Abner
[Ang Ama ay Isang Lampara].
Anak ni Ner, mula sa tribo ni Benjamin. Sa 1 Samuel 14:50, 51 ay maliwanag na tinutukoy si Abner bilang “tiyo ni Saul,” bagaman ang pariralang ito sa Hebreo ay maaaring iugnay kay Abner o kay Ner, na kaniyang ama. Tinukoy ni Josephus si Abner bilang pinsan ni Saul, at ang kani-kanilang ama, sina Ner at Kis, bilang magkapatid. (Jewish Antiquities, VI, 129, 130 [vi, 6]) Gayunman, waring mas ipinakikita ng kinasihang kasaysayan sa 1 Cronica 8:33 at 9:39 na si Kis ay anak ni Ner at samakatuwid ay kapatid siya ni Abner. Dahil dito, lumilitaw na si Abner ay tiyo ni Saul.—Tingnan din ang tsart sa ilalim ng ABIEL Blg. 1.
Naglingkod si Abner bilang pinuno ng hukbo para kay Saul, at kung minsan ay umaabot sa napakalaking bilang ang kaniyang hukbong pandigma, mahigit sa 200,000 lalaki. (1Sa 15:4) Sa pantanging mga okasyon ay umuupo siya sa tabi ng hari sa mesa ng piging. (1Sa 20:25) Bagaman walang alinlangang si Abner ay isang makapangyarihan at magiting na lalaki, pinagalitan siya ni David noong si David ay isang takas sa Ilang ng Zip dahil hindi niya nabantayang mabuti si Saul bilang ang kaniyang panginoon at “ang pinahiran ni Jehova.”—1Sa 26:14-16.
Pagkamatay ni Saul sa masaklap na pagkatalo sa kamay ng mga Filisteo, si Abner ay tumawid ng Jordan patungong Mahanaim sa Gilead, at isinama niya ang anak ni Saul na si Is-boset. Bagaman si David ay naiproklamang hari sa Hebron ng tribo ni Juda, itinalaga pa rin ni Abner si Is-boset bilang karibal na hari sa Mahanaim. Malinaw na si Abner ang may hawak ng kapangyarihang kumokontrol sa trono at sa kalaunan ay natamo niya para kay Is-boset ang suporta ng lahat ng tribo maliban sa Juda.—2Sa 2:8-10.
Nang maglaon, ang mga hukbo ng dalawang naglalabanang hari ay nagtagpo upang magkasubukan ng lakas sa Tipunang-tubig ng Gibeon sa teritoryo ng Benjamin, mga isang katlo ng distansiya mula sa Hebron hanggang sa Mahanaim. Pagkatapos na magkilatisan ang dalawang hukbo, iminungkahi ni Abner ang isang labanan sa pagitan ng tig-isang dosenang kabataang mandirigma mula sa bawat panig. Pantay na pantay ang lakas ng magkabilang panig anupat nagkaubusan silang lahat, na naging dahilan naman ng isang lansakang pagbabaka sa pagitan ng dalawang hukbo. Ang hukbo ni Abner ay namatayan ng 18 lalaki sa bawat isa na namatay sa mga kawal ni Joab at umurong patungo sa ilang.—2Sa 2:12-17, 30, 31.
Habang tinutugis si Abner ng matulin-tumakbong kapatid ni Joab na si Asahel, paulit-ulit niya itong hinihimok na bumaling na lamang sa iba upang hindi ito mamatay sa pakikipagsagupaan sa kaniya. Nang patuloy na tumanggi si Asahel, ubod-lakas na umulos si Abner nang patalikod at pinatay si Asahel sa pamamagitan ng puluhang dulo ng kaniyang sibat, na pinatagos niya sa tiyan nito. (2Sa 2:18-23) Dahil sa pamamanhik ni Abner, pinatigil ni Joab ang pagtugis nang magdapit-hapon na, at ang dalawang hukbo ay nagsimulang maglakad pabalik sa kani-kanilang kabisera. Makikita ang kanilang lakas sa 80 km (50 mi) o mahigit pa na nilakad ng mga hukbo ni Abner, palusong sa lunas ng Jordan, patawid sa ilog, pagkatapos ay paahon sa Libis ng Jordan hanggang sa mga burol ng Gilead, kung saan sila nagsimulang humayo patungong Mahanaim. Matapos ilibing si Asahel sa Betlehem (marahil ay nang sumunod na araw), ang mga tauhan ni Joab ay magdamag na naglakad nang mahigit sa 22 km (14 na mi) sa kabundukan patungong Hebron.—2Sa 2:29-32.
Sinuportahan ni Abner ang humihinang paghahari ni Is-boset ngunit pinalakas din niya ang kaniyang sariling katayuan, marahil ay dahil sa paghahangad na maging hari, yamang kapatid naman siya ng ama ni Saul. Nang pagsabihan siya ni Is-boset dahil sa pagsiping niya sa isa sa mga babae ni Saul (isang gawa na ipinahihintulot lamang sa tagapagmana ng namatay na hari), galít na ipinahayag ni Abner ang paglipat niya sa panig ni David. (2Sa 3:6-11) Nagharap siya ng panukala kay David, anupat idiniin ang kaniyang sariling katayuan bilang halos tagapamahala na rin ng Israel maliban sa Juda. Pagkatapos niyang matugunan ang kahilingan ni David na ibalik ang asawa nito na si Mical, nilapitan naman ni Abner nang sarilinan ang mga ulo ng 11 tribo na nahiwalay sa Juda upang himukin silang sumuporta sa haring inatasan ni Jehova, si David. (2Sa 3:12-19) Pagkatapos nito, magiliw siyang tinanggap ni David sa kabisera nito sa Hebron, at nang mismong araw na iyon ay humayo siya upang hikayatin ang lahat ng tribo na makipagtipan kay David. Ngunit pagkabalik naman ni Joab mula sa isang paglusob, tinuligsa niya si Abner bilang isang nakikipagsabuwatang tiktik, at pagkatapos ay personal niyang pinabalik si Abner at nilinlang niya ito upang malagay ito sa situwasyon na doo’y maaari niya itong patayin.—2Sa 3:20-27.
Nang mamatay si Abner, gumuho ang anumang inaasahang suporta para kay Is-boset at di-nagtagal ay pinaslang siya ng mga lalaking traidor. Sa ganito lubusang nagwakas ang pamamahala ng sambahayan ni Saul.—2Sa 4:1-3, 5-12.
Pagkalipas ng maraming taon, nang malapit na ring mamatay si David, naalaala niya ang pagkamatay ni Abner (gayundin ang kay Amasa) at iniatang niya kay Solomon ang pananagutang alisin ang bahid ng pagkakasala sa dugo na dinala ni Joab sa sambahayan ni David. (1Ha 2:1, 5, 6) Di-nagtagal pagkatapos nito, ang pumatay kay Abner, si Joab, ay pinatay sa utos ni Solomon.—1Ha 2:31-34.
Isang anak lamang ni Abner ang nakatala sa Kasulatan, si Jaasiel, na isang lider sa tribo ni Benjamin noong naghahari si David. (1Cr 27:21) Binabanggit din sa 1 Cronica 26:28 ang mga abuloy ni Abner para sa tabernakulo mula sa mga samsam na nakuha niya bilang pinuno ng hukbo.