Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Abraham

Abraham

[Ama ng Pulutong (Karamihan)].

Ang pangalang ibinigay ni Jehova kay Abram (nangangahulugang “Ang Ama ay Mataas (Dinakila)”) nang siya ay 99 na taóng gulang na, at nang muling pagtibayin ng Diyos ang Kaniyang pangako na darami ang supling ni Abraham.​—Gen 17:5.

Pamilyang Pinagmulan at Maagang Kasaysayan. Si Abraham ang ikasampung salinlahi mula kay Noe sa pamamagitan ni Sem at ipinanganak siya 352 taon pagkaraan ng Delubyo, noong 2018 B.C.E. Sa Genesis 11:26, bagaman si Abraham ang unang nakatala sa tatlong anak ni Tera, hindi siya ang panganay. Ipinakikita ng Kasulatan na si Tera ay 70 taóng gulang nang isilang ang kaniyang unang anak, at na isinilang si Abraham pagkaraan ng 60 taon nang ang kaniyang amang si Tera ay 130 taóng gulang na. (Gen 11:32; 12:4) Maliwanag na unang itinala si Abraham sa mga anak ng kaniyang ama dahil sa kaniyang namumukod-tanging katapatan at pagiging prominente sa Kasulatan, isang kaugalian na sinunod din sa kaso ng iba pang namumukod-tanging mga taong may pananampalataya na gaya nina Sem at Isaac.​—Gen 5:32; 11:10; 1Cr 1:28.

Si Abraham ay isang katutubo ng Caldeong lunsod ng Ur, isang maunlad na metropolis na nasa lupain ng Sinar, malapit sa pinagsasalubungan ng mga ilog ng Eufrates at ng Tigris sa kasalukuyan. Ito ay mga 240 km (150 mi) sa TS ng dating maharlikang lunsod ni Nimrod na Babel, o Babilonya, na lubhang napabantog dahil sa Tore ng Babel na hindi natapos.

Noong panahon ni Abraham, talamak sa lunsod ng Ur ang maka-Babilonyang idolatriya at ang pagsamba sa patron nitong diyos-buwan na si Sin. (Jos 24:2, 14, 15) Gayunpaman, si Abraham ay napatunayang isang taong may pananampalataya sa Diyos na Jehova, gaya ng kaniyang mga ninunong sina Sem at Noe; at dahil dito, nagkaroon siya ng reputasyon bilang “ama ng lahat niyaong may pananampalataya samantalang nasa di-pagtutuli.” (Ro 4:11) Yamang ang tunay na pananampalataya ay nakasalig sa tumpak na kaalaman, maaaring natamo ni Abraham ang kaniyang kaunawaan sa pamamagitan ng personal na pakikisama kay Sem (ang kanilang buhay ay nagpang-abot nang 150 taon). Alam ni Abraham ang pangalan ni Jehova at ginamit niya ito; sinabi niya: “Jehova na Kataas-taasang Diyos, na Maygawa ng langit at lupa,” “Jehova, ang Diyos ng langit at ang Diyos ng lupa.”​—Gen 14:22; 24:3.

Samantalang naninirahan pa si Abraham sa Ur, “bago siya nanahanan sa Haran,” inutusan siya ni Jehova na lumipat sa ibang lupain, anupat iiwanan niya ang kaniyang mga kaibigan at mga kamag-anak. (Gaw 7:2-4; Gen 15:7; Ne 9:7) Sa lupaing iyon na ipakikita Niya kay Abraham, sinabi ng Diyos na gagawa Siya ng isang dakilang bansa mula sa kaniya. Nang panahong iyon, asawa ni Abraham si Sara na kaniyang kapatid sa ama, ngunit wala silang anak at pareho silang matanda na. Dahil dito, kailangan niya ng malaking pananampalataya upang sumunod, ngunit sumunod pa rin siya.

