Abuloy
Kaloob, salapi, o tulong na ibinibigay ng isa o higit pang mga tao sa iba. Ang Hebreong teru·mahʹ ay nangangahulugang “abuloy; sagradong bahagi.” (Exo 25:2, tlb sa Rbi8; 29:27, tlb sa Rbi8) Nagmula ito sa pandiwang rum, na literal na nangangahulugang “maging mataas; maitaas; itaas” (Job 22:12; 1Sa 2:1; Gen 14:22) at, kapag nasa anyong causative, ay maaaring mangahulugang “pangyarihing itaas [bilang isang abuloy],” samakatuwid nga, ‘iabuloy.’—Lev 22:15.
Ang isang abuloy ay hindi laging may kasangkot na pagbibigay ng materyal na tulong. Nagpasalamat si Pablo sa Diyos dahil sa mga iniabuloy ng mga Kristiyanong taga-Filipos sa mabuting balita. Bukod sa kanilang personal na pakikibahagi sa pagpapalaganap ng mabuting balita, nagbigay rin sila ng materyal na tulong kay Pablo at malamang na pati sa iba pa, sa gayo’y matapat din nilang sinuportahan ang pangangaral ng mabuting balita sa pinansiyal na paraan.—Fil 1:3-5; 4:16-18.
Ang mga Israelita ay nagkapribilehiyong mag-abuloy para sa pagtatayo at paghahanda ng mga istraktura para sa tunay na pagsamba. Nag-abuloy sila ng mga materyales para sa tabernakulo at sa mga kagamitan nito (Exo 25:1-9; 35:4-9), isang “kusang-loob na handog kay Jehova” na kinailangang pahintuin sapagkat ang mga bagay na ibinigay ay “sapat na para sa lahat ng gawaing isasagawa, at labis-labis pa.” (Exo 35:20-29; 36:3-7) Kasama sa mga abuloy ni Haring David para sa pagtatayo ng templo ang kaniyang “pantanging pag-aari” na ginto at pilak, na nagkakahalaga ng mahigit sa $1,202,000,000. Ang mga prinsipe at ang mga pinuno naman ng bayan ay masayang nag-abuloy ng mahigit sa $1,993,000,000 na halaga ng ginto at pilak, bukod pa sa tanso, bakal, at mga bato.—1Cr 29:1-9.
Sa ilalim ng Kautusan, may mga abuloy na hinihiling sa mga Israelita. Nang kunan sila ni Moises ng sensus, bawat lalaki na 20 taóng gulang at pataas ay inutusang magbigay ng pantubos para sa kaniyang kaluluwa, “kalahating siklo [malamang $1.10] ayon sa siklo ng dakong banal.” Iyon ang “abuloy kay Jehova,” upang magbayad-sala para sa kanilang mga kaluluwa, at “para sa paglilingkod sa tolda ng kapisanan.” (Exo 30:11-16) Ayon sa Judiong istoryador na si Josephus (The Jewish War, VII, 218 [vi, 6]), nang maglaon, ang “sagradong buwis” na ito ay binabayaran taun-taon.—2Cr 24:6-10; Mat 17:24; tingnan ang PAGBUBUWIS.
Bilang panustos ng mga Levita na makasaserdoteng tribo, isinaayos ng Diyos na iabuloy ng mga Israelita ang mga “ikasampung bahagi” ng bunga ng lupain. Iniabuloy naman ng mga Levita ang ikasampung bahagi ng mga ito para sa mataas na saserdote, upang tustusan siya at ang kaniyang pamilya. (Bil 18:26-28; tingnan ang IKAPU.) Ibinigay ni Jehova kay Aaron na mataas na saserdote ang pag-iingat sa mga abuloy ng mga Israelita para sa Diyos, at pinahintulutan niya si Aaron at ang mga anak nito na makibahagi sa mga handog ng mga Israelita at sa langis, alak, mga butil, at mga unang hinog na bunga na ibinibigay ng bayan kay Jehova, anupat pinagkalooban din niya sila ng mga takdang bahagi sa mga haing hayop. Isang buwis mula sa mga samsam sa digmaan ang ibinibigay sa mataas na saserdote bilang “abuloy kay Jehova,” at isang takdang bahagi rin ng mga samsam ang napupunta sa mga Levita.—Bil 31:1, 2, 28-30.
Iba’t ibang mga handog at mga hain ang ibinibigay ng mga Israelita para kay Jehova, ang ilan sa mga ito ay espesipikong hinihiling ng Kautusan. Gayunman, ang iba sa mga ito ay kusang-loob, gaya ng mga handog na pasasalamat at mga panatang handog.—Lev 7:15, 16; tingnan ang HANDOG, MGA.
Noong mga araw ni Haring Jehoas, isang kahon ang inilagay sa may pintuang-daan ng bahay ni Jehova upang paglagakan ng mga abuloy para sa malawakang gawaing pagkukumpuni sa templo. Pagkatapos nito, ang mga prinsipe at ang bayan ay nagsaya na dalhin doon ang “sagradong buwis,” na ginamit nila sa pagpapatibay sa bahay ng Diyos at sa paggawa sa mga kagamitan ng templo.—2Cr 24:4-14.
Mayroon ding mga di-Israelita na nag-abuloy sa tunay na pagsamba. Nang lisanin ni Ezra at ng mga Judiong nalabi ang Babilonya upang magtungo sa Jerusalem noong 468 B.C.E., dala nila ang mga pilak, ginto, at mga kagamitan na iniabuloy ni Haring Artajerjes ng Persia, ng kaniyang mga tagapayo, ng kaniyang mga prinsipe, at ng mga Israelitang nasa Babilonya para sa bahay ng Diyos. Noong panahon ng paglalakbay, ang mahahalagang bagay na ito ay ipinagkatiwala sa pag-iingat ng piniling mga lalaki.—Ezr 7:12-20; 8:24-30.
