Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Abigail

Abigail

[Nagalak ang (Aking) Ama].

1. Isang asawa ni David. Dating asawa ng mayamang si Nabal na mula sa Maon, isang lunsod sa gilid ng Ilang ng Juda, sa K ng Dagat na Patay. (1Sa 25:2, 3; Jos 15:20, 55) Siya ay “may mabuting kaunawaan at maganda ang anyo,” samantalang ang kaniyang unang asawa, na ang pangalan ay nangangahulugang “Hangal; Mangmang,” ay “mabagsik at masasama ang kaniyang mga gawa.”

Pagkamatay ng propetang si Samuel, si David at ang kaniyang mga tauhan ay lumipat sa lugar kung saan pinapastulan ang mga kawan ng asawa ni Abigail. Mula noon, ang mga tauhan ni David ay naging gaya ng pananggalang na “pader” sa palibot ng mga pastol at mga kawan ni Nabal, gabi at araw. Kaya, nang dumating ang panahon ng paggugupit sa mga tupa, nagsugo si David sa Carmel ng ilang kabataang lalaki upang itawag-pansin kay Nabal ang mabuting paglilingkod na ginawa para sa kaniya at upang humiling ng handog na pagkain mula sa kaniya. (1Sa 25:4-8, 15, 16) Ngunit sinigawan sila ng mga panlalait ng maramot na si Nabal at ininsulto si David na para bang isa itong taong hamak, at ipinahiwatig pa na baka silang lahat ay mga takas na alipin. (1Sa 25:9-11, 14) Labis na ikinagalit ito ni David anupat ibinigkis niya ang kaniyang tabak at nanguna sa mga 400 lalaki patungong Carmel upang lipulin si Nabal at ang mga lalaki sa sambahayan nito.​—1Sa 25:12, 13, 21, 22.

Nang mabalitaan ni Abigail ang insidenteng ito mula sa isang nabagabag na lingkod, ipinakita niya ang kaniyang karunungan nang kaagad siyang magtipon ng sapat na suplay ng pagkain at butil at pagkatapos ay iniutos niya sa kaniyang mga lingkod na patiunang dalhin ang mga ito kay David, gaya ng ginawa ni Jacob bago siya nakipagkita kay Esau. (1Sa 25:14-19; Gen 32:13-20) Lingid sa kaalaman ng kaniyang asawa, si Abigail ay naglakbay sakay ng asno at nakipagkita kay David, at sa pamamagitan ng isang mahaba at marubdob na pakiusap, na nagpabanaag ng karunungan at lohika gayundin ng paggalang at kapakumbabaan, kinumbinsi niya si David na ang hangal na pananalita ng kaniyang asawa ay hindi dahilan upang magbubo ito ng dugo o hindi ito magtiwala na si Jehova mismo ang lulutas sa bagay na iyon sa tamang paraan. (1Sa 25:14-20, 23-31) Pinasalamatan ni David ang Diyos dahil sa katinuan at mabilis na pagkilos ng babaing ito.​—1Sa 25:32-35; ihambing ang Kaw 25:21, 22; 15:1, 2.

Pagbalik sa bahay, hinintay ni Abigail na mahimasmasan ang kaniyang asawa mula sa pagkalasing nito sa isang piging at pagkatapos ay ipinaalam niya rito ang kaniyang ginawa. Sa gayon ‘ang puso ni Nabal ay namatay sa loob niya, at siya mismo ay naging parang bato,’ at pagkaraan ng sampung araw ay pinangyari ni Jehova na mamatay siya. Nang makarating kay David ang balita, nagsugo siya kay Abigail upang alukin ito na magpakasal sa kaniya, na agad naman nitong tinanggap. Si Abigail ay naging isa sa mga asawa ni David, kasama ni Ahinoam, isang Jezreelita na mas naunang kinuha ni David bilang asawa. Ang unang asawa ni David, si Mical, ay naibigay na noon ng ama nito na si Saul sa ibang lalaki.​—1Sa 25:36-44.