Si Tera, na noon ay mga 200 taóng gulang na at siya pa ring patriyarkang ulo ng pamilya, ay sumang-ayong sumama kina Abraham at Sara sa mahabang paglalakbay na iyon, at ito ang dahilan kung bakit si Tera bilang ama ang kinikilalang nanguna sa paglipat sa Canaan. (Gen 11:31) Lumilitaw na ang ulila-sa-ama na si Lot, na pamangkin ni Abraham, ay inampon ng kaniyang walang-anak na tiyo at tiya kung kaya sumama siya sa kanila. Lumikas patungong hilagang-kanluran ang pulutong na ito, mga 960 km (600 mi), hanggang sa makarating sila sa Haran, na isang mahalagang himpilan sa mga ruta ng kalakalan na mula S patungong K. Ang Haran ay matatagpuan sa salubungan ng dalawang wadi (agusang libis) na nagiging isang batis na umaabot hanggang sa Ilog Balikh kapag taglamig, mga 110 km (68 mi) sa dakong itaas kung saan bumubuhos ang Balikh sa Ilog Eufrates. Dito nanatili si Abraham hanggang sa pagkamatay ng kaniyang amang si Tera.​—MAPA, Tomo 1, p. 330.

Pakikipamayan sa Canaan. Noong 75 taóng gulang na si Abraham, inilipat niya ang kaniyang sambahayan mula sa Haran patungo sa lupain ng Canaan, kung saan siya nanirahan sa mga tolda bilang isang banyaga at nandarayuhang residente sa nalalabing isang daang taon ng kaniyang buhay. (Gen 12:4) Pagkamatay ng kaniyang amang si Tera, nilisan ni Abraham ang Haran noong 1943 B.C.E. at tinawid ang Ilog Eufrates, malamang na noong ika-14 na araw ng buwan na nang maglaon ay tinawag na Nisan. (Gen 11:32; Exo 12:40-43, LXX) Nang panahong iyon nagkabisa ang tipan sa pagitan ni Jehova at ni Abraham, at nagsimula ang 430-taóng yugto ng pansamantalang paninirahan hanggang noong ipakipagtipan sa Israel ang tipang Kautusan.​—Exo 12:40-42; Gal 3:17.

Dala ang kaniyang mga kawan at mga bakahan, maliwanag na naglakbay si Abraham nang pababa sa Damasco at nagpatuloy patungong Sikem (matatagpuan 48 km [30 mi] sa H ng Jerusalem), malapit sa malalaking punungkahoy ng More. (Gen 12:6) Dito muling nagpakita si Jehova kay Abraham, at pinagtibay at pinalawak niya ang kaniyang tipang pangako sa pagsasabi: “Sa iyong binhi ay ibibigay ko ang lupaing ito.” (Gen 12:7) Hindi lamang doon nagtayo si Abraham ng altar para kay Jehova kundi, sa paglalakbay niya sa lupain patungong timog, nagtayo rin siya ng iba pang mga altar sa kaniyang mga dinaraanan, at tumawag siya sa pangalan ni Jehova. (Gen 12:8, 9) Nang maglaon, dahil sa isang matinding taggutom, napilitan si Abraham na pansamantalang lumipat sa Ehipto, at upang maprotektahan ang kaniyang buhay, ipinakilala niya si Sara bilang kaniyang kapatid. Dahil dito ay kinuha ni Paraon ang magandang si Sara at dinala ito sa kaniyang sambahayan upang maging kaniyang asawa, ngunit bago niya ito masipingan, pinangyari ni Jehova na ibalik ito ni Paraon. Pagkatapos ay bumalik si Abraham sa Canaan sa pinagkakampuhan nila sa pagitan ng Bethel at Ai at muling tumawag “sa pangalan ni Jehova.”​—Gen 12:10–13:4.

Dahil sa kanilang dumaraming mga kawan at mga bakahan, kinailangang maghiwalay nina Abraham at Lot. Pinili ni Lot ang lunas ng mababang Jordan, isang pook na natutubigang mainam “tulad ng hardin ni Jehova,” at nang maglaon ay nagtayo siya ng kampo malapit sa Sodoma. (Gen 13:5-13) Si Abraham naman, pagkatapos sabihan na libutin ang buong haba at lapad ng lupain, ay nanahanan sa gitna ng malalaking punungkahoy ng Mamre sa Hebron, 30 km (19 na mi) sa TTK ng Jerusalem.​—Gen 13:14-18.

