Ahenho
[sa Heb., la·ʽanahʹ; sa Gr., aʹpsin·thos; sa Ingