Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Absalom

Absalom

[Ang Ama [samakatuwid nga, ang Diyos] ay Kapayapaan].

Ang ikatlo sa anim na lalaking ipinanganak kay David sa Hebron. Ang kaniyang ina ay si Maaca na anak ni Talmai na hari ng Gesur. (2Sa 3:3-5) Si Absalom ay nagkaanak ng tatlong lalaki at isang babae. (2Sa 14:27) Maliwanag na tinatawag siyang Abisalom sa 1 Hari 15:2, 10.​—Tingnan ang 2Cr 11:20, 21.

Talagang lahi ng magaganda ang pamilya ni Absalom. Pinuri siya sa buong bansa dahil sa kaniyang namumukod-tanging kagandahang-lalaki. Ang kaniyang malagong buhok, na tiyak na lalo pang pinabigat ng paggamit ng langis o mga ungguento, ay tumitimbang nang mga 200 siklo (2.3 kg; 5 lb) tuwing gugupitin ito taun-taon. Maganda rin ang kaniyang kapatid na babae na si Tamar, at ang kaniyang anak na babae, na ipinangalan sa tiya nito, ay “pagkaganda-ganda ng anyo.” (2Sa 14:25-27; 13:1) Ngunit sa halip na maging kapaki-pakinabang, ang kagandahang-lalaking ito ay naging dahilan ng ilang pangit na pangyayari na nagdulot ng matinding pighati sa ama ni Absalom, si David, gayundin sa iba pa, at lumikha ng malaking kaguluhan sa bansa.

Pagpaslang kay Amnon. Dahil sa kagandahan ng kapatid na babae ni Absalom na si Tamar, nahumaling dito ang kaniyang nakatatandang kapatid sa ama na si Amnon. Habang nagkukunwaring may sakit, nagpakana si Amnon na paparoonin si Tamar sa kaniyang kuwarto upang ipagluto siya nito, at pagkatapos ay puwersahan niya itong hinalay. Ang erotikong pag-ibig ni Amnon ay napalitan ng mapanghamak na pagkapoot at iniutos niyang itaboy si Tamar sa labas. Hinapak naman ni Tamar ang kaniyang mahabang damit na guhit-guhit na pagkakakilanlan sa kaniya bilang isang anak na dalaga ng hari at naglagay siya ng abo sa kaniyang ulo. Nang makasalubong niya si Absalom, agad nitong nahalata kung ano ang nangyari at kaagad nitong pinaghinalaan si Amnon, anupat nagpapahiwatig na dati na nitong alam na pinagnanasahan ni Amnon si Tamar. Gayunman, tinagubilinan ni Absalom ang kaniyang kapatid na babae na huwag magharap ng anumang akusasyon at dinala niya ito sa kaniyang tahanan upang doon manirahan.​—2Sa 13:1-20.

Ayon kay John Kitto, ang pag-aasikaso ni Absalom kay Tamar, sa halip na ng ama nito, ay kasuwato ng kaugalian sa Silangan, kung saan, sa isang pamilyang poligamo, ang mga anak na iisa ang ina ang mas mahigpit na nabubuklod sa isa’t isa at ang mga anak na babae ay ‘napapasailalim ng pantanging pangangalaga at proteksiyon ng kanilang kapatid na lalaki, na higit na inaasahan kaysa sa mismong ama pagdating sa mga bagay na nakaaapekto sa kanilang kaligtasan at karangalan.’ (Daily Bible Illustrations, Samuel, Saul, and David, 1857, p. 384) Bago pa nito, inako nina Levi at Simeon, dalawa sa mga tunay na kapatid ni Dina, ang paghihiganti dahil sa pagdungis sa karangalan ng kanilang kapatid na babae.​—Gen 34:25.

