Abisag
Isang kabataang dalaga mula sa bayan ng Sunem, na nasa H ng Jezreel at Bundok Gilboa, sa teritoryo ng Isacar. (Jos 19:17-23) Siya ay “sukdulan sa ganda” kung kaya napili siya ng mga lingkod ni David upang maging tagapag-alaga at kasama ng hari sa nalalabing bahagi ng buhay nito.—1Ha 1:1-4.
Si David ay mga 70 taóng gulang na noon (2Sa 5:4, 5), at palibhasa’y mahina na, wala nang gaanong init ang katawan nito. Pinagsisilbihan ito ni Abisag kung araw, anupat walang alinlangang nagiging kaayaaya ang kapaligiran dahil sa kasariwaan ng kaniyang kabataan at sa kaniyang kagandahan, at kung gabi naman ay ‘humihiga siya sa dibdib ng hari’ upang painitin ito, ngunit “ang hari ay hindi nakipagtalik sa kaniya.” Gayunpaman, ang saloobing ipinamalas ni Solomon nang dakong huli may kinalaman kay Abisag ay nagpapahiwatig na itinuturing siyang isang asawa o babae ni David. Dahil dito, ayon sa alituntunin sa sinaunang Silangan, magiging pag-aari siya ng tagapagmana ni David pagkamatay nito.
Ang ulat may kinalaman kay Abisag ay sinundan kaagad ng ulat tungkol sa pagtatangka ni Adonias, malamang na ang pinakamatandang nabubuhay na anak ni David noon, na agawin ang korona. Waring inayos nang gayon ang ulat upang maunawaan ang pagkilos na isinagawa ni Adonias nang dakong huli noong naghahari na si Solomon. Pagkaluklok sa trono, pinatawad ni Solomon si Adonias sa kundisyon na magpapakabuti na siya. Pagkatapos nito, hinikayat ni Adonias ang ina ni Solomon, si Bat-sheba, na hilingin kay Solomon na ibigay sa kaniya si Abisag upang maging kaniyang asawa. Palibhasa’y kumbinsido si Solomon na ang kahilingan ni Adonias ay hindi lamang dahil sa kagandahan ni Abisag kundi isa ring tusong pagsisikap na patibayin ang pag-aangkin ni Adonias sa trono, nagalit siya, pinawalang-bisa niya ang pagpapatawad kay Adonias, at iniutos niyang patayin ito. (1Ha 2:13-25) Wala nang binanggit pa tungkol kay Abisag, ngunit malamang na naging isa siya sa mga asawa o babae ni Solomon.—Tingnan ang ADONIAS Blg. 1.