Acan
[katunog ng salitang Acar, na nangangahulugang “Tagapagdala ng Sumpa (Kaguluhan)”].
Anak ni Carmi na mula sa sambahayan ni Zabdi na mula sa pamilya ni Zera na mula sa tribo ni Juda; tinatawag ding Acar.—1Cr 2:7.
Nang tawirin ng mga Israelita ang Jordan, malinaw na ipinag-utos ni Jehova na ang unang bunga ng pananakop, ang lunsod ng Jerico, ay “magiging isang bagay na nakatalaga sa pagkapuksa; . . . iyon . . . ay kay Jehova.” Ang pilak at ginto nito ay dapat ibigay sa ingatang-yaman ni Jehova. (Jos 6:17, 19) Gayunman, nang makakita si Acan ng isang mamahaling kasuutan mula sa Sinar at isang 50-siklong bara ng ginto (nagkakahalaga ng mga $6,400) at 200 siklong pilak ($440), palihim niyang ibinaon ang mga iyon sa ilalim ng kaniyang tolda. (Jos 7:21) Ang totoo, ninakawan niya ang Diyos! Dahil sa paglabag na ito sa malinaw na mga tagubilin ni Jehova, ipinagkait niya ang kaniyang pagpapala nang salakayin nila ang sumunod na lunsod, ang Ai, anupat napilitang tumakas ang Israel. Sino ang nagkasala? Walang sinuman ang umamin. Dahil dito, ang buong Israel ay isinailalim sa paglilitis. Dumaan sila sa harap ni Jehova nang tribu-tribo, pagkatapos ay pami-pamilya mula sa tribo ni Juda, at nang dakong huli ay bawat lalaki mula sa sambahayan ni Zabdi, hanggang sa ‘mapili’ si Acan. (Jos 7:4-18) Noon lamang niya inamin ang kaniyang pagkakasala. Agad itong sinundan ng paglalapat ng kamatayan. Si Acan, ang kaniyang pamilya (na malamang na may kabatiran sa ginawa niya), at ang kaniyang mga alagang hayop ay pinagbabato muna hanggang sa mamatay, at pagkatapos ay sinunog sa apoy, kasama ang lahat ng kaniyang pag-aari, sa Libis ng Acor, na nangangahulugang “Sumpa; Kaguluhan.”—Jos 7:19-26.