Nang mabalitaan ni David ang ginawang panghihiya sa kaniyang anak na babae, galit na galit siya ngunit hindi siya gumawa ng anumang hudisyal na pagkilos laban sa nagkasala, marahil ay sa dahilang walang iniharap na tuwiran o pormal na akusasyon na sinusuportahan ng katibayan o mga saksi. (Deu 19:15) Maaaring pinili ni Absalom na huwag gawing isyu ang paglabag ni Amnon sa kautusang Levitiko (Lev 18:9; 20:17) upang maiwasan ang masamang publisidad para sa kaniyang pamilya at pangalan. Gayunpaman, nagkimkim siya ng mapamaslang na pagkapoot kay Amnon at nagpigil ng kaniyang sarili, anupat naghintay siya ng angkop na panahon para makapaghiganti ayon sa sarili niyang paraan. (Ihambing ang Kaw 26:24-26; Lev 19:17.) Magmula noon, ang kaniyang buhay ay naging isang larawan ng kataksilan, na tinatalakay sa kalakhang bahagi ng anim na kabanata ng Ikalawang Samuel.​—2Sa 13:21, 22.

Pagkalipas ng dalawang taon, dumating ang panahon ng paggugupit sa mga tupa na isang masayang okasyon. At naghanda si Absalom ng isang piging sa Baal-hazor na mga 22 km (14 na mi) sa HHS ng Jerusalem, anupat inanyayahan niya ang mga anak ng hari at si David mismo. Nang tumangging dumalo ang kaniyang ama, pinilit ito ni Absalom na padaluhin na lamang si Amnon na panganay ni David. (Kaw 10:18) Sa piging, nang si Amnon ay ‘sumaya dahil sa alak,’ inutusan ni Absalom ang kaniyang mga lingkod na patayin ito. Ang iba pang mga anak ni David ay bumalik sa Jerusalem, at si Absalom ay yumaon sa pagkatapon sa piling ng kaniyang Siryanong lolo sa kaharian ng Gesur sa dakong S ng Dagat ng Galilea. (2Sa 13:23-38) Ang “tabak” na inihula ng propetang si Natan ay pumasok na ngayon sa “sambahayan” ni David at nanatili roon habang nabubuhay siya.​—2Sa 12:10.

Naisauli sa Pagsang-ayon. Nang mapawi ng paglipas ng tatlong taon ang kirot ng pagkamatay ng kaniyang panganay, nakadama si David ng pananabik sa kaniyang anak na si Absalom. Palibhasa’y nabasa ni Joab ang iniisip ng kaniyang tiyong hari, gumawa siya ng paraan upang maigawad ni David kay Absalom ang isang kundisyonal na kapatawaran na magpapahintulot kay Absalom na bumalik ngunit mananatili itong walang karapatang humarap sa korte ng kaniyang ama. (2Sa 13:39; 14:1-24) Dalawang taóng tiniis ni Absalom ang gayong kalagayan at pagkatapos ay sinimulan niyang maniobrahin ang mga bagay-bagay upang lubusan siyang mapatawad. Nang si Joab, bilang isang opisyal ng korte ng hari, ay tumangging dumalaw sa kaniya, ipinasunog ni Absalom ang bukid ng sebada ni Joab upang tumugon ito kaagad sa kaniya. Pagdating ng galít na si Joab, sinabi ni Absalom na nais niyang malaman ang huling pasiya ng hari at sinabi pa, “Kung may anumang kamalian sa akin ay patayin nga niya ako.” Inihatid ni Joab ang mensahe at tinanggap naman ni David ang kaniyang anak. Nang magkita sila, sumubsob sa lupa si Absalom bilang tanda ng ganap na pagpapasakop, at hinalikan siya ng hari na nagpapahiwatig na lubos na siyang pinatatawad nito.​—2Sa 14:28-33.

