Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Abinadab

Abinadab

[Ang Ama ay Nakahanda (Marangal; Bukas-palad)].

1. Isang tumatahan sa lunsod ng Kiriat-jearim sa teritoryo ng Juda mga 14 na km (8.5 mi) sa KHK ng Jerusalem. Sa kaniyang tahanan pinanatili ang kaban ng tipan sa loob ng ilang panahon.

Nang iahon ang sagradong Kaban mula sa Bet-semes pagkatapos ng kapaha-pahamak na pitong-buwang pananatili nito sa gitna ng mga Filisteo, inilagak ito sa tahanan ni Abinadab, at pinabanal ang kaniyang anak na si Eleazar upang magbantay sa Kaban. Sa tahanang iyon nanatili ang Kaban nang mga 70 taon, hanggang noong isaayos ni David na ilipat ito sa Jerusalem. Noong inililipat ito, ang isa pa sa mga anak ni Abinadab, si Uzah, ay kaagad na namatay nang lumagablab ang galit ni Jehova laban sa kaniya, dahil sa kaniyang paghipo sa Kaban na isang paglabag sa utos sa Bilang 4:15.​—1Sa 6:20–7:1; 2Sa 6:1-7; 1Cr 13:6-10.

2. Ang ikalawang anak ni Jesse, at isa sa tatlong nakatatandang kapatid ni David na humayo sa pakikidigma kasama ni Saul laban sa mga Filisteo.​—1Sa 16:8; 17:13.

3. Isa sa mga anak ni Haring Saul na napatay ng mga Filisteo sa Bundok Gilboa.​—1Sa 31:2; 1Cr 9:39.

4. Ang ama ng isa sa 12 kinatawan ni Haring Solomon na tagapaglaan ng pagkain sa hari. Ang kinatawang ito na “anak ni Abinadab,” na tinatawag ding Ben-abinadab, ay napangasawa ng anak ni Solomon na si Tafat, at inatasang maglaan ng pagkain isang buwan sa isang taon mula sa buong tagaytay ng bundok ng Dor, para sa sambahayan ni Solomon.​—1Ha 4:7, 11.