Adan
[Makalupang Tao; Sangkatauhan; Tao; mula sa salitang-ugat na nangangahulugang “pula”].
Ang salitang Hebreo para sa pangalang pantanging ito ay lumilitaw sa Kasulatan nang mahigit 560 ulit, kadalasan bilang panlahatang termino na ikinakapit sa mga indibiduwal at sa sangkatauhan sa pangkalahatan gaya ng “tao,” “sangkatauhan,” o “makalupang tao.” Ginagamit din ito bilang pangalang pantangi.
1. Sinabi ng Diyos: “Gawin natin ang tao ayon sa ating larawan.” (Gen 1:26) Tunay na isang makasaysayang kapahayagan ito! At talaga namang isang natatanging papel sa kasaysayan ang ginampanan ni Adan, na “anak ng Diyos,” bilang ang unang nilalang na tao! (Luc 3:38) Si Adan ang naging pinakatampok sa mga gawang paglalang ni Jehova sa lupa, hindi lamang dahil nilalang siya sa pagtatapos ng anim na yugto ng paglalang kundi, mas mahalaga, dahil “nilalang niya siya ayon sa larawan ng Diyos.” (Gen 1:27) Ito ang dahilan kung bakit ang sakdal na taong si Adan at maging ang kaniyang di-sakdal na mga supling, sa mababang antas nga lamang, ay may talino at mga kakayahan na lubhang nakahihigit sa taglay ng lahat ng iba pang nilalang sa lupa.
Sa anong diwa ginawa si Adan ayon sa wangis ng Diyos?
Yamang si Adan ay ginawa ayon sa wangis ng kaniyang Dakilang Maylalang, taglay niya ang mga katangian ng Diyos gaya ng pag-ibig, karunungan, katarungan, at kapangyarihan. Dahil dito, siya ay may moralidad na nagsasangkot sa budhi, isang bagay na bagung-bago noon sa gitna ng mga nabubuhay sa lupa. Bilang larawan ng Diyos, si Adan ay magiging isang pandaigdig na administrador at mamamahala sa mga nilalang sa dagat at sa katihan at sa mga ibon sa himpapawid.
Hindi kinailangan ni Adan na maging espiritung nilalang, sa kabuuan man o kahit bahagya, upang Gen 2:7; 1Co 15:45, 47) Iyon ay noong taóng 4026 B.C.E., malamang na noong taglagas ng taóng iyon, sapagkat ang pinakamatatandang kalendaryo ng sangkatauhan ay bumibilang ng panahon pasimula sa taglagas sa bandang Oktubre 1, o sa unang bagong buwan [new moon] ng lunar na taóng sibil.—Tingnan ang TAON.
magtaglay ng tulad-Diyos na mga katangian. Inanyuan ni Jehova ang tao mula sa alabok ng lupa, inilagay sa kaniya ang puwersa ng buhay anupat siya ay naging kaluluwang buháy, at binigyan Niya siya ng kakayahang maipamalas ang larawan at wangis ng kaniyang Maylalang. “Ang unang tao ay mula sa lupa at gawa sa alabok.” “Ang unang taong si Adan ay naging kaluluwang buháy.” (Ang tahanan ni Adan ay isang napakaespesyal na paraiso, isang tunay na hardin ng kaluguran na tinatawag na Eden (tingnan ang EDEN Blg. 1), na naglalaan sa kaniya ng lahat ng pisikal na mga bagay na kailangan niya upang mabuhay, sapagkat naroon “ang bawat punungkahoy na kanais-nais sa paningin at mabuting kainin” upang magsilbing panustos niya magpakailanman. (Gen 2:9) Nasa palibot ni Adan ang lahat ng uri ng maaamong hayop. Ngunit nag-iisa si Adan. Walang ibang nilalang na ‘ayon sa kaniyang uri’ upang kaniyang makausap. Natalos ni Jehova na “hindi mabuti para sa lalaki na manatiling nag-iisa.” Kaya sa pamamagitan ng una at kaisa-isang operasyon na ginawa ni Jehova, kumuha siya ng isang tadyang mula kay Adan at hinubog niya iyon upang maging isang babae na magiging asawa ni Adan at ina ng mga anak nito. Udyok ng matinding kagalakan sa pagkakaroon ng isang magandang katulong at palagiang kasama, ibinulalas ni Adan ang unang tula na napaulat, “Ito sa wakas ay buto ng aking mga buto at laman ng aking laman,” at ito ay tinawag na babae “sapagkat kinuha ito mula sa lalaki.” Nang maglaon ay tinawag ni Adan na Eva ang kaniyang asawa. (Gen 2:18-23; 3:20) Ang pagiging totoo ng ulat na ito ay pinatunayan ni Jesus at ng mga apostol.—Mat 19:4-6; Mar 10:6-9; Efe 5:31; 1Ti 2:13.