Sa pagsasagawa ng kanilang ministeryo, si Jesu-Kristo at ang kaniyang mga apostol ay tumanggap ng iniabuloy na materyal na tulong. (Luc 8:1-3) Ang mga Kristiyano sa Macedonia at Acaya ay pantanging nagpakita ng kasabikang tumulong sa kanilang nagdarahop na mga kapatid, anupat “nalugod na ibahagi ang kanilang mga pag-aari sa pamamagitan ng pag-aabuloy sa mga dukha ng mga banal sa Jerusalem,” at maliwanag na ito’y sa pamamagitan ng abuloy na salapi.—Ro 15:26; tingnan ang PAGLIKOM.
Sa Roma 15:26 at 2 Corinto 9:13, ang salitang Griego para sa “abuloy” (koi·no·niʹa) ay maaaring unawain bilang literal na nangangahulugang “pagbabahagi.” Ang salitang Griegong ito ay ginamit din sa Hebreo 13:16: “Huwag ninyong kalilimutan ang paggawa ng mabuti at ang pagbabahagi ng mga bagay-bagay sa iba, sapagkat sa gayong mga hain ay lubos na nalulugod ang Diyos.”
Lumilitaw na maraming mga Judio at mga proselita, na dumayo at naging mga Kristiyano noong panahon ng Pentecostes, 33 C.E., ang nanatili nang ilang panahon sa Jerusalem upang matuto nang higit tungkol sa pananampalataya. Upang walang sinuman ang dumanas ng kakapusan, kusang-loob nilang iniabuloy ang kanilang mga pag-aari; “taglay nila ang lahat ng bagay para sa lahat.” (Gaw 4:32-37; ihambing ang Gaw 5:1-4.) Pagkaraan nito, ang kongregasyon sa Jerusalem ay gumawa ng araw-araw na pamamahagi ng pagkain sa nagdarahop na mga babaing balo. (Gaw 6:1-3) Nagbigay si Pablo ng mga tagubilin hinggil sa paggamit ng iniabuloy na pondo para sa pangangalaga sa mga babaing balo na talagang karapat-dapat tulungan.—1Ti 5:9, 10; tingnan ang TULONG.
Sa sinaunang kongregasyong Kristiyano, hindi sapilitan ang pagbibigay ng abuloy. May kinalaman dito, sumulat si Pablo: “Gawin ng bawat isa ang ayon sa ipinasiya niya sa kaniyang puso, hindi mabigat sa loob o sa ilalim ng pamimilit, sapagkat iniibig ng Diyos ang masayang nagbibigay.”—2Co 9:7.
Hindi masusukat sa laki ng abuloy ang pagkabukas-palad ng nagbibigay. Minsan ay pinagmasdan ni Jesu-Kristo ang mga taong naghuhulog ng salapi sa mga kabang-yaman ng templo. Ang mga mayayaman ay naghulog ng maraming barya, ngunit si Jesus ay humanga sa buong-pusong pagkabukas-palad ng isang nagdarahop na babaing balo na naghulog lamang ng dalawang maliit na barya na napakaliit Luc 21:1-4; Mar 12:41-44) Hinggil sa pag-aabuloy upang tumulong sa mga dukhang kapananampalataya, ganito ang sinabi ni Pablo: “Kung ang pagiging handa ay naroroon muna, ito ay lalo nang kaayaaya ayon sa taglay ng isang tao, hindi ayon sa hindi taglay ng isang tao.”—2Co 8:12.
ng halaga, anupat sinabi niya: “Ang babaing balo na ito, bagaman dukha, ay naghulog ng higit kaysa sa kanilang lahat. Sapagkat ang lahat ng mga ito ay naghulog ng mga kaloob mula sa kanilang labis, ngunit ang babaing ito mula sa kaniyang kakapusan ay naghulog ng lahat ng kabuhayang taglay niya.” (Bagaman walang sinumang makapagpapayaman kay Jehova, na nagmamay-ari ng lahat ng bagay (1Cr 29:14-17), ang pag-aabuloy ay isang pribilehiyo upang maipakita ng mananamba ang kaniyang pag-ibig kay Jehova. Kapag ang mga abuloy ay ibinibigay, hindi upang magpasikat o udyok ng sakim na mga motibo, kundi taglay ang tamang saloobin at upang itaguyod ang tunay na pagsamba, ang mga ito ay nagdudulot ng kaligayahan at ng pagpapala ng Diyos. (Gaw 20:35; Mat 6:1-4; Kaw 3:9, 10) Matatamo ng isang tao ang kaligayahang ito kung regular siyang magbubukod ng anumang maiipon niya mula sa kaniyang materyal na mga tinatangkilik upang suportahan ang tunay na pagsamba at tulungan ang mga karapat-dapat.—1Co 16:1, 2.
Si Jehova ang nagpapakita ng pinakamahusay na halimbawa ng pagbibigay, sapagkat ang sangkatauhan ay pinagkalooban niya “ng buhay at ng hininga at ng lahat ng mga bagay” (Gaw 17:25), ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak para sa sangkatauhan (Ju 3:16), at pinayayaman niya ang mga Kristiyano ukol sa bawat uri ng pagkabukas-palad (2Co 9:10-15). Tunay nga, “ang bawat mabuting kaloob at ang bawat sakdal na regalo ay mula sa itaas, sapagkat bumababa ito mula sa Ama ng makalangit na mga liwanag.”—San 1:17; tingnan ang KALOOB, REGALO.
Tingnan din ang BANAL NA ABULOY.