Adulam
Isang lunsod ng Juda na nasa matabang mababang lupain o Sepela sa bandang kalagitnaan ng Betlehem at ng Lakis. (Jos 15:35) Ipinapalagay na ito ay ang Tell esh-Sheikh Madhkur (Horvat ʽAdullam), mga 26 na km (16 na mi) sa KTK ng Jerusalem. Ang orihinal na pangalan nito ay waring napanatili sa pangalan ng kalapit na mga guho ng ʽId el-Ma (Miyeh). Mula sa lugar ng Adulam ay matatanaw ang Wadi es-Sur at ang pasukan mula sa bahaging iyon ng Sepela patungo sa loob ng Juda, kaya naman isa itong estratehikong dako. Pangunahin itong nakilala dahil sa “yungib ng Adulam,” kung saan tumakas si David mula kay Haring Saul. Maraming yungib na batong-apog ang masusumpungan sa lugar na ito.—2Sa 23:13.
Maliwanag na ang Adulam ay isang sinaunang lunsod. Ang unang pagkabanggit nito sa Bibliya ay may kaugnayan kay Hira na “Adulamita,” na naging kaibigan ni Juda bago lumipat sa Ehipto ang pamilya ni Jacob. (Gen 38:1, 2, 12, 20) Noong panahon ng pagsalakay ni Josue pagkaraan ng mga tatlong siglo, ang Adulam ay isa sa 31 maliliit na kaharian na nilupig niya. (Jos 11:1-15; 12:15) Nang maglaon, ang Adulam ay itinakda sa Juda kasama ng iba pang mga lunsod ng Sepela.—Jos 15:33-35.
Noong panahong tinutugis si David ni Haring Saul, siya ay tumakas mula sa Filisteong hari na si Akis ng Gat at umahon sa Adulam sa isang yungib, kung saan nang bandang huli ay sumama sa kaniya ang mga 400 lalaki. (1Sa 22:1-5) Yamang ang lugar na ito ay mga 19 na km (12 mi) lamang sa KTK ng Betlehem, maaaring alam na ito ni David mula pa noong mga araw ng kaniyang pagpapastol. Palibhasa’y mahirap itong marating, angkop na gamitin ito ni David bilang kaniyang moog. Nang dakong huli, noong panahon ng kaniyang paghahari, ginamit ito ni David bilang isang himpilan ng operasyong militar sa mga pakikipagdigma laban sa mga Filisteo. Mula sa dakong ito, tatlong mandirigma ang sapilitang pumasok sa Betlehem upang ikuha si David ng tubig sa imbakang-tubig doon. Gayunman, tinanggihan niyang inumin ang tubig yamang kumakatawan iyon sa kanilang dugo na isinapanganib nila upang makuha iyon.—1Cr 11:15-19; 12:16; 2Sa 5:17, 18.
Ang Adulam ay isa sa 15 sunud-sunod na tanggulang lunsod na pinatibay ni Rehoboam ng Juda. (2Cr 11:5-12) Ang mga lunsod na ito, na nilayong maglaan ng proteksiyon mula sa K at T, ay nilupig ng mga hukbo ni Senakerib noong panahon ng pamamahala ni Hezekias (732 B.C.E.). (2Ha 18:13) Noong mga araw ni Nehemias, binabanggit ang Adulam bilang isa sa mga lunsod na muling pinamayanan ng mga Judiong bumalik mula sa pagkatapon sa Babilonya.—Ne 11:30.