Adria
Sa Gawa 27:27 ay may binabanggit na “dagat ng Adria” kung saan gumugol si Pablo ng 14 na mauunos na araw bago mawasak sa pulo ng Malta ang barkong sinasakyan niya. Sinabi ni Strabo na ang pangalang ito ay hinalaw sa lunsod ng Atria na nasa bukana ng Ilog Po sa tinatawag ngayon na Gulpo ng Venice. (Geography, 5, I, 8) Ang Italyanong lunsod ng Adria sa kasalukuyan ay nasa dakong loob mula sa baybayin. Lumilitaw na ang pangalang Adria ay itinawag sa katubigan sa kapaligirang iyon at unti-unting pinalawak anupat sumaklaw sa kabuuan ng kasalukuyang Dagat Adriatico, Dagat Ioniano, at sa mga katubigan ng Mediteraneo sa S ng Sicilia (at Malta) at sa K ng Creta. Kaya saklaw ng pangalang ito ang ilang katubigan na sa ngayon ay itinuturing na nasa labas ng Dagat Adriatico; ngunit noong mga araw ni Pablo, wastong masasabi na ang pulo ng Malta ay nasa “dagat ng Adria.”