Adonias
[Si Jehova ay Panginoon].
1. Ikaapat na anak ni David, ipinanganak ni Hagit sa Hebron.—2Sa 3:4, 5.
Bagaman iba ang ina ni Adonias, malaki ang pagkakatulad niya kay Absalom sa pagiging ‘napakaganda ng anyo’ at sa kaniyang ambisyon. (1Ha 1:5, 6; ihambing ang 2Sa 14:25; 15:1.) Naging prominente siya sa rekord ng Bibliya noong panahong mahina na si David. Sa kabila ng kapahayagan ni Jehova na ang paghahari ay mapupunta kay Solomon (1Cr 22:9, 10), sinimulang ipaghambog ni Adonias na siya ang susunod na magiging hari ng Israel. Yamang patay na sina Amnon at Absalom, at malamang na pati si Kileab, walang alinlangang ang pag-aangkin ni Adonias sa trono ay batay sa kaniyang pagiging pinakamatandang anak. Tulad ni Absalom, hayagan niyang ipinakita ang kaniyang mga pag-aangkin at hindi siya itinuwid ng kaniyang ama. Nagtipon siya ng mga tagasuporta sa pamamagitan ng pagkuha sa pabor ng ulo ng hukbo, si Joab, at ng ulo ng mga saserdote, si Abiatar. (1Ha 1:5-8) Pagkatapos ay nagdaos siya ng isang piging ng paghahain malapit sa En-rogel, di-kalayuan sa lunsod ng Jerusalem, anupat inanyayahan niya ang karamihan sa maharlikang sambahayan, maliban kina Solomon, Natan na propeta, at Benaias. Maliwanag na ang kaniyang layunin ay maideklara siya bilang hari.—1Ha 1:9, 10, 25.
Kumilos kaagad si Natan na propeta upang hadlangan ang pakana ni Adonias. Pinayuhan niya ang ina ni Solomon na si Bat-sheba na ipaalaala kay David ang sumpa nito na gagawin niyang hari si Solomon. Pagkatapos, sumunod si Natan sa silid ng hari upang pagtibayin ang mga salita ni Bat-sheba at babalaan si David hinggil sa kalubhaan ng situwasyon. Ipinahiwatig din ni Natan na waring kumikilos si David nang lingid sa kaalaman ng kaniyang matatalik na kasamahan. (1Ha 1:11-27) Napakilos nito ang matanda nang hari, at iniutos nito na pahiran kaagad si Solomon bilang kasamang-tagapamahala at kahalili sa trono. Dahil sa pagkilos na ito ay nagkaingay nang may kagalakan ang bayan, anupat narinig iyon hanggang sa piging ni Adonias. Di-nagtagal, dumating ang isang mensahero, ang anak ng saserdoteng si Abiatar, dala ang nakababahalang balita na ipinroklama ni David si Solomon bilang hari. Mabilis na nag-alisan ang mga tagasuporta ni Adonias at tumakas siya patungo sa looban ng tabernakulo upang manganlong doon. Pinatawad naman siya ni Solomon sa kundisyon na magpapakabuti na siya.—1Ha 1:32-53.
Gayunman, pagkamatay ni David, lumapit si Adonias kay Bat-sheba at kinumbinsi ito na maging tagapamagitan niya sa harap ni Solomon upang hilingin si Abisag na kabataang tagapag-alaga at kasama ni David para maging kaniyang asawa. Ang pananalita ni Adonias na “ang paghahari ay magiging akin sana, at sa akin itinuon ng buong Israel ang kanilang mukha upang ako ang maging hari” ay nagpapahiwatig na nadama niyang ipinagkait sa kaniya ang kaniyang karapatan, kahit kinilala niyang may patnubay ng Diyos ang bagay na iyon. (1Ha 2:13-21) Bagaman ang kaniyang kahilingan ay maaaring para lamang sa isang kabayaran dahil nawala sa kaniya ang kaharian, mariin nitong ipinahihiwatig na nagniningas pa rin kay Adonias ang apoy ng ambisyon, yamang ayon sa isang alituntunin sa sinaunang Silangan, ang mga asawa at mga babae ng isang hari ay magiging pag-aari lamang ng kaniyang legal na kahalili. (Ihambing ang 2Sa 3:7; 16:21.) Gayon ang naging tingin ni Solomon sa kahilingang ito na ipinaabot sa pamamagitan ng kaniyang ina kung kaya iniutos niyang patayin si Adonias, na kaagad namang isinagawa ni Benaias.—1Ha 2:22-25.
2. Isang Levita na isinugo ni Jehosapat upang magturo sa mga lunsod ng Juda.—2Cr 17:7-9.
3. Isa sa “mga ulo ng bayan” na ang inapo, kung hindi man siya mismo, ay sumama sa ilang mga prinsipe at mga Levita nang ang kontrata ng pagtatapat na ginawa ng pinabalik na mga Israelita noong mga araw nina Nehemias at Ezra ay patotohanan sa pamamagitan ng tatak. (Ne 9:38; 10:1, 14, 16) Iminumungkahi ng ilan na siya rin ang Adonikam sa Ezra 2:13, na ang mga inapo, na may bilang na 666, ay bumalik mula sa Babilonya sa ilalim ni Zerubabel noong 537 B.C.E. Waring pinatutunayan ito ng paghahambing sa mga pangalan ng mga kinatawan ng bayan na nagtatak sa resolusyon na nakaulat sa Nehemias 10 at sa mga pangalan ng mga ulo ng bumalik na mga tapon na nakatala sa Ezra 2.