Agag
Ang pangalan o titulo na ikinapit sa mahigit sa isang hari ng mga Amalekita.
1. Sa ikatlong makahulang pananalita ni Balaam, inihula niya na isang hari ng Israel ang magiging ‘mas mataas kaysa kay Agag, at ang kaharian nito ay madadakila.’ (Bil 24:7) Ang mga salitang ito ay binigkas noong mga 1473 B.C.E., at wala nang anumang pagbanggit tungkol kay Agag hanggang noong maghari si Haring Saul (1117-1078 B.C.E.). Dahil dito, iminumungkahi ng ilang iskolar na ang “Agag” ay isang titulo na ginamit ng mga hari ng mga Amalekita katulad ng titulong Paraon na ginamit ng mga hari ng Ehipto. Posible rin na isang kaso lamang ito ng paulit-ulit na paggamit ng isang personal na pangalan. Anuman ang kalagayan, ipinahihiwatig ng paraan ng pagtukoy ni Balaam kay Agag na ang kaharian nito ay isang makapangyarihang kaharian noong panahong iyon.—Bil 24:20; tingnan ang AMALEK, MGA AMALEKITA.
2. Ang hari ng Amalek na tinalo ni Haring Saul bilang katuparan ng hatol ni Jehova. (Exo 17:14; Deu 25:17-19; 1Sa 15:1-7) Gayunman, hindi pinatay ni Saul si Agag at hinayaan niyang kunin ng bayan ang ilan sa mga samsam. Dahil dito, ipinahayag ni Samuel na itinakwil ng Diyos si Saul bilang hari. (1Sa 15:8-29) Pagkatapos, si Agag ay pinatay ni Samuel, na nagsabi sa kaniya: “Kung paanong dahil sa iyong tabak ay naulila sa anak ang mga babae, gayon magiging pinakaulila sa anak ang iyong ina sa gitna ng mga babae.”—1Sa 15:32, 33; ihambing ang Huk 1:5-7.