Nang ang apat na magkakaalyadong hari, sa pangunguna ng Elamitang hari na si Kedorlaomer, ay magtagumpay sa pagsugpo sa paghihimagsik ng limang Canaanitang hari, ang Sodoma at Gomorra ay sinamsaman, at dinalang bihag si Lot at kinuha pati ang lahat ng kaniyang pag-aari. Nang malaman ito ni Abraham, kaagad niyang pinisan ang 318 sa kaniyang sinanay na mga lingkod sa sambahayan. Kasama ang kaniyang mga kakamping sina Aner, Escol, at Mamre, mainitan niya silang tinugis marahil hanggang sa layo na 300 km (190 mi) patungong hilaga lampas pa ng Damasco at, sa tulong ni Jehova, nagapi nila ang isang mas malakas na hukbo. Sa gayon ay nailigtas si Lot, at nabawi ang ninakaw na mga pag-aari. (Gen 14:1-16, 23, 24) Samantalang pabalik si Abraham mula sa malaking tagumpay na ito, isang “saserdote ng Kataas-taasang Diyos,” si Melquisedec, na siya ring hari ng Salem, ang lumabas at pinagpala siya nito, at si Abraham naman ay ‘nagbigay sa kaniya ng ikasampu ng lahat ng bagay.’​—Gen 14:17-20.

Paglitaw ng Ipinangakong Binhi. Yamang baog pa rin si Sara, waring si Eliezer, ang tapat na katiwala sa bahay na mula sa Damasco, ang magiging tagapagmana ni Abraham. Gayunpaman, muling tiniyak ni Jehova kay Abraham na ang sarili nitong supling ay darami anupat hindi mabibilang, gaya ng mga bituin sa langit, kung kaya si Abraham ay “nanampalataya kay Jehova; at ibinilang niya itong katuwiran sa kaniya,” bagaman naganap ito maraming taon pa bago tinuli si Abraham. (Gen 15:1-6; Ro 4:9, 10) Pagkatapos ay pinagtibay ni Jehova kay Abraham ang isang pormal na tipan sa pamamagitan ng mga haing hayop, at kasabay nito, isiniwalat niya na ang supling ni Abraham ay pipighatiin sa loob ng 400 taon, at dadalhin pa nga sa pagkaalipin.​—Gen 15:7-21; tingnan ang TIPAN.

Lumipas ang panahon. Mga sampung taon na silang nasa Canaan, ngunit baog pa rin si Sara. Kaya ibinigay niya kay Abraham ang kaniyang alilang babaing Ehipsiyo na si Hagar upang magkaanak siya sa pamamagitan nito. Pumayag si Abraham. Kaya noong 1932 B.C.E., nang si Abraham ay 86 na taóng gulang na, isinilang si Ismael. (Gen 16:3, 15, 16) Lumipas pa ang panahon. Noong 1919 B.C.E., nang si Abraham ay 99 na taóng gulang na, iniutos ni Jehova na tuliin ang lahat ng lalaki sa sambahayan ni Abraham bilang isang tanda o tatak na magiging patotoo ng kaniyang pantanging pakikipagtipan kay Abraham. Kasabay nito, pinalitan ni Jehova ang kaniyang pangalang Abram at ginawang Abraham, “sapagkat gagawin kitang ama ng pulutong ng mga bansa.” (Gen 17:5, 9-27; Ro 4:11) Di-nagtagal, tatlong anghel na nagkatawang-tao, na malugod na tinanggap ni Abraham sa pangalan ni Jehova, ang nangako na si Sara mismo ay maglilihi at magsisilang ng isang anak na lalaki sa loob ng darating na taon!​—Gen 18:1-15.

