Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Abubilya

Abubilya

[sa Heb., du·khi·phathʹ; sa Ingles, hoopoe].

Ang abubilya (Upupa epops), na halos kasinlaki ng isang balingkinitang kalapati, ay isang ibon na medyo kulay mapusyaw na kayumangging manilaw-nilaw at may salit-salit na malalapad na guhit na puti at itim sa mga pakpak at likuran nito. Ang pinakaprominenteng katangian nito ay ang kaniyang palong na mga balahibo, na sa bawat dulo ay may puting panggilid at itim na dulo. Ang palong ay nag-uumpisa sa puno ng mahaba, payat at pakurbang tuka at umaabot hanggang sa likod ng ulo ng ibon. Bagaman ang abubilya ay makulay at kaakit-akit, kapansin-pansing marumi ang tirahan at mga ugali nito. Para makakuha ng makakain nitong mga insekto, ipinangkakalkal nito ang kaniyang matulis na tuka hindi lamang sa lupa kundi pati sa mga tumpok ng dumi at iba pang basura. Umaalingasaw ang pugad nito dahil sa mga likidong lumalabas sa mga glandula ng langis ng ibon, at bumabaho rin ang pugad dahil hindi nililinis ng ibong ito ang kaniyang mga dumi roon. Kaya, bagaman ang abubilya ay hindi isang ibong maninila ni kumakain man ng bangkay, kasama ito sa mga ibong nakatala sa Kautusang Mosaiko bilang marumi anupat hindi dapat kainin.​—Lev 11:13, 19; Deu 14:12, 18.

Ang abubilya ay matatagpuan sa buong Asia at Aprika at sa ilang bahagi ng Europa. Nandarayuhan ito sa Palestina sa pasimula ng Marso at nananatili roon bago magsimula ang taglamig, saka naglalakbay patimog sa Ehipto at sa iba pang bahagi ng hilagang Aprika.

Hindi na sinusunod ng makabagong mga salin ang pag-uugnay ng ibong ito sa “lapwing,” gaya ng ginawa sa King James Version (Lev 11:19; Deu 14:18). Kinikilala ng mga tagapagsalin ng Griegong Septuagint at ng Latin na Vulgate na ito ay ang “abubilya” (eʹpops, LXX; upupa, Vg), at ang pagkakakilanlang ito’y pinatutunayan ng mga pangalan ng abubilya sa Syriac at sa Arabe (sa Syriac, qaqupha; sa Arabe, hudhudu).

Naniniwala ang ilan na ang pangalang Hebreo para sa abubilya (du·khi·phathʹ) ay kumakatawan sa kakaiba at malakalapating huni ng ibong ito, gaya rin ng pangalan nito sa ibang mga wikang nabanggit. Ipinapalagay naman ng iba na ang pangalan nito ay halaw sa pandiwang Hebreo na nangangahulugang “dikdikin” (ihambing ang Bil 11:8), anupat tinutukoy nila ang ugali ng abubilya na pangangalkal ng makakain sa lupa.

[Larawan sa pahina 39]

Ang abubilya, marikit na ibong may maruruming ugali