Abiel
[Ang (Aking) Ama ay Diyos].
1. Isang anak ni Zeror, at inapo ni Becorat at ni Afias, mula sa tribo ni Benjamin. Kung ihahambing ang 1 Cronica 8:29-33 at 9:35-39 sa 1 Samuel 9:1, 2 at 14:50, 51, makikita natin na si Abiel ay tinatawag ding “Jeiel” sa ulat ng Cronica, yamang si Jeiel ay itinatala roon bilang ama ni Ner, na naging ama ni Kis, na ama naman ni Saul. Ipinakikita rin ng 1 Samuel 14:50, 51 na si Abiel (o Jeiel) ay ama ni Ner. Ipinahihiwatig ng ulat sa Cronica na si Jeiel (o Abiel) ay may siyam na iba pang mga anak, na ang isa ay nagngangalang Kis, at sa gayon ang nakatatandang Kis na ito ay tiyo ng anak ni Ner na may pangalan ding Kis.
Kung ipapalagay na ang Abiel at Jeiel ay mga pangalan ng iisang tao, makabubuo tayo ng isang talaangkanan gaya ng makikita sa tsart na ito.
[Tsart]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Afias (isang inapo ni Benjamin)
Becorat
Zeror
Abiel o Jeiel
Abdon Zur Kis Baal Ner Nadab Gedor Ahio Zacarias Miklot
(Zeker)
Kis Abner
Saul
Kaya kapag nabasa natin sa 1 Samuel 9:1 na si Kis (samakatuwid nga, ang ikalawang Kis, ang ama ni Saul) ay “anak ni Abiel,” nangangahulugan iyon na apo siya ni Abiel, gaya ng madalas na ginagawa sa mga talaangkanan sa Bibliya kapag inaalis sa mga ito ang isa o higit pang kawing. (Kaya bagaman binabanggit sa 1 Samuel 10:21 na kabilang sina Kis at Saul sa “pamilya ng mga Matrita,” ang pangalan ni Matri ay hindi lumilitaw sa mga ulat na ating isinasaalang-alang, ni sa iba pang bahagi ng Bibliya.)
Ang rekord ng 1 Cronica (8:33; 9:39) ay waring tiyakang tumutukoy kay Ner bilang ang tunay na ama ng ikalawang Kis, at maliwanag na ito ang mas espesipiko sa dalawang ulat.—Tingnan ang KIS Blg. 2 at 3.
2. Isa pang Benjamita.—Tingnan ang ABI-ALBON.