Mga Gawang Pagtataksil. Gayunman, lumilitaw na ang anumang likas na pagmamahal ni Absalom sa kaniyang amang si David ay naglaho na sa kanilang limang-taóng pagkakahiwalay. Dahil sa tatlong-taóng pakikisama niya sa mga paganong maharlika, maaaring tinubuan siya ng ambisyon na nakasira sa kaniya. Malamang na inisip ni Absalom na nakatalaga siyang lumuklok sa trono sapagkat mga maharlika ang pinagmulan niya sa magkabilang panig ng pamilya. Yamang si Kileab (Daniel), na ikalawa sa linya ng mga anak ni David, ay hindi binabanggit matapos iulat ang kapanganakan nito, posible ring namatay na ito, sa gayon ay si Absalom noon ang pinakamatandang nabubuhay na anak ni David. (2Sa 3:3; 1Cr 3:1) Gayunpaman, ang pangako ng Diyos kay David hinggil sa isang panghinaharap na “binhi” na magmamana ng trono ay ibinigay pagkatapos ng kapanganakan ni Absalom, kung kaya dapat sana ay alam niya na hindi siya ang pinili ni Jehova para sa pagkahari. (2Sa 7:12) Anuman ang naging kalagayan, nang maisauli na sa maharlikang katayuan, pinasimulan ni Absalom ang isang pailalim na pamumulitika. Buong-kahusayan siyang nagkunwari na lubha siyang nababahala sa kapakanan ng bayan at ipinakita niyang siya’y kampeon ng masa. May-katusuhan niyang ipinahiwatig sa bayan, lalo na sa mga hindi kabilang sa tribo ni Juda, na ang korte ng hari ay walang interes sa kanilang mga suliranin at lubhang nangangailangan ng isang mapagmahal na taong tulad ni Absalom.​—2Sa 15:1-6.

Hindi matiyak ang kahulugan ng pariralang “sa pagwawakas ng apatnapung taon” na matatagpuan sa 2 Samuel 15:7, at sa Griegong Septuagint (edisyon ni Lagarde), Syriac na Peshitta, at Latin na Vulgate ay isinasalin ito bilang “apat na taon.” Ngunit malayong mangyari na maghihintay si Absalom ng kabuuang anim na taon upang tuparin ang isang panata, kung ang “apat na taon” ay sisimulang bilangin mula sa panahon ng kaniyang ganap na pagkakabalik. (2Sa 14:28) Yamang ang tatlong-taóng taggutom, isang digmaan laban sa mga Filisteo, at ang pagtatangka ni Adonias na agawin ang trono ay pawang naganap noong panahon ng paghahari ni David ngunit pagkaraan ng mga pangyayaring kababanggit lamang, maliwanag na ang pasimula ng “apatnapung taon” para sa manunulat ay nag-umpisa matagal na bago pa nagsimula ang 40-taóng paghahari ni David, at marahil ay nangangahulugang 40 taon mula nang una siyang pahiran ni Samuel. Kaya posible na si Absalom ay isang ‘kabataan’ pa sa puntong iyon (2Sa 18:5), yamang ipinanganak siya sa pagitan ng 1077 at 1070 B.C.E.

Palibhasa’y alam ni Absalom na marami na siyang tagasunod sa buong kaharian, humingi siya ng pahintulot sa kaniyang ama, sa pamamagitan ng isang pagdadahilan, na makaparoon sa Hebron, ang orihinal na kabisera ng Juda. Mula roon ay mabilis niyang inorganisa ang isang malawakang sabuwatan upang agawin ang trono, at ikinalat niya sa buong bansa ang maraming tiktik upang iproklama ang kaniyang pagkahari. Pagkatapos na hilingin ang pagpapala ng Diyos sa kaniyang pamamahala sa pamamagitan ng paghahandog ng mga hain, nakuha niya ang suporta ng lubhang iginagalang na tagapayo ng kaniyang ama, si Ahitopel. Dahil dito, marami ang lumipat sa panig ni Absalom.​—2Sa 15:7-12.

