Aco
Isang daungang lunsod na kilala rin bilang Accho, Acre, at Tolemaida. Ito ay nasa hilagaang dulo ng malawak na Look ng Aco (o Look ng Haifa [Mifraz Hefa]) na hugis-C. Nalikha ang look na ito dahil sa tangos ng Bundok Carmel na nakausli sa Dagat Mediteraneo mga 13 km (8 mi) sa dakong T.
Noong kapanahunan ng mga Hukom, ang Canaanitang lunsod na ito ay nasa gulod na ipinapalagay na ang Tell el-Fukhkhar (Tel ʽAkko), mga 1 km (0.6 mi) mula sa look at 1.8 km (1 mi) sa S ng makabagong-panahong mga pader ng Matandang Lunsod. Noong yugtong Persiano, mula noong ikaanim na siglo B.C.E., ang lunsod ay lumawak nang pakanluran upang saklawin ang peninsula na nagsisilbing H dulo ng Look ng Haifa. Ang daungan ng lunsod ay naroon na mula pa noong yugtong Persiano. Pagsapit ng Panahong Kristiyano, kalakip na sa lokasyon ng Aco ang peninsula at saklaw na ito ng lugar ng makabagong ʽAkko.
Yamang ito ay mga 39 na km (24 na mi) sa T ng Tiro, ang Aco ang pinakamahalagang daungang-dagat sa baybayin ng Palestina na kakaunti ang daungan hanggang noong magpagawa si Herodes na Dakila ng mga pangharang sa alon mula sa baybayin palabas sa dagat upang makalikha ng artipisyal na daungan sa Cesarea. Hindi gaanong mahusay na daungan ang Aco kung ihahambing sa mga daungan ng Fenicia sa dakong H at hindi ito mahusay na pananggalang laban sa hanging mula sa dagat. Gayunman, nasa estratehikong lokasyon ito dahil malapit ito sa daang patungo sa matabang Kapatagan ng Jezreel (Esdraelon), at konektado ito sa Galilea, sa Libis ng Jordan, at sa iba pang lugar sa gawing silangan sa pamamagitan ng ilang pangkomersiyong ruta ng kalakalan. Dumaraan din sa Aco ang iniluluwas na mga kahoy, mga panindang gawang-sining, at mga butil.
Ang Aco ay bahagi ng teritoryong iniatas sa Aser sa Lupang Pangako, ngunit hindi pinalayas ng Aser ang mga Canaanitang naninirahan doon. (Huk 1:31, 32) Bagaman minsan lamang binanggit sa Hebreong Kasulatan, mas malimit tukuyin ang lunsod na ito sa di-Biblikal na mga rekord. Ilang ulit na lumilitaw ang pangalan nito sa Amarna Tablets. Ipinakikita ng ibang mga rekord na nasupil ito ng mga Asiryanong hari na sina Senakerib at Ashurbanipal. Ang lunsod na ito ay binabanggit sa Apokripa bilang isang sentro ng pagsalansang noong panahon ng pamamahala ng mga Macabeo. (1 Macabeo 5:15, 22, 55; 12:45-48; 13:12) Nang panahong iyon, ang pangalan nito ay napalitan na ng Tolemaida, isang pangalang nagmula kay Ptolemy II Philadelphus ng Ehipto.
Sa ilalim ni Emperador Claudio, ang lunsod ng Tolemaida (Aco) ay naging isang kolonyang Romano, at noong panahong apostoliko ay may isang grupo ng mga Kristiyano roon. Nang pabalik na si Pablo mula sa kaniyang ikatlong paglalakbay bilang misyonero, tumigil siya sa Aco (kilala noon bilang Tolemaida) nang isang araw at dumalaw sa mga kapatid doon bago maglakbay patungong Cesarea at Jerusalem.—Gaw 21:7.
Sa ngayon, ang ʽAkko ay nahigitan na sa importansiya ng makabagong lunsod ng Haifa na nasa kabilang panig ng look.
[Larawan sa pahina 43]
Ang Aco (nang maglaon ay tinawag na Tolemaida). Tumigil sa daungang lunsod na ito ang apostol na si Pablo noong huling paglalakbay niya patungong Jerusalem