Karagdagan pa, pinagpala ni Jehova ng maraming kasiya-siyang gawain ang mga bagong kasal na ito. (Ihambing ang Ec 3:13; 5:18.) Hindi sila isinumpang magkaroon ng nakababagot na buhay. Sa halip, magiging abala sila at aktibo sa pag-aayos at pag-aalaga ng kanilang harding tahanan, at habang dumarami sila at napupuno ang lupa ng bilyun-bilyong kauri nila, palalawakin nila ang Paraisong iyon hanggang sa mga hangganan ng lupa. Ito ay isang bigay-Diyos na utos.—Gen 1:28.
“Nakita ng Diyos ang bawat bagay na ginawa niya at, narito! iyon ay napakabuti.” (Gen 1:31) Sa katunayan, sa pasimula pa lamang ay sakdal na si Adan sa lahat ng aspekto. Siya ay may kakayahan sa pagsasalita at isang mataas na antas ng bokabularyo. Nabigyan niya ng makahulugang mga pangalan ang mga nilalang na buháy sa buong palibot niya. May kakayahan siyang tuwirang makipag-usap sa kaniyang Diyos at sa kaniyang asawa.
Dahil sa lahat ng ito at sa marami pang ibang kadahilanan, may pananagutan si Adan na ibigin, sambahin, at mahigpit na sundin ang kaniyang Dakilang Maylalang. Higit pa riyan, malinaw na sinabi sa kaniya ng Pansansinukob na Tagapagbigay-Kautusan ang simpleng batas ng pagsunod at lubos na ipinagbigay-alam sa kaniya ang makatarungan at makatuwirang parusa sa pagsuway: “Kung tungkol sa punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain mula roon, sapagkat sa araw na kumain ka mula roon ay tiyak na mamamatay ka.” (Gen 2:16, 17; 3:2, 3) Sa kabila ng malinaw na batas na ito na may kalakip na mabigat na parusa kung susuwayin, sumuway pa rin siya.
Mga Bunga ng Kasalanan. Si Eva ay lubusang nalinlang ni Satanas na Diyablo, ngunit “si Adan ay hindi nalinlang,” ang sabi ng apostol na si Pablo. (1Ti 2:14) Taglay ang lubos na kaalaman, kusa at sadyang pinili ni Adan na sumuway at pagkatapos ay tinangka niyang magtago bilang isang kriminal. Nang isailalim siya sa paglilitis, sa halip na malungkot o magsisi o humingi ng kapatawaran, tinangka ni Adan na ipagmatuwid ang kaniyang sarili at ipasa ang pananagutan sa iba, anupat isinisi pa nga niya kay Jehova ang kaniyang sinasadyang pagkakasala. “Ang babae na ibinigay mo upang maging kasama ko, siya ang nagbigay sa akin ng bunga mula sa punungkahoy kung kaya ako kumain.” (Gen 3:7-12) Kaya si Adan ay pinalayas mula sa Eden tungo sa isang lupang hindi pa nabubungkal na isinumpang magsibol ng mga tinik at dawag, upang doon magpakahirap sa paghanap ng ikabubuhay, anupat inaani ang mapapait na bunga ng kaniyang pagkakasala. Sa labas ng hardin, habang naghihintay ng kamatayan, nagkaanak si Adan ng mga lalaki at mga babae, ngunit tatlo lamang sa mga ito ang kilala natin sa pangalan, sina Cain, Abel, at Set. Naipasa ni Adan sa lahat ng kaniyang mga anak ang namamanang kasalanan at kamatayan, yamang siya mismo ay makasalanan.—Gen 3:23; 4:1, 2, 25.