Palibhasa’y nakaharap si David sa isang malaking krisis at sa posibilidad ng isang malakihang pagsalakay, ipinasiya niya na lisanin ang palasyo kasama ang kaniyang buong sambahayan, bagaman nasa kaniya ang matapat na suporta ng isang malaking kalipunan ng tapat na mga lalaki, kabilang na ang mga pangunahing saserdoteng sina Abiatar at Zadok. Pinabalik niya sa Jerusalem ang dalawang ito upang magsilbing mga impormante. Samantalang umaahon siya sa Bundok ng mga Olibo, nakatapak, may takip sa ulo, at tumatangis, sinalubong siya ni Husai, ang “kaibigan” ng hari, na isinugo rin niya sa Jerusalem upang biguin ang payo ni Ahitopel. (2Sa 15:13-37) Bagaman nililigalig ng mga oportunista, ang isa ay naghahangad ng pabor, ang isa naman ay lipos ng espiritu ng pagkakampi-kampi at nagbubugso ng kinimkim na pagkapoot, kitang-kita ang kaibahan ni David kay Absalom dahil sa kaniyang mahinahong pagpapasakop at pagtangging gumanti ng masama para sa masama. Tinutulan ni David ang pakiusap ng kaniyang pamangking si Abisai na pahintulutan siyang tumawid at ‘tagpasin ang ulo’ ng nambabato at nanunumpang si Simei anupat nangatuwiran siya: “Narito, ang aking sariling anak, na lumabas mula sa aking sariling mga panloob na bahagi, ay naghahanap sa aking kaluluwa; at gaano pa kaya ngayon ang isang Benjaminita! Pabayaan ninyo siya upang siya ay makasumpa, sapagkat gayon ang sinabi ni Jehova sa kaniya! Marahil ay ititingin ni Jehova ang kaniyang mata, at isasauli nga sa akin ni Jehova ang kabutihan sa halip na ang kaniyang sumpa sa araw na ito.”​—2Sa 16:1-14.

Nang masakop ni Absalom ang Jerusalem at ang palasyo, tinanggap niya ang pakunwaring paglipat ni Husai sa kaniyang panig pagkatapos na banggitin muna nang may panunuya na si Husai ay tapat na “kaibigan” ni David. Pagkatapos, bilang pagsunod sa payo ni Ahitopel, hayagang sinipingan ni Absalom ang mga babae ng kaniyang ama bilang katunayan ng lubusang paghiwalay niya kay David at ng kaniyang di-matitinag na kapasiyahan na angkinin ang trono. (2Sa 16:15-23) Sa ganitong paraan ay natupad ang huling bahagi ng kinasihang hula ni Natan.​—2Sa 12:11.

Hinimok naman ngayon ni Ahitopel si Absalom na bigyan siya ng awtoridad na pangunahan ang isang hukbo laban kay David sa mismong gabing iyon upang magapi na si David bago makapag-organisa ang mga hukbo nito. Bagaman nagustuhan ni Absalom ang payo, naisip pa rin niya na mabuting marinig niya ang opinyon ni Husai. Yamang batid ni Husai na kailangan ni David ng panahon, nagbigay siya ng isang matingkad na paglalarawan na ibinagay niya sa kawalan ni Absalom ng tunay na lakas ng loob (na hanggang sa panahong iyon ay mas kinakitaan ng pagmamataas at katusuhan kaysa ng kagitingan ng isang tunay na lalaki), at na makaaakit dito dahil sa kaniyang kapalaluan. Inirekomenda ni Husai na magtipon muna sila ng isang napakalaking hukbo na pangungunahan mismo ni Absalom. Sa patnubay ni Jehova, tinanggap ang payo ni Husai. Maliwanag na dahil nababatid ni Ahitopel na mabibigo ang paghihimagsik ni Absalom, siya ay nagpatiwakal.​—2Sa 17:1-14, 23.

Bilang pag-iingat, si Husai ay nagpadala ng mensahe kay David hinggil sa payo ni Ahitopel, at sa kabila ng mga pagsisikap ni Absalom na mahuli ang lihim na mga sugo, natanggap ni David ang babala at tumawid siya sa Jordan at umahon sa mga burol ng Gilead patungong Mahanaim (na dating kinaroroonan ng kabisera ni Is-boset). Doon ay tinanggap siya nang may pagkabukas-palad at kabaitan. Bilang paghahanda sa labanan, inorganisa ni David sa tatlong pangkat ang kaniyang lumalaking hukbo sa ilalim nina Joab, Abisai, at Ittai na Giteo. Nang himukin siyang manatili sa lunsod, sapagkat mas makabubuti kung naroroon siya, si David ay sumang-ayon at muling nagpakita ng kahanga-hangang kawalan ng hinanakit kay Absalom nang hayagan niyang hilingin sa kaniyang tatlong kapitan na ‘pakitunguhan nang banayad alang-alang sa akin ang kabataang si Absalom.’​—2Sa 17:15–18:5.

