Acor
[Sumpa; Kaguluhan].
Isang libis o mababang kapatagan na bahagi ng HS hangganan ng teritoryo ng tribo ni Juda. (Jos 15:7) Ang libis ay pinanganlan ng Acor, na nangangahulugang “Sumpa; Kaguluhan,” dahil doon pinagbabato si Acan at ang kaniyang sambahayan hanggang sa mamatay sila. Dahil ninakaw niya at itinago ang ilang samsam noong mabihag ang Jerico, nagdala si Acan ng sumpa sa bansang Israel, na naging dahilan ng pagkatalo nila noong kanilang unang pagsalakay sa Ai.—Jos 7:5-26.
Ipinapalagay ng ilan na ang Libis ng Acor ay ang Wadi el Qilt, isang tulad-banging agusang libis na dumaraan malapit sa Jerico. Gayunman, batay sa paglalarawan ng posisyon nito sa Josue 15:7, waring ito ay nasa mas dako pang T, at ipinahihiwatig ng pananalita sa Isaias 65:10 na isa itong mas maluwang at mas malawak na lugar. Dahil dito, ipinapalagay naman ng iba na ito ang el Buqeiʽa (Biqʽat Hureqanya), isang tigang at mababang talampas o lunas, na bumabagtas nang mula H patungong T sa Wadi Qumran (Nahal Qumeran) na malapit sa HK sulok ng Dagat na Patay. Sa arkeolohikal na pagsusuri roon, may natuklasang mga lugar ng sinaunang mga bayan o mga kuta at maging ng mga prinsa.
Sa Oseas 2:15, inalaala ni Jehova ang kabataan ng Israel noong panahon ng Pag-alis, at sa isang hula ng pagsasauli mula sa pagkakabihag na magaganap sa hinaharap, ipinangako niya na “ang mababang kapatagan ng Acor,” na dating isang dako ng sumpa, ay magiging “pasukan tungo sa pag-asa.” At bagaman ang lugar na iyon ay ilang, sa isang katulad na hula ng pagsasauli ay patiunang sinasabi ng Diyos na ang mababang kapatagan ng Acor ay magiging “pahingahang-dako para sa mga baka.”—Isa 65:10.