Abo
Ang termino na madalas gamitin sa Kasulatan upang tumukoy sa labí ng mga bagay na nasunog, na kalimita’y may makasagisag o makalarawang kahulugan. Ang salitang “abo” ay isinalin mula sa dalawang salitang Hebreo. Ang isa (ʼeʹpher; Bil 19:9) ay isinasalin din bilang “alabok.” (Mal 4:3) Ang deʹshen naman, bukod sa tumutukoy sa “abo ng taba,” ay maaari ring mangahulugang “katabaan.” (Lev 1:16; Isa 55:2) Ang pangngalang Griego na spo·dosʹ ay nangangahulugang “abo” (Mat 11:21), samantalang ang pandiwang te·phroʹo naman ay nangangahulugang “pagpapaging-abo.” (2Pe 2:6) Maaari ring tawaging alabok (ʽa·pharʹ) ang labí ng bagay na nasunog.—Bil 19:17; 2Ha 23:4.
Bawat araw, inaalis ng isang Levitikong saserdote ang abo ng taba (deʹshen) na labí ng mga haing hayop na sinunog sa ibabaw ng altar at dinadala niya iyon sa “isang dakong malinis sa labas ng kampo.” (Lev 6:9-11) Gayundin, ayon sa Bilang kabanata 19, isang malusog na pulang baka na walang kapintasan at hindi pa napapatungan ng pamatok ang pinapatay at sinusunog sa labas ng kampo. Ang abo ng “handog [na ito] ukol sa kasalanan” ay inilalagay sa isang dakong malinis sa labas ng kampo, (Bil 19:9) sa gayon ay maaaring kumuha ng ilang bahagi niyaon upang ihalo sa tubig na iwiwisik sa mga tao o mga bagay na marurumi para sa pagpapadalisay sa mga ito. (Bil 19:17) Tinukoy ng apostol na si Pablo ang makasagisag na paglilinis ng laman sa pamamagitan ng “abo [sa Gr., spo·dosʹ] ng dumalagang baka” upang itampok ang lubhang nakahihigit na paglilinis ng “mga budhi mula sa patay na mga gawa” na nagiging posible sa pamamagitan ng “dugo ng Kristo.”—Heb 9:13, 14.
May binabanggit sa Jeremias 31:40 na “mababang kapatagan ng mga bangkay at ng abo ng taba [wehad·deʹshen],” na lumilitaw na isang bahagi ng libis ng anak ni Hinom. Halos hindi pa natatagalan, isang bunton ng abo ang naging pamilyar na palatandaan ng isang lugar malapit sa Libis ng Kidron. Sinasabing iyon ay mga 150 m ang haba, 60 m ang lapad, at 18 m ang taas (490 × 200 × 60 piye) at ipinapalagay ng ilan na iyon ang lugar na binanggit ni Jeremias. Bago gawin ni Josias na di-karapat-dapat sa pagsamba ang Topet na nasa libis ng anak ni Hinom (2Ha 23:10), maaaring isang bahagi ng libis na iyon ang ginawang tapunan ng abo ng sinunog na mga hain. (Lev 4:12) Gayunman, maaaring itinatapon din noon sa libis na iyon ang mga bangkay ng mga hayop at ng napakasasamang kriminal, at maaaring kasama pa nga sa buntong iyon ang abo ng mga taong inihain sa mga ritwal ng huwad na relihiyon.—Jer 32:35.
Noong panahon ng Bibliya, kaugalian nang sunugin ang nabihag na mga lunsod, anupat ang ‘pagpapaging-abo sa isang lugar’ ay nagpapahiwatig na lubusan itong pinuksa, gaya ng makikita sa kaso ng Tiro, Sodoma, at Gomorra.—Eze 28:18; 2Pe 2:6.
Ang abo ay nagsilbi ring sagisag ng bagay na walang halaga o walang kabuluhan; halimbawa, kinilala ni Abraham sa harap ni Jehova, “Ako ay alabok at abo.” (Gen 18:27; tingnan din ang Isa 44:20; Job 30:19.) At inihalintulad ni Job ang mga pananalita ng kaniyang mga bulaang mang-aaliw sa “mga kawikaang abo.”—Job 13:12.
Noong panahon ng Bibliya, kaugalian nang umupo sa abo o magsaboy nito sa sarili bilang sagisag ng pagdadalamhati, kahihiyan, at pagsisisi. (Es 4:1-3; Jer 6:26; 2Sa 13:19) Sa makasagisag na paraan, ang matinding kahapisan at kapighatian ay iniuugnay sa ‘pagkain ng abo’ (Aw 102:9), at ang napipighating si Job ay umupo “sa abo.”—Job 2:8.
Kung minsan, ang telang-sako at abo ay iniuugnay sa pag-aayuno, pagtangis, o kalumbayan. (Es 4:3; Isa 58:5; Eze 27:30, 31; Dan 9:3) Ang isang halimbawa ng bansa na nakadama ng kahihiyan at pagsisisi noong mga araw ni Jonas ay ang Nineve, anupat pati ang hari nito ay nagdamit ng telang-sako at umupo sa abo. (Jon 3:5, 6) Binanggit ni Jesu-Kristo ang tungkol sa pagsisisi na may telang-sako at abo (Mat 11:21), at bilang sagot kay Jehova, buong-pamimighating sinabi ni Job: “Ako ay nagsisisi sa alabok at abo.”—Job 42:6.
Noong panahon ng 70-taóng pagkatiwangwang ng Juda, ipinagdalamhati ng mga Judio sa Babilonya ang pagkatiwangwang ng Sion o Jerusalem at ng templo nito. Ngunit sa pamamagitan ni Isaias, tiniyak sa kanila na sa tulong ng kapangyarihan ng espiritu ni Jehova, may isasagawang pagkilos “upang magtalaga sa mga nagdadalamhati dahil sa Sion, upang magbigay sa kanila ng putong kahalili ng abo.” Ikinapit ni Jesu-Kristo sa kaniyang sarili ang Isaias 61:1-3 yamang siya ang Mesiyanikong Tagapagpalaya na gagamitin upang pawiin ang mas matinding espirituwal na pagkatiwangwang at pagdadalamhati. (Luc 4:16-21) Inihula rin na ang mga balakyot ay magiging gaya ng dinurog at tulad-alabok na abo sa pangmalas ng mga matuwid, sapagkat sumulat si Malakias: “‘At yayapakan ninyo ang mga balakyot, sapagkat sila ay magiging gaya ng alabok [ʼeʹpher] sa ilalim ng mga talampakan ng inyong mga paa sa araw ng aking pagkilos,’ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo.”—Mal 4:3.