Huling Pakikipagbaka at Kamatayan. Ang bagong-tatag na hukbo ni Absalom ay dumanas ng matinding pagkatalo sa kamay ng makaranasang mga mandirigma ni David. Umabot ang pagbabaka hanggang sa kagubatan ng Efraim. Habang tumatakas si Absalom sakay ng kaniyang mula, dumaan siya sa ilalim ng mabababang sanga ng isang malaking punungkahoy at lumilitaw na nasabit ang ulo niya sa sugpungan ng isang sanga anupat naiwan siyang nakabitin. Ang lalaking nag-ulat kay Joab na nakita niya ito ay nagsabing hindi niya susuwayin ang kahilingan ni David sa pamamagitan ng pagpatay kay Absalom bayaran man siya ng “isang libong pirasong pilak [kung siklo, mga $2,200],” ngunit si Joab ay hindi nagpigil at itinarak niya sa puso ni Absalom ang tatlong tagdan, pagkatapos ay sampung tauhan niya ang nakisama sa pagpatay kay Absalom. Nang magkagayon ay itinapon nila ang bangkay ni Absalom sa isang hukay at tinabunan nila ito ng isang bunton ng mga bato yamang hindi siya karapat-dapat ilibing.​—2Sa 18:6-17; ihambing ang Jos 7:26; 8:29.

Nang makarating ang mga mensahero kay David sa Mahanaim, ang una niyang ikinabahala ay ang kaniyang anak. Nang malaman niyang patay na si Absalom, nagpalakad-lakad siya sa silid-bubungan habang umiiyak: “Anak kong Absalom, anak ko, anak kong Absalom! O kung ako na sana ang namatay, ako nga, sa halip na ikaw, Absalom na anak ko, anak ko!” (2Sa 18:24-33) Tanging ang prangkang pananalita at pangangatuwiran ni Joab ang pumawi sa matinding pighati ni David na idinulot ng kalunus-lunos na landasin at wakas ng makisig at maabilidad na kabataang ito, na inakay ng kaniyang masidhing ambisyon upang makipaglaban sa pinahiran ng Diyos, na humantong naman sa kaniya mismong kapahamakan.​—2Sa 19:1-8; ihambing ang Kaw 24:21, 22.

Ang Awit 3 ay isinulat ni David noong panahon ng paghihimagsik ni Absalom, ayon sa superskripsiyon ng awit na iyon.

Ang Bantayog ni Absalom. Isang haligi ang itinindig ni Absalom sa “Mababang Kapatagan ng Hari,” na tinatawag ding “Mababang Kapatagan ng Save,” malapit sa Jerusalem. (2Sa 18:18; Gen 14:17) Itinindig niya iyon sa dahilang wala siyang anak na lalaki na mag-iingat na buháy sa kaniyang pangalan pagkamatay niya. Kaya lumilitaw na ang kaniyang tatlong anak na lalaki na binanggit sa 2 Samuel 14:27 ay mga bata pa nang mamatay. Hindi inilibing si Absalom sa kinaroroonan ng kaniyang bantayog kundi iniwan na lamang siya sa isang hukay sa kagubatan ng Efraim.​—2Sa 18:6, 17.

Isang haliging inukit sa bato sa Libis ng Kidron ang tinatawag na Libingan ni Absalom, ngunit ipinakikita ng arkitektura nito na mula ito sa yugtong Griego-Romano, marahil ay noong panahon ni Herodes. Kaya walang saligan upang iugnay ito sa pangalan ni Absalom.