Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Agrikultura

Agrikultura

Pagbubukid; ang pagsasaka ng lupa at pagpapatubo ng mga pananim, gayundin ang pag-aalaga ng mga hayop. Sa Eden nagsimula ang agrikultura, yamang si Adan, matapos siyang lalangin ng Diyos, ay inilagay sa hardin “upang iyon ay sakahin at ingatan.” (Gen 2:5, 15) Gayunman, dahil sa kawalang-katapatan ng unang mag-asawa, hindi nila napalawak ang Paraiso ng Eden, kundi sa halip, ang lupa ay sumailalim sa sumpa ng Diyos. Kinailangang magpawis at magpagal ng isa upang makakuha siya ng ikabubuhay mula sa lupa.​—Gen 3:17-19.

Ang unang anak nina Adan at Eva, si Cain, ay naging “tagapagsaka ng lupa” at si Abel naman ay naging tagapagpastol ng tupa. (Gen 4:2-4) Pagkaraan ng Baha, “si Noe ay nagpasimula bilang isang magsasaka” at nagtanim ng isang ubasan. (Gen 9:20) Nang maglaon, sina Abraham, Isaac, at Jacob ay namuhay nang pagala-gala at naging mga pastol ng kanilang mga kawan, maaaring katulad ni Jabal bago ang Baha (Gen 4:20), bagaman may katibayan din na nagsaka sina Isaac at Jacob, anupat espesipikong binanggit noon ang trigo.​—Gen 26:12; 27:37; 30:14; 37:7.

Agrikultura ng Israel. Ipinakikita ng mga paghuhukay ng mga arkeologo na ang lugar ng Palestina ay isa sa mga kauna-unahang sentro ng agrikultura. Ang Lupang Pangako ay isang napakatabang lupain. Noong mga araw ni Lot, ang distrito ng Jordan ay “tulad ng hardin ni Jehova, tulad ng lupain ng Ehipto hanggang sa Zoar.” (Gen 13:10) Bago ang Pag-alis, naging pamilyar na pamilyar ang bansang Israel sa agrikultura sa Ehipto, kung saan nagtatanim noon ng trigo, lino, sebada, pipino, pakwan, puero, sibuyas, bawang, at iba pang mga produkto. (Exo 9:25, 26, 31, 32; Bil 11:5; Deu 11:10) Pagkatapos nito, sa loob ng 40 taon, ang bansa ay namuhay nang pagala-gala sa ilang, ngunit maituturing namang naging malaya sila sa nakasisirang pakikipagsamahan sa mga paganong bayan.

Pagpasok nila sa Lupang Pangako, namirmihan ang bansa at namuhay bilang mga magsasaka at mga pastol. Tiyak na naging bentaha sa kanila na ang lupaing pinamayanan nila ay dati nang sinasaka. Noong panahong iyon, ang karamihan sa mga Hebreong pamilyar sa agrikultura sa Ehipto ay namatay na sa ilang, at dahil dito, kakaunti, kung mayroon man, ang kuwalipikado at mahuhusay na magsasaka na may praktikal na karanasan upang mapasimulang sakahin ang isang lupaing bago at kakaiba para sa kanila. (Bil 14:22-30; Heb 3:16, 17) Kaya naman naging malaking bentaha sa kanila na manahin ang ‘mga bahay na punô ng lahat ng mabubuting bagay, mga imbakang-tubig na hinukay, mga ubasan at mga punong olibo na itinanim na at namumunga.’​—Deu 6:10, 11; 8:6-9.

Pagkatapos hati-hatiin ang lupain bilang mga teritoryo ng tribo, hinati-hati naman ang mga ito bilang mga lote ng lupa, maliwanag na sa pamamagitan ng lubid na panukat. (Aw 78:55; Eze 40:3; Am 7:17; Mik 2:4, 5) Nang maitatag na ang mga hangganan, kinailangan nilang kilalanin at igalang ang mga ito.​—Deu 19:14; 27:17; Kaw 22:28; Os 5:10; ihambing ang Job 24:2.

May mahalagang dako ang agrikultura sa mga batas na ibinigay sa Israel. Ang lupain ay kay Jehova kung kaya hindi ito dapat abusuhin. (Lev 25:23) Hindi ito maaaring ipagbili nang panghabang-panahon, at maliban sa mga ari-ariang nasa loob ng mga lunsod na may pader, ang lupaing ipinagbili dahil sa kagipitan at pagbagsak ng kabuhayan ay dapat ibalik sa orihinal na may-ari sa taon ng Jubileo. (Lev 25:10, 23-31) Kahilingan noon na magkaroon ng isang sabbath na kapahingahan tuwing ikapitong taon, anupat sa panahong iyon ay hindi tatamnan ang lupain upang manauli ang katabaan nito, sa gayon ay magdudulot ito ng kapakinabangang katulad niyaong sa pagpapalit-palit ng pananim sa ngayon. (Exo 23:10, 11; Lev 25:3-7) Maaaring naging waring mapanganib ang kahilingang ito at tiyak na naging pagsubok ito sa pananampalataya ng bansa sa pangako ng Diyos na maglalaan siya nang sagana upang makaraos sila hanggang sa pag-aani ng kasunod na taon. Ngunit kasabay naman nito, napasigla sila na maingat na magpasiya at patiunang maghanda. Ang taon ng Jubileo (tuwing ika-50 taon) ay naging isa ring taon ng kapahingahan para sa lupain.​—Lev 25:11, 12.

