Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Abihu

Abihu

[Siya ay Ama].

Isa sa apat na anak ni Aaron sa kaniyang asawang si Elisheba; kapatid nina Nadab, Eleazar, at Itamar. (Exo 6:23; 1Cr 6:3; 24:1) Yamang ipinanganak sa Ehipto, si Abihu, bilang ikalawang anak ni Aaron, ay isa nang may-gulang na indibiduwal noong panahon ng Pag-alis, anupat ang kaniyang ama ay 83 taóng gulang noon.​—Bil 33:39.

Bilang nakatatandang mga anak, sina Nadab at Abihu ay pinahintulutan ni Jehova na sumama sa kanilang ama at sa 70 sa matatandang lalaki ng Israel sa pag-akyat sa isang bahagi ng Bundok Sinai upang doo’y makita nila mula sa malayo ang isang maringal na pangitain ng kaluwalhatian ng Diyos. (Exo 24:1, 9-11) Pinarangalan ni Jehova ang mga anak ni Aaron, anupat inatasan silang maglingkod bilang mga saserdote kasama ng kanilang ama na mataas na saserdote, at itinalagang sa kanila manggagaling ang magiging kahalili ni Aaron. Magsusuot sila ng pansaserdoteng mahahabang damit at mga kagayakan sa ulo “sa ikaluluwalhati at ikagaganda.” ‘Papahiran sila [ni Moises] at pupuspusin ng kapangyarihan ang kanilang kamay at pababanalin sila’ para sa paglilingkod nila sa Diyos. (Exo 28:1, 40-43) Ang pagkasaserdote ay mapapasakanila “bilang isang batas hanggang sa panahong walang takda.”​—Exo 29:8, 9.

Pagkatapos nito ay lagi na silang kasama sa mga tagubilin ng Diyos may kinalaman sa pagkasaserdote at sa mga tungkulin nito. (Exo 29:10-46; 30:26-38) Gayundin, mariing ipinaunawa ng Diyos sa kanila, maging sa buong bansa, ang kahalagahan ng paggalang sa kabanalan ng mga bagay na may kaugnayan sa pagsamba sa kaniya, kabilang na ang altar ng insenso at ang kasama nitong mga kasangkapan. Ang kanilang buhay ay nakasalalay sa paggalang nila sa mga tuntuning mula sa Diyos.

Pagkalipas ng isang taon mula sa pasimula ng Pag-alis, dumating ang panahon upang itayo ang tabernakulo at italaga ang pagkasaserdote (1512 B.C.E.). Ang buong bansa ay nagtipon sa harap ng pasukan ng tolda ng kapisanan para sa mga seremonya ng pagtatalaga at nakita nila sina Aaron at Abihu at ang kaniyang mga kapatid, nahugasan na at nakaturbante, nang pahiran ang mga ito bilang mga saserdote ng Diyos upang kumatawan sa bansa sa harap Niya. Pagkatapos nito, ang bagong-itinalagang mga saserdote ay nanatili sa pasukan ng tolda ng kapisanan sa loob ng pitong araw upang tapusin ang pagtatalaga sa kanila at, gaya ng sinabi ni Moises, “⁠‘upang mapuspos ng kapangyarihan ang inyong kamay.’ . . . At ginawa ni Aaron at ng kaniyang mga anak ang lahat ng bagay na iniutos ni Jehova sa pamamagitan ni Moises.”​—Lev 8:1-3, 13-36.

Nang ikawalong araw ay nagsimulang manungkulan si Aaron, katulong si Abihu at ang mga kapatid nito. (Lev 9:1-24) Nasaksihan nila ang maluwalhating pagtatanghal ng presensiya ng Diyos. Ngunit, maliwanag na bago matapos ang araw na iyon, sinasabi ng ulat na “kinuha at dinala [nina] Nadab at Abihu ang kani-kaniyang lalagyan ng apoy at nilagyan nila ng apoy ang mga iyon at nilagyan nila iyon ng insenso, at nagsimula silang maghandog sa harap ni Jehova ng kakaibang apoy, na hindi niya iniutos sa kanila. Dahil dito ay may lumabas na apoy mula sa harap ni Jehova at tinupok sila, anupat namatay sila sa harap ni Jehova.” (Lev 10:1, 2) Sa utos ni Moises, ang kanilang mga bangkay ay dinala ng mga pinsan ni Aaron sa labas ng kampo. Ang kanilang ama at natitirang mga kapatid ay tinagubilinan ng Diyos na huwag magpakita ng anumang pamimighati dahil sa pagkalipol nila mula sa kongregasyon.​—Lev 10:4-7.

Karaka-raka pagkatapos nito, binabalaan ng Diyos si Aaron at ang kaniyang mga anak na huwag uminom ng nakalalangong inumin kapag naglilingkod sila sa tabernakulo, “upang hindi kayo mamatay.” Bilang komento sa talata 9, sinasabi ng The Pentateuch and Haftorahs: “Iniugnay ng mga Rabbi ang insidente hinggil kina Nadab at Abihu sa utos na ito laban sa pag-inom ng mga nakalalangong inumin bago manungkulan sa Santuwaryo.” (Inedit ni J. H. Hertz, London, 1972, p. 446) Kaya maaaring kasangkot sa kanilang malubhang pagkakasala ang pagkalango, ngunit ang talagang sanhi ng kanilang kamatayan ay ang paglabag sa kahilingan ng Diyos para sa dalisay na pagsamba nang maghandog sila ng “kakaibang apoy, na hindi niya iniutos sa kanila.”

Sa loob ng maikling panahon ay nagtaglay si Abihu ng malaking karangalan mula sa Diyos at ng namumukod-tanging katanyagan sa harap ng buong bansa. Ngunit, dahil man sa ambisyon, kapalaluan, o pagwawalang-bahala sa mga tagubilin ng Diyos, ang kaniyang mga pribilehiyo ay hindi nagtagal, at namatay siyang walang anak.​—Bil 3:2-4; 26:60, 61; 1Cr 24:1, 2.