Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Aczib

Aczib

[Mapanlinlang na Dako].

Ang pangalan ng dalawang lunsod.

1. Isang lunsod sa timugang bahagi ng Lupang Pangako, sa teritoryo ng Juda. (Jos 15:44) Ipinapalagay na ito rin ang “Chezib” (Gen 38:5, AS-Tg), ang lugar kung saan isinilang ang anak ni Juda na si Shela. Ipinakikita ng Josue 15:33 na ito ay nasa maburol na lupain ng Sepela, at sinasabing ito ang Tell el-Beida (Horvat Lavnin) na 5 km (3 mi) sa KTK ng Adulam. Ang Lakis, Moreset-gat, at Maresa (binanggit kasama ng Aczib sa Mik 1:13-15) ay pawang nasa lugar na iyon. Karaniwang ipinapalagay na ang Cozeba, na binanggit sa 1 Cronica 4:22, ay ang Aczib.

2. Isang baybaying lunsod ng Fenicia na nasa teritoryo ng tribo ni Aser. (Jos 19:29) Gayunma’y hindi kailanman nalupig ng Aser ang Aczib, ni ang mas mahalagang lunsod ng Aco (Acre) sa dakong T, marahil ay dahil naging hadlang sa kanila ang plota ng mga barko ng Fenicia. (Huk 1:31, 32) Nasakop ito ni Senakerib ng Asirya noong panahon ni Haring Hezekias at binabanggit niya ito sa kaniyang mga ulat ng kasaysayan sa ilalim ng pangalang Akzibi. Tinawag itong Ecdippa noong mga panahong Griego at Romano. Ipinapalagay na ito ay ang ez-Zib (Tel Akhziv), na mga 14 na km (9 na mi) sa H ng Aco sa bukana ng Wadi Qarn (Nahal Keziv).