Ahasuero
Ang pangalan o titulo na ginamit ng Hebreong Kasulatan para sa tatlong magkakaibang tagapamahala.
1. Ang ama ni Dario na Medo na binanggit sa Daniel 9:1. Sa kasalukuyan ay hindi maiugnay nang tiyakan ang Ahasuerong ito sa sinumang tao sa sekular na kasaysayan.
2. Ang Ahasuero sa Ezra 4:6. Noong pasimula ng kaniyang paghahari, isang akusasyon laban sa mga Judio ang isinulat ng kanilang mga kaaway. Maaaring siya si Cambyses, na naging kahalili ni Ciro na manlulupig ng Babilonya at tagapagpalaya ng mga Judio. Si Cambyses ay naghari mula 529 hanggang 522 B.C.E.
3. Ang Ahasuero sa aklat ng Esther ay pinaniniwalaang si Jerjes I, ang anak ng Persianong hari na si Dariong Dakila (Dario Hystaspis). Binanggit na si Ahasuero (Jerjes I) ay namahala sa 127 nasasakupang distrito, mula sa India hanggang sa Etiopia. Ang lunsod ng Susan ang naging kabisera niya sa kalakhang bahagi ng kaniyang pamamahala.—Es 1:1, 2.
Sa aklat ng Esther, lumilitaw na ang opisyal na mga taon ng paghahari ng haring ito ay binibilang mula noong siya’y mamahalang kasabay ng kaniyang ama na si Dariong Dakila. Mangangahulugan ito na ang taon ng pagluklok ni Jerjes ay 496 B.C.E. at na ang unang opisyal na taon ng kaniyang paghahari ay 495 B.C.E. (Tingnan ang PERSIA, MGA PERSIANO.) Noong ikatlong taon ng kaniyang paghahari, sa isang marangyang piging, inutusan niya ang kaakit-akit na si Reyna Vasti na humarap at ipakita ang kagandahan nito sa mga tao at sa mga prinsipe. Nang ito’y tumanggi, sumiklab ang kaniyang galit at inalis niya ito sa pagiging reyna. (Es 1:3, 10-12, 19-21) Noong ikapitong taon ng kaniyang paghahari ay pinili niya si Esther, isang babaing Judio, mula sa maraming dalagang pinagpilian niya ng kahalili ni Vasti. (Es 2:1-4, 16, 17) Noong ika-12 taon ng kaniyang paghahari, pinahintulutan niya ang kaniyang punong ministrong si Haman na gamitin ang singsing na panlagda ng hari upang lagdaan ang isang utos na nagpapahintulot na lipulin ang lahi ng mga Judio. Ang pakanang ito ay nahadlangan ni Esther at ng kaniyang pinsang si Mardokeo, ibinitin si Haman, at isang bagong utos ang inilabas na nagbibigay ng karapatan sa mga Judio na lumaban sa mga papatay sa kanila.—Es 3:1-11; 7:9, 10; 8:3-14; 9:5-10.
Nang maglaon, “si Haring Ahasuero ay nagpataw ng puwersahang pagtatrabaho sa lupain at sa mga isla sa dagat.” (Es 10:1) Ang paglalarawang ito ay angkop na angkop kay Jerjes yamang tinapos niya ang maraming gawaing pagtatayo na sinimulan ng kaniyang ama na si Dario sa Persepolis.
Lumilitaw rin na si Jerjes I ang “ikaapat [na hari]” na binanggit sa Daniel 11:2, anupat ang tatlong nauna ay sina Cirong Dakila, Cambyses II, at Dario Hystaspis. Bagaman pitong iba pang hari ang sumunod kay Jerjes sa trono ng Imperyo ng Persia, si Jerjes ang huling emperador ng Persia na nakipagdigma sa Gresya, na ang pagbangon bilang nangingibabaw na kapangyarihang pandaigdig ay inilalarawan sa kasunod na talata.—Dan 11:3.