Acad
Isa sa apat na lunsod na itinatag ni Nimrod na bumubuo sa “pasimula ng kaniyang kaharian.” (Gen 10:10) Ipinapalagay na ang Acad (Akkad) ay ang sinaunang lunsod ng Agade. Hindi matiyak ang eksaktong lokasyon nito.
Ang pangalang Akkad ay ikinakapit din sa buong hilagaang rehiyon niyaong tinawag na Babilonia nang dakong huli. Lumilitaw na ang Akkad ay naging prominente bilang ang pangunahin o maharlikang lunsod ng rehiyong iyon sa ilalim ni Sargon I (hindi ang Sargon sa Isa 20:1). Ang timugang pook ng Mesopotamia ay tinawag na Sumer. Ang Babilonia ay nabuo mula sa dalawang lugar na ito, at sa mga tekstong Babilonyo, ang kaniyang mga tagapamahala ay tinatawag pa ring “hari ng Akkad” hanggang nang bumagsak ang Babilonya noong 539 B.C.E. Ayon sa Cyrus Cylinder, ginamit ng manlulupig ng Babilonya ang titulong “Hari ng Babilonya, hari ng Sumer at Akkad.”
Lumilitaw na mas mahusay ang mga Akkadiano kaysa sa mga Sumeriano sa paglilok ng magagandang eskultura at sa masinsing pag-ukit ng mga pantatak. Ang terminong Akkadiano (Acadiano) ay ginagamit sa ngayon upang tumukoy sa sinaunang mga wikang Asiryano at Babilonyo.