At talaga namang naging napakamakasaysayan ng taóng iyon! Pinuksa ang Sodoma at Gomorra anupat muntik nang hindi makaligtas ang pamangkin ni Abraham at ang dalawa nitong anak na babae. Lumipat sina Abraham at Sara sa Gerar, kung saan kinuha ng hari ng Filisteong lunsod na iyon si Sara para sa kaniyang harem. Namagitan si Jehova upang mapalaya si Sara, at sa takdang panahon, noong 1918 B.C.E., si Isaac, ang tagapagmanang matagal nang ipinangako, ay isinilang noong 100 taóng gulang na si Abraham at si Sara naman ay 90. (Gen 18:16–21:7) Pagkaraan ng limang taon, nang si Isaac ay tuksuhin ni Ismael na kaniyang 19-na-taóng-gulang na kapatid sa ama, napilitan si Abraham na paalisin si Ismael at ang ina nito na si Hagar. Nang panahong iyon, noong 1913 B.C.E., nagsimula ang 400 taon ng pagpighati sa supling ni Abraham.​—Gen 21:8-21; 15:13; Gal 4:29.

Ang pinakamatinding pagsubok sa pananampalataya ni Abraham ay dumating pagkaraan ng mga 20 taon. Ayon sa tradisyong Judio, si Isaac ay 25 taóng gulang na noon. (Jewish Antiquities, ni F. Josephus, I, 227 [xiii, 2]) Bilang pagsunod sa mga tagubilin ni Jehova, isinama ni Abraham si Isaac at naglakbay patungong H mula sa Beer-sheba sa Negeb patungo sa Bundok Moria, na nasa mismong H ng Salem. Doon ay nagtayo siya ng isang altar at naghanda siya upang ihandog si Isaac, ang ipinangakong binhi, bilang isang haing sinusunog. At talagang “para na ring inihandog [ni Abraham] si Isaac,” sapagkat “inisip niya na magagawa ng Diyos na ibangon siya kahit mula sa mga patay.” Noong mismong sandali na papatayin na ni Abraham si Isaac, pinigilan siya ni Jehova at naglaan ng isang barakong tupa bilang kahalili ni Isaac sa altar na paghahainan. Kaya ang matibay na pananampalatayang ito na sinusuhayan ng ganap na pagsunod ang nag-udyok kay Jehova na pagtibayin ang kaniyang tipan kay Abraham sa pamamagitan ng isang ipinanatang sumpa, isang pantanging legal na garantiya.​—Gen 22:1-18; Heb 6:13-18; 11:17-19.

Nang mamatay si Sara sa Hebron noong 1881 B.C.E. sa edad na 127, kinailangan ni Abraham na bumili ng loteng libingan, sapagkat isa lamang siyang naninirahang dayuhan na walang pag-aaring lupain sa Canaan. Kaya binili niya mula sa mga anak ni Het ang isang parang na may yungib sa Macpela malapit sa Mamre. (Gen 23:1-20; tingnan ang BINILI.) Pagkaraan ng tatlong taon, nang sumapit si Isaac sa edad na 40, pinabalik ni Abraham sa Mesopotamia ang kaniyang pinakamatandang lingkod, malamang na si Eliezer, upang humanap ng isang karapat-dapat na asawa, isa ring tunay na mananamba ni Jehova, para sa kaniyang anak. Ang napili ni Jehova ay si Rebeka, na apo ni Abraham sa pamangkin.​—Gen 24:1-67.

