Agabo
Isang propetang Kristiyano na bumaba sa Antioquia ng Sirya mula sa Jerusalem, kasama ng iba pang mga propeta, noong taóng mamalagi roon si Pablo.
Inihula ni Agabo sa pamamagitan ng espiritu “na isang malaking taggutom ang malapit nang dumating sa buong tinatahanang lupa.” (Gaw 11:27, 28) Gaya ng sinasabi ng ulat, ang hula ay natupad noong panahon ng paghahari ni Emperador Claudio (41-54 C.E.). Nabanggit ng Judiong istoryador na si Josephus ang “malaking taggutom” na ito.—Jewish Antiquities, XX, 51 (ii, 5); XX, 101 (v, 2).
Sa pagtatapos ng huling paglalakbay ni Pablo bilang misyonero (mga 56 C.E.), sinalubong siya sa Cesarea ni Agabo, na humulang aarestuhin si Pablo sa Jerusalem. Isinalarawan niya ito sa pamamagitan ng paggapos sa kaniyang sariling mga kamay at paa gamit ang pamigkis ni Pablo.—Gaw 21:8-11.