Abimelec
[Ang Aking Ama ay Hari].
Maaaring isang personal na pangalan o isang opisyal na titulo ng ilang haring Filisteo, marahil ay katulad ng titulong Paraon sa mga Ehipsiyo at Cesar sa mga Romano.
1. Ang hari ng lunsod ng Gerar, kung saan pansamantalang nanahanan sina Abraham at Sara noong mga 1919 B.C.E. Sa pag-aakalang ang dalawa ay magkapatid, kinuha niya si Sara upang maging kaniyang asawa ngunit, dahil sa paghadlang ng Diyos, hindi niya ito ginalaw. Nang babalaan ni Jehova ang hari sa isang panaginip, ibinalik niya si Sara kay Abraham lakip ang kabayaran na mga alagang hayop at mga alipin at nagbigay din siya ng isang libong siklong pilak (mga $2,200) bilang garantiya ng kalinisang-puri ni Sara. Pagkalipas ng ilang panahon, ang haring ito ay nakipagtipan kay Abraham sa Beer-sheba ng isang tipan ng kapayapaan at pagtitiwala sa isa’t isa.—Gen 20:1-18; 21:22-34.
2. Posibleng isa pang hari ng Gerar nang panahong magpunta roon si Isaac dahil sa isang taggutom. Naganap ito pagkamatay ni Abraham noong 1843 B.C.E. Tulad ng kaniyang amang si Abraham, tinangka ni Isaac na ipakilala si Rebeka bilang kaniyang kapatid, ngunit nang di-sinasadyang matuklasan ng hari na asawa pala ito ni Isaac, nagpalabas siya ng isang batas na nagbibigay sa kanila ng proteksiyon. Gayunman, kinainggitan ng mga tao ang bigay-Diyos na kasaganaan ni Isaac, kung kaya hiniling ng hari na lisanin niya ang lugar na iyon. Pagkalipas ng ilang panahon, ang haring ito ay nakipagtipan kay Isaac ng isang tipan ng kapayapaan na katulad ng tipan kay Abraham ng mas naunang hari ng Gerar.—Gen 26:1-31.
3. Ang Filisteong hari ng lunsod ng Gat noong mga araw ni David.—Aw 34:Sup; tingnan ang AKIS.
4. Isang anak ni Hukom Gideon na isinilang ng kaniyang babae sa Sikem. Pagkamatay ni Gideon, hinangad ng pangahas na si Abimelec na
maging hari. May-katusuhan siyang namanhik sa mga may-ari ng lupain sa Sikem sa pamamagitan ng maimpluwensiyang pamilya ng kaniyang ina. Nang makuha ang kanilang pinansiyal na suporta, umupa siya ng ilang maton, pumaroon sa bahay ng kaniyang ama sa Opra, at doon ay pinagpapatay ang kaniyang mga kapatid sa ama sa ibabaw ng isang bato. Sa 70 magkakapatid sa ama, tanging ang bunso na si Jotam ang nakaligtas sa lansakang pagpatay.Pagkatapos ay ipinroklama si Abimelec bilang hari, ngunit hinayaan ni Jehova na magkaroon ng isang masamang espiritu sa pagitan ng mga Sikemita at ng kanilang bagong “hari,” upang maipaghiganti ang pagkakasala sa dugo ng lahat ng kasangkot sa sabuwatan. Isang paghihimagsik ang inorganisa ni Gaal. Kaagad itong sinugpo ni Abimelec, binihag niya at winasak ang lunsod ng Sikem, at hinasikan niya iyon ng asin. Pagkatapos ay nilusob niya ang kuta ng bahay, o santuwaryo, ni El-berit at sinilaban iyon, at ang namatay sa sunog ay mga isang libo sa kaniyang mga dating kasabuwat, ang mga may-ari ng lupain sa tore ng Sikem na nanganlong doon. Kaagad pagkatapos ng tagumpay na ito, nilusob ni Abimelec ang Tebez sa H, ngunit isang babae sa tore ng lunsod ang naghulog ng isang pang-ibabaw na gilingang-bato sa kaniyang ulo. Nagwakas ang tatlong-taóng ‘paghahari’ ni Abimelec nang ulusin siya ng tabak ng kaniyang tagapagdala ng baluti, bilang pagsunod sa kaniyang huling kahilingan, upang hindi masabi na isang babae ang nakapatay sa kaniya.—Huk 8:30, 31; 9:1-57; 2Sa 11:21.
5. Ang tekstong Masoretiko, na sinunod ng King James Version, ay kababasahan ng “Abimelec” sa 1 Cronica 18:16. Ang Griegong Septuagint, Latin na Vulgate, Syriac na Peshitta, at 12 manuskritong Hebreo ay kababasahan naman ng “Ahimelec,” na kaayon ng 2 Samuel 8:17.