“Karagdagan pa, si Abraham ay muling kumuha ng asawa,” si Ketura, at nang maglaon ay nagkaanak pa siya ng anim na anak na lalaki, anupat kay Abraham nanggaling hindi lamang ang mga Israelita, mga Ismaelita, at mga Edomita kundi pati mga Medanita, mga Midianita, at iba pa. (Gen 25:1, 2; 1Cr 1:28, 32, 34) Sa gayon ay natupad kay Abraham ang makahulang pananalita ni Jehova: “Gagawin kitang ama ng pulutong ng mga bansa.” (Gen 17:5) Nang dakong huli, sa lubos na katandaan na 175 taóng gulang, si Abraham ay namatay noong 1843 B.C.E. at inilibing ng kaniyang mga anak na sina Isaac at Ismael sa yungib ng Macpela. (Gen 25:7-10) Bago siya mamatay, binigyan niya ng mga kaloob ang mga anak ng kaniyang mga pangalawahing asawa at pinaalis sila, upang si Isaac ang maging tanging tagapagmana ng “lahat ng kaniyang tinatangkilik.”​—Gen 25:5, 6.

Patriyarkang Ulo at Propeta. Si Abraham ay naging isang napakayamang tao na may malalaking kawan at bakahan, saganang pilak at ginto, at isang napakalaking sambahayan na may daan-daang lingkod. (Gen 12:5, 16; 13:2, 6, 7; 17:23, 27; 20:14; 24:35) Dahil dito ay itinuring siya ng mga hari ng Canaan bilang isang makapangyarihang “pinuno” at minabuti nilang makipagtipan sa kaniya para sa kapayapaan. (Gen 23:6; 14:13; 21:22, 23) Sa kabila nito, hindi kailanman pinahintulutan ni Abraham na panghinain ng materyalismo ang kaniyang pananampalataya kay Jehova at sa Kaniyang mga pangako o maging dahilan iyon upang siya’y maging palalo, mapagmataas, o sakim.​—Gen 13:9; 14:21-23.

Ang unang paglitaw ng salitang “propeta” sa Hebreong Kasulatan ay tumutukoy kay Abraham, bagaman ang iba tulad ni Enoc ay humula nang una sa kaniya. (Gen 20:7; Jud 14) Ang unang ipinakilala sa Kasulatan bilang isang “Hebreo” ay si Abraham. (Gen 14:13) Si Abraham, tulad nina Abel, Enoc, at Noe, ay isang taong may pananampalataya. (Heb 11:4-9) Ngunit ang unang paglitaw ng pananalitang “nanampalataya kay Jehova” ay tumutukoy kay Abraham.​—Gen 15:6.

Tunay nga, ang taong ito na may namumukod-tanging pananampalataya ay lumakad na kasama ng Diyos, tumanggap ng mga mensahe mula sa kaniya sa pamamagitan ng mga pangitain at mga panaginip, at nagpatulóy sa kaniyang mga anghelikong mensahero. (Gen 12:1-3, 7; 15:1-8, 12-21; 18:1-15; 22:11, 12, 15-18) Alam na alam na niya ang pangalan ng Diyos bagaman noong panahong iyon ay hindi pa isinisiwalat ni Jehova ang buong kahulugan ng Kaniyang pangalan. (Exo 6:2, 3) Sa maraming pagkakataon, si Abraham ay nagtayo ng mga altar at naghandog ng mga hain sa pangalan ni Jehova at sa ikapupuri at sa ikaluluwalhati ng kaniyang Diyos.​—Gen 12:8; 13:4, 18; 21:33; 24:40; 48:15.

Bilang patriyarkang ulo, hindi pinahintulutan ni Abraham sa kaniyang sambahayan ang anumang gawaing idolatroso o di-makadiyos kundi patuluyan niyang tinuruan ang lahat ng kaniyang mga anak at mga lingkod na ‘ingatan ang daan ni Jehova at isagawa ang katuwiran at kahatulan.’ (Gen 18:19) Ang bawat lalaking kabilang sa sambahayan ni Abraham ay obligadong magpatuli sa ilalim ng kautusan ni Jehova. Ang Ehipsiyong aliping babae na si Hagar ay tumawag sa pangalan ni Jehova sa panalangin. At ang pinakamatandang lingkod ni Abraham, sa isang lubhang makabagbag-damdaming panalangin kay Jehova, ay nagpamalas ng kaniya mismong pananampalataya sa Diyos ni Abraham. Maging si Isaac, noong binata na siya, ay nagpatunay ng kaniyang pananampalataya at pagkamasunurin kay Jehova sa pamamagitan ng pagpapahintulot na talian siya sa kamay at paa at ilagay siya sa ibabaw ng altar bilang hain.​—Gen 17:10-14, 23-27; 16:13; 24:2-56.

