Adumim
[mula sa salitang-ugat na nangangahulugang “pula”; posible, Mga Pulang Bato].
Ang sampahan ng Adumim ay isang matarik na daanan na mga 12 km (7.5 mi) sa SHS ng Jerusalem at nasa kalagitnaan ng mga lunsod ng Jerico at Jerusalem. Ito’y paahon mula sa mababang Libis ng Jordan hanggang sa bulubunduking pook ng Juda. Mula pa noong sinaunang mga panahon hanggang sa ngayon, ang lansangan sa pagitan ng dalawang lunsod na iyon ay bumabagtas sa daanang ito. Gayunman, binanggit ito sa rekord ng Bibliya bilang isang palatandaan lamang ng hangganan sa pagitan ng mga teritoryo ng Juda at ng Benjamin.—Jos 15:7; 18:17.
Sa wikang Arabe, ang daanang ito ay tinatawag na Talʽat ed-Damm (nangangahulugang “Sampahan ng Dugo”) at sa Hebreo naman ay Maʽale Adumim (nangangahulugang “Sampahan ng Adumim”). Bagaman ipinapalagay ng ilang sinaunang manunulat na ang pinagmulan ng pangalan ng daanan ay ang pagbububo ng dugo na ginawa ng mga magnanakaw at mga tulisan, mas malamang na hinango iyon sa mamula-mulang kulay ng lupa dahil sa nakalantad na mga bahaging may okre. Laging mapanganib sa rutang ito dahil liblib ang rehiyong iyon at malimit ang nakawan doon, at mula pa noong unang mga panahon, isang kuta ang pinananatili roon upang maprotektahan ang mga manlalakbay. Dahil dito, ang lugar na iyon ang iminumungkahing pinangyarihan ng pagsalakay sa manlalakbay na ‘pababa patungong Jerico,’ gaya ng binanggit sa ilustrasyon ni Jesus tungkol sa madamaying Samaritano.—Luc 10:30-37.
Ang “agusang libis” na binanggit sa Josue 15:7, na sa dakong T niyaon masusumpungan ang sampahan ng Adumim, ay maliwanag na ang Wadi el Qilt, na halos kaagapay ng lansangan at bumabagtas di-kalayuan sa T ng Jerico patungo sa Ilog Jordan.