Acaya
Bago sakupin ng mga Romano ang Acaya noong 146 B.C.E., tumutukoy lamang ito sa isang maliit na rehiyon sa Peloponnesus, na sumasaklaw sa kahabaan ng timugang baybayin ng Gulpo ng Corinto, sa isang lokasyon na halos katulad niyaong kinaroroonan ngayon ng seksiyon na may gayunding pangalan.
Sa mga tula ni Homer, ang mga Griego sa pangkalahatan ay tinatawag na mga taga-Acaya. Dahil sa pagiging prominente ng Ligang Acheano na isang kompederasyon ng mga lunsod, at yamang ito ang pinakamakapangyarihang lupong pulitikal sa Gresya noong panahong sakupin ito, karaniwang tinutukoy noon ng mga Romano ang buong Gresya bilang Acaya.
Noong 27 B.C.E., nang muling organisahin ni Cesar Augusto ang dalawang probinsiya ng Gresya, ang Macedonia at Acaya, ang pangalang Acaya ay tumukoy sa buong Peloponnesus at sa isang bahagi ng kontinente ng Gresya. Ang probinsiya ng Acaya ay nasa ilalim noon ng administrasyon ng Senadong Romano at pinamamahalaan ng isang proconsul mula sa kabisera nito, ang Corinto. (2Co 1:1) Ang iba pang mga lunsod ng probinsiya ng Acaya na binanggit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ay ang Atenas at Cencrea. Ang Acaya at ang karatig na probinsiya nito sa dakong H, ang Macedonia, ay karaniwang binabanggit na magkasama.—Gaw 18:1, 18; 19:21; Ro 15:26; 16:1; 1Te 1:7, 8.
Noong taóng 15 C.E., bilang tugon sa mga reklamo dahil sa napakataas na singil ng buwis, inilagay ni Tiberio ang Acaya at Macedonia sa ilalim ng kontrol ng imperyo upang mapangasiwaan ang mga ito mula sa probinsiya ng Moesia. Nagpatuloy ito hanggang noong 44 C.E. nang ibalik ni Emperador Claudio ang mga probinsiyang ito sa kontrol ng senado, na naging dahilan upang isang proconsul ang muling mamahala sa mga ito mula sa Corinto. Dahil sa kawalang-alam sa mga bagay na ito, tinututulan noon ng ilang kritiko ang pagtukoy ng Bibliya kay Galio bilang “proconsul ng Acaya,” kung kanino iniharap si Pablo. (Gaw 18:12) Gayunman, ipinakikita sa isang inskripsiyon na natuklasan sa Delphi na talagang nagkaroon ng isang proconsul sa Acaya na nagngangalang Galio noong panahong tinukoy ng istoryador na si Lucas, ang manunulat ng Mga Gawa.—Tingnan ang GALIO.
Sa Roma 15:26, itinawag-pansin ng apostol na si Pablo ang pagkabukas-palad ng mga Kristiyano sa probinsiya ng Acaya nang maglaan sila ng tulong para sa kanilang nagdarahop na mga kapatid sa Jerusalem. Noong ikalawa at ikatlong paglalakbay ni Pablo bilang misyonero, gumugol siya ng mahabang panahon sa Acaya, at nagpahayag siya ng masidhing pag-ibig sa mga kapatid sa rehiyong iyon.—2Co 11:10.
[Mapa sa pahina 42]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
MACEDONIA
ACAYA
Corinto
Atenas