Si Abigail ay kasama ni David sa Gat na nasa kanluraning gilid ng Sepela at nang dakong huli ay sa Ziklag na nasa HK ng Negeb. Noong minsang wala si David sa Ziklag, sinunog ito ng isang lumulusob na pangkat ng mga Amalekita mula sa T at tinangay ang lahat ng mga babae at mga bata, kasama sina Abigail at Ahinoam. Palibhasa’y tiniyak ni Jehova na magtatagumpay siya, pinangunahan ni David ang kaniyang mga tauhan sa pagtugis sa mga Amalekita at, sa isang biglaang pagsalakay, nadaig nila ang mga ito at nabawi ang mga bihag at mga pag-aari.​—1Sa 30:1-19.

Pagbalik sa Ziklag, pagkaraan ng tatlong araw, dumating ang balita na patay na si Saul. (2Sa 1:1, 2) Sa gayon ay sinamahan ni Abigail ang kaniyang asawa sa Hebron ng Juda, kung saan pinahiran si David bilang hari. Doon niya isinilang ang isang anak na lalaki, si Kileab (2Sa 3:3), na tinatawag ding Daniel sa 1 Cronica 3:1. Naging anim ang asawa ni David sa Hebron, at hindi na muling binanggit sa ulat si Abigail ni ang kaniyang anak.​—2Sa 3:2-5.

2. Isa sa dalawang kapatid na babae ni David. (1Cr 2:13-17) Ipinapalagay ng ilang iskolar na siya ay kapatid lamang ni David sa ina ngunit hindi sa ama. Sa 2 Samuel 17:25 ay tinatawag si Abigail na “anak ni Nahas.” Ayon sa tradisyong rabiniko, ang Nahas ay isa pang pangalan ni Jesse, ama ni David. Sa Griegong Septuagint (edisyon ni Lagarde), ang talatang ito ay kababasahan ng “Jesse” sa halip na “Nahas.” Ganito rin ang makikita sa maraming makabagong salin. (Tingnan ang AT; JB; NC [Kastila].) Gayunman, kapansin-pansin na sa ulat ng 1 Cronica 2:13-16 ay hindi tinatawag sina Abigail at Zeruias na ‘mga anak ni Jesse’ kundi sa halip ay “mga kapatid na babae” ng mga anak ni Jesse, kabilang na si David. Dahil dito, posible na ang kanilang ina ay napangasawa muna ng isang lalaki na nagngangalang Nahas, na dito ay ipinanganak niya sina Abigail at Zeruias bago siya naging asawa ni Jesse at ina ng mga anak nito. Samakatuwid, hindi tiyakang masasabi na si Abigail ay anak ni Jesse.​—Tingnan ang NAHAS Blg. 2.

Binabanggit na si Abigail na kapatid ni David ay nagsilang ng isa lamang anak na lalaki, si Amasa. Ang kaniyang asawa ay tinutukoy sa 2 Samuel 17:25 bilang si Itra na Israelita ngunit sa ibang teksto naman ay tinatawag itong Jeter (1Ha 2:5, 32) at sa 1 Cronica 2:17 ay tinutukoy ito bilang “si Jeter na Ismaelita.” (Tingnan ang JETER Blg. 6.) Posibleng si Abigail ay napangasawa ni Jeter noong panahong nananahanan si Jesse at ang pamilya nito sa lupain ng Moab. (1Sa 22:3, 4) Ang kaniyang anak na si Amasa ay hindi partikular na binanggit sa ulat noong panahong naghahari si David kundi noon na lamang maghimagsik si Absalom. Noon ay inatasan si Amasa ng kaniyang pinsang si Absalom bilang ulo ng mga hukbong sandatahan nito. Gayunpaman, pagkamatay ni Absalom, ang kapatid ni Abigail na si Haring David ay nakipagkasundo sa anak ni Abigail na si Amasa upang makakuha ng suporta para sa pagbabalik niya sa trono, at pagkatapos nito, inatasan niya si Amasa na maging kahalili ni Joab bilang ulo ng hukbo. (2Sa 19:11-14) Di-nagtagal, ang atas na ito ang naging dahilan ng pagkamatay ng anak ni Abigail sa mga kamay ng naghihinanakit na pinsan nito na si Joab.​—2Sa 20:4-10.