Ito ang masaklap na pasimula na ibinigay ni Adan sa lahi ng tao. Naiwala ang Paraiso, kaligayahan, at buhay na walang hanggan, at hinalinhan ang mga ito ng kasalanan, pagdurusa, at kamatayan dahil sa pagsuway. “Sa pamamagitan ng isang tao ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa gayon ang kamatayan ay lumaganap sa lahat ng tao sapagkat silang lahat ay nagkasala.” “Ang kamatayan ay namahala bilang hari mula kay Adan.” (Ro 5:12, 14) Ngunit kaayon ng karunungan at pag-ibig ni Jehova, inilaan niya ang “ikalawang tao,” “ang huling Adan,” ang Panginoong Jesu-Kristo. Sa pamamagitan ng masunuring “Anak ng Diyos” na ito, nabuksan ang daan upang muling matamo ng mga inapo ng masuwaying “unang taong si Adan” ang Paraiso at buhay na walang hanggan, anupat ang iglesya o kongregasyon ni Kristo ay magtatamo pa nga ng buhay sa langit. “Sapagkat kung paanong kay Adan ang lahat ay namamatay, gayundin naman kay Kristo ang lahat ay bubuhayin.”—Ju 3:16, 18; Ro 6:23; 1Co 15:22, 45, 47.
Pagkatapos palayasin ang makasalanang si Adan mula sa Eden, nabuhay pa siya upang makita ang pagpaslang sa kaniyang sariling anak, ang pagpapalayas sa kaniyang anak na mamamatay-tao, ang pagsira sa kaayusan sa pag-aasawa, at ang paglapastangan sa sagradong pangalan ni Jehova. Nasaksihan niya ang pagtatayo ng isang lunsod, ang paglikha ng mga panugtog ng musika, at ang pagpapanday ng mga kasangkapan mula sa bakal at tanso. Nagsilbing paghatol kay Adan ang namasdan niyang halimbawa ni Enoc, “ang ikapito sa linya mula kay Adan,” isa na “patuloy na lumakad na kasama ng tunay na Diyos.” Nabuhay pa nga siya upang makita ang ama ni Noe na si Lamec sa ikasiyam na salinlahi. Sa katapus-tapusan, noong taóng 3096 B.C.E., pagkaraan ng 930 taon na sa kalakhang bahagi nito ay unti-unti na siyang patungo sa kamatayan, bumalik si Adan sa lupa na pinagkunan sa kaniya, gaya ng sinabi ni Jehova.—Gen 4:8-26; 5:5-24; Jud 14; tingnan ang LAMEC Blg. 2.
2. Isang lunsod na sa Josue 3:16 ay binanggit na nasa tabi ng Zaretan. Ipinapalagay ng karamihan na ito ay ang Tell ed-Damiyeh (Tel Damiya’), isang dako sa S ng Ilog Jordan na mga 1 km (0.6 mi) sa T ng salubungan ng Jordan at ng agusang libis ng Jabok; ito ay mga 28 km (17 mi) sa HHS ng Jerico. Ang pangalan ng lunsod ay maaaring hinalaw sa kulay ng banlik na luwad, na sagana sa rehiyong iyon.—1Ha 7:46.
Sinasabi ng rekord ng Bibliya na ang pagtigil ng tubig ng Jordan noong tumatawid ang Israel sa ilog ay naganap sa Adan. Malaki ang ikinikitid ng Libis ng Jordan, pasimula sa dako ng Tell ed-Damiyeh (Tel Damiya’) patungong hilaga, at iniulat sa kasaysayan na nagbara ang ilog noong taóng 1267 sa mismong dakong ito dahil sa pagguho ng isang mataas na burol sa kabilang pampang ng ilog, anupat nahinto ang agos ng tubig nang mga 16 na oras. Sa makabagong panahon, ang mga lindol noong tag-araw ng 1927 ay muling nagpaguho ng lupa na bumara sa Jordan at nagpatigil sa agos ng tubig nang 211⁄2 oras. (The Foundations of Bible History: Joshua, Judges, ni J. Garstang, London, 1931, p. 136, 137) Kung ganito ang paraan na minabuti ng Diyos na gamitin, ang pagtigil ng ilog noong mga araw ni Josue ay makahimalang naganap sa tamang oras upang makasabay ng pagtawid ng Israel sa Jordan sa araw na patiunang ipinabatid ni Jehova sa pamamagitan ni Josue.—Jos 3:5-13.