Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Adar

Adar

Ang pangalan ng ika-12 buwang lunar sa sagradong kalendaryo ng mga Judio pagkaraan ng pagkatapon, ngunit ika-6 na buwan naman sa sekular na kalendaryo. (Es 3:7) Katumbas ito ng huling bahagi ng Pebrero at unang bahagi ng Marso. Sa partikular na mga taon, ang buwang intercalary [isinisingit] na tinatawag na Veadar, o ang ikalawang Adar, ay idinaragdag kasunod ng buwan ng Adar.

Sa buwang ito, kung kailan papatapos na ang taglamig at magsisimula na ang tagsibol, nag-uumpisa nang mamulaklak ang mga punong algarroba sa ilang bahagi ng Palestina, at sa mainit-init na mabababang lupain ay maaari nang mag-ani sa mga puno ng kahel at limon.

Sa pamamagitan ng batas na ipinalabas ni Haring Ahasuero ng Persia dahil sa sulsol ng kaniyang punong ministrong si Haman, itinakda ang ika-13 araw ng Adar bilang araw ng pagpuksa sa lahat ng mga Judio sa mga nasasakupang distrito ng kaniyang kaharian. Ngunit isang bagong batas na inilabas nang mamagitan si Reyna Esther ang nakatulong upang magtagumpay ang mga Judio laban sa mga lilipol sana sa kanila, at sa gayon ay iniutos ni Mardokeo na ipagdiwang ang ika-14 at ika-15 araw ng Adar bilang paggunita sa kanilang pagkakaligtas. (Es 3:13; 8:11, 12; 9:1, 15, 20, 21, 27, 28) Ang Judiong kapistahang ito ay tinatawag na Purim, isang pangalang hinalaw sa “Pur, na siyang Palabunot.”​—Es 9:24-26; tingnan ang PURIM.

Buwan din ng Adar nang matapos ni Gobernador Zerubabel ang muling pagtatayo ng templo sa Jerusalem. (Ezr 6:15) Sa ibang mga talata ng Bibliya, tinutukoy lamang ito bilang ang “ikalabindalawang buwan.”​—2Ha 25:27; 1Cr 27:15; Jer 52:31; Eze 32:1.