Ang tatlong taunang kapistahan na iniutos sa Israel na ipagdiwang ay itinapat sa mga kapanahunang agrikultural: ang Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa kapag panahon ng pag-aani ng sebada, ang Pentecostes kapag panahon ng pag-aani ng trigo, at ang Kapistahan ng mga Kubol kapag matatapos nang anihin ang mga bunga ng katatapos na taon. (Exo 23:14-16) Ang mga kapanahunan at pag-aani ay nagsilbing mga salik sa pagpepetsa at mga tagapagpahiwatig ng panahon para sa mga Israelita at mas karaniwan nilang ginagamit ang mga ito kaysa sa mga pangalan ng mga buwan sa kalendaryo. Nagsilbi ring proteksiyon sa mga Israelita sa espirituwal na paraan ang gayong agrikultural na buhay, yamang hindi nila kinailangang umasa sa ibang mga bayan para sa kanilang mga pangangailangan at hindi nila gaanong kinailangang makipagkalakalan sa nakapalibot na mga bansa.

Bagaman ang lupain ay magiging isang lupaing “inaagusan ng gatas at pulot-pukyutan” para sa kanila dahil sa pagpapala ng Diyos, mayroon pa ring mga suliranin sa agrikultura na kinailangang lutasin. Kung magiging masunurin sila, hindi nila kakailanganin ang malawakang pagpapatubig. (Deu 8:7; 11:9-17) Ang tag-ulan ay nagsisimula sa maagang mga pag-ulan sa bandang kalagitnaan ng Oktubre at nagpapatuloy hanggang sa panahon ng huling mga pag-ulan na nagtatapos sa bandang kalagitnaan ng Abril. (Deu 11:14) Pagkatapos ay sinusundan ito ng limang buwan na halos walang ulan, anupat ang init at pagkatuyo ay naiibsan lamang dahil sa makapal na hamog na pumapatak sa gabi at nagpapanariwa sa lupa at mga halaman.​—Gen 27:28; Deu 33:28; tingnan ang HAMOG.

Upang maingatan ang lupa sa mga dalisdis, lumilitaw na gumawa sila noon ng mga hagdan-hagdang lupain na may mga batong pader upang kulungin ang lupa at maiwasang maagnas ang mahalagang pang-ibabaw na lupa. Ipinakikita ng arkeolohikal na mga paghuhukay na sa ilang dalisdis ng burol, makasusumpong ng hanggang 60 o mahigit pa ng gayong mga hagdan-hagdang lupain. Upang matiyak na naiingatan ang mga pananim, nagtatayo ng mga kubol o mga kubo o ng mga permanenteng tore pa nga sa mga ubasan at mga bukid upang makapaglagay roon ng bantay na magmamanman sa palibot.​—Isa 1:8; 5:2; Mat 21:33.

Partikular na binanggit si Haring Uzias bilang ‘maibigin sa agrikultura [sa literal, lupain].’​—2Cr 26:10.

Dahil sa pagsuway nila noong bandang huli, ipinagkait ng Diyos ang kaniyang pagpapala at nagdulot ito ng mga kasakunaan sa agrikultura gaya ng mahihinang ani, mga tagtuyot, mga salot ng balang, amag, at iba pang mga suliranin. Gayundin, dahil sa pagkasira ng malaking bahagi ng kakahuyan at dahil hindi namantini ang mga sistema ng hagdan-hagdang lupain sa loob ng maraming siglo, napakaraming pang-ibabaw na lupa sa kalakhang bahagi ng Palestina ang naagnas. Sa kabila ng mga ito, ang natitirang lupa sa lugar na iyon sa pangkalahatan ay nananatili pa ring napakataba hanggang sa kasalukuyang panahon.​—Tingnan ang MANGHAHASIK, PAGHAHASIK; PAG-AANI; PAGGIGIIK; at ang iba pang kahawig at kaugnay na mga paksa sa ilalim ng kani-kanilang indibiduwal na pamagat.

[Larawan sa pahina 56]

Isang hagdan-hagdang dalisdis ng burol na pangkaraniwan sa agrikultura ng Israel