Adma
[Lupa].
Isa sa limang lunsod sa rehiyon ng “Mababang Kapatagan ng Sidim” na tinahanan ng mga Canaanita. (Gen 10:19; 14:1-3) Malamang na ang mababang kapatagang ito, o lambak, ay malapit sa timugang dulo ng Dagat Asin.
Kasama ng kalapit na mga lunsod ng Sodoma, Gomorra, Zeboiim, at Bela (Zoar), ang Adma at ang hari nitong si Sinab ay natalo nang sumalakay ang apat na haring taga-silangan. (Gen 14:8-11) Ipinakikita ng Deuteronomio 29:23 na ang Adma ay nawasak nang dakong huli kasama ng Sodoma, Gomorra, at Zeboiim nang magpaulan si Jehova ng apoy at asupre sa buong lupaing iyon. (Gen 19:25) Sa Oseas 11:8 ay tinutukoy ito, kasama ng Zeboiim, bilang isang babalang halimbawa.
Naniniwala ang maraming iskolar na ang orihinal na mga lugar ng Adma at ng iba pang “mga lunsod ng Distrito” ay nasa ilalim na ngayon ng Dagat Asin, bagaman inaangkin ng ilan kamakailan na ang kaguhuan ng mga lunsod ay maaaring iugnay sa mga lugar sa kahabaan ng mga wadi (agusang libis) sa dakong S at TS ng Dagat na Patay.—Gen 13:12.