili niya ang anak nitong si Abias bilang kahalili sa trono, bagaman hindi si Abias ang panganay na anak ni Rehoboam.—2Cr 11:20-22.
Nang lumuklok si Abias sa trono noong ika-18 taon ni Haring Jeroboam I ng Israel, muling bumangon ang pagkakapootan sa pagitan ng mga kaharian ng hilaga at timog, at sinundan ito ng digmaan. Ang 800,000 mandirigma ni Jeroboam ay humanay sa pagbabaka laban sa piling hukbo ng Juda na may 400,000 makapangyarihang lalaking mandirigma. Bagaman gayon karami ang kanilang kaaway, hindi natakot si Abias. Sa halip, sa isang madamdaming pahayag, nagsalita siya sa pulutong ni Jeroboam, anupat hinatulan ang kanilang idolatrosong pagsamba sa guya at ipinaalaala sa kanila na ang tipan ni Jehova kay David ay ukol sa isang walang-hanggang kaharian. “Sumasaamin ang tunay na Diyos na nangunguna,” ang pahayag ni Abias, kaya “huwag kayong lumaban kay Jehova . . . sapagkat hindi kayo magtatagumpay.”—2Cr 12:16–13:12.
Sa kasunod na marahas na pagbabaka, ang pagtambang ni Jeroboam ay nabigo dahil sa patnubay ng Diyos at kalahating milyon sa kaniyang mga tauhan ang napatay, sa gayon ay naigupo ang lakas-militar ni Jeroboam. Nabihag maging ang lunsod ng Bethel, kung saan inilagay ang isa sa karima-rimarim na mga ginintuang guya kasama ang isang apostatang pagkasaserdote. Naganap ang lahat ng ito dahil si Abias ay ‘sumandig kay Jehova.’ (2Cr 13:13-20) Gayunpaman, lumakad si Abias sa mga kasalanan ng kaniyang amang si Rehoboam sa pamamagitan ng pagpapahintulot na manatili sa lupain ang matataas na dako, mga sagradong haligi, at maging ang mga lalaking patutot sa templo. “Ang kaniyang puso ay hindi naging sakdal kay Jehova na kaniyang Diyos.” (1Ha 14:22-24; 15:3) Noong nabubuhay siya, nagkaroon siya ng 14 na asawa at 38 anak, at pagkamatay niya, hinalinhan siya sa trono ng kaniyang anak na si Asa.—2Cr 13:21; 14:1.
6. Ang anak ni Haring Jeroboam I ng Israel na namatay noong siya’y nasa kabataan pa bilang hatol mula kay Jehova. Dahil sa pag-aapostata ni Jeroboam, sinimulang salutin ng kapighatian ang kaniyang sambahayan, lakip na ang malubhang sakit ng kabataang si Abias. Sa gayon ay pinagbalatkayo ni Jeroboam ang kaniyang reyna at isinugo ito upang sumangguni sa matanda na at bulag na propetang si Ahias sa Shilo. Ngunit hindi malilinlang si Jehova. Sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Ahias, ipinahayag ni Jehova na lilipulin Niya ang mga tagapagmanang lalaki ni Jeroboam “kung paanong inaalis ng isa ang dumi hanggang sa ito ay maitapon.” (1Ha 14:10; 15:25-30) Gayunman, si Abias ang tanging inapo ni Jeroboam na binigyan ng marangal na libing “sa dahilang isang bagay na mabuti kay Jehova” ang nasumpungan sa kaniya.—1Ha 14:1-18.
7. Ang asawa ni Haring Ahaz ng Juda at ina ni Haring Hezekias. Siya ay anak ni Zacarias. Sa 2 Hari 18:2 ang kaniyang pangalan ay pinaikli sa anyong Abi.—2Cr 29:1.
8. Isa sa mga ulo ng pamilya ng mga saserdote noong mga araw nina Zerubabel at Jesua pagkatapos ng pagkatapon sa Babilonya. Si Abias ay nakatalang kabilang sa mahigit na 20 “ulo ng mga saserdote at ng kanilang mga kapatid” na bumalik sa Jerusalem kasama ni Zerubabel. (Ne 12:1-7) Malamang na naroon siya nang ilatag ang pundasyon ng templo noong ikalawang taon nang muling organisahin ang makasaserdoteng mga paglilingkod. (Ezr 3:8-10) Pagkalipas ng isang salinlahi, noong mga araw nina Joiakim at Nehemias, ang makasaserdoteng pamilya ni Abias ay kinatawanan ni Zicri.—Ne 12:12, 17, 26.
9. Isang saserdote, o ang ninuno ng isang saserdote, na nakibahagi sa pagtatatak sa “mapagkakatiwalaang kaayusan” o resolusyon para kay Jehova noong mga araw ni Nehemias. (Ne 9:38–10:8) Kung ito rin ang Abias sa Blg. 8, gaya ng ipinapalagay ng ilan, mangangahulugan ito na mahigit na siya sa 100 taóng gulang.