Katunayan ng Pag-iral. Binanggit ni Jesus at ng kaniyang mga alagad si Abraham ng mahigit sa 70 ulit sa kanilang mga pag-uusap at mga isinulat. Sa kaniyang ilustrasyon tungkol sa taong mayaman at kay Lazaro, tinukoy ni Jesus si Abraham sa makasagisag na diwa. (Luc 16:19-31) Nang ipaghambog ng kaniyang mga kalaban na sila ay mga supling ni Abraham, kaagad na itinawag-pansin ni Jesus ang kanilang pagpapaimbabaw, sa pagsasabing: “Kung kayo ay mga anak ni Abraham, gawin ninyo ang mga gawa ni Abraham.” (Ju 8:31-58; Mat 3:9, 10) Oo, gaya ng sinabi ng apostol na si Pablo, hindi ang pinagmulan sa laman ang mahalaga, kundi, sa halip, ang pananampalatayang tulad ng kay Abraham ang kailangan upang ang isa ay maipahayag na matuwid. (Ro 9:6-8; 4:1-12) Tinukoy rin ni Pablo na ang tunay na binhi ni Abraham ay si Kristo, kasama niyaong mga kay Kristo bilang “mga tagapagmana ayon sa isang pangako.” (Gal 3:16, 29) Binanggit din niya ang tungkol sa kabaitan at pagkamapagpatuloy ni Abraham sa mga estranghero, at sa kaniyang mahabang talaan ng namumukod-tanging mga saksi ni Jehova sa Hebreo kabanata 11, hindi kinaligtaan ni Pablo si Abraham. Si Pablo ang nagsabi na ang dalawang babae sa buhay ni Abraham, sina Sara at Hagar, ay mga tauhan sa isang makasagisag na drama na may kaugnayan sa dalawang tipan ni Jehova. (Gal 4:22-31; Heb 11:8) Idinagdag pa ng manunulat ng Bibliya na si Santiago na sinuhayan ni Abraham ang kaniyang pananampalataya ng matuwid na mga gawa at dahil dito ay nakilala siya bilang “kaibigan ni Jehova.”​—San 2:21-23.

Pinatunayan din ng mga tuklas sa arkeolohiya ang mga bagay na inilahad sa kasaysayan ni Abraham sa Bibliya: Ang heograpikong lokasyon ng maraming lugar at ang mga kaugalian noong panahong iyon, gaya ng pagbili ng parang mula sa mga Hiteo, ng pagpili kay Eliezer bilang tagapagmana, at ng pakikitungo kay Hagar.

[Dayagram sa pahina 34]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

TALAANGKANAN NI ABRAHAM

TERA

NAHOR

Reuma

4 na anak na lalaki

HARAN

Milca

BETUEL

LABAN

7 iba pang anak na lalaki

Isca

LOT

Anak na Babae 1

MOAB

MGA MOABITA

Anak na Babae 2

BEN-AMI

MGA AMMONITA

ABRAHAM

Ketura

6 na anak na lalaki

Hagar

ISMAEL

MGA ISMAELITA

Sara

ISAAC

Rebeka

ESAU

MGA EDOMITA

JACOB Ang mga numero sa ilalim ng mga anak na lalaki ni Jacob ay ayon sa kanilang kapanganakan

Lea

RUBEN (1)

SIMEON (2)

LEVI (3)

JUDA (4)

Ang linya na pinagmulan ni Jesu-Kristo

ISACAR (9)

ZEBULON (10)

Dina

Raquel

JOSE (11)

BENJAMIN (12)

Bilha

DAN (5)

NEPTALI (6)

Zilpa

GAD (7)

ASER (8)

tumutukoy sa asawa o pangalawahing asawa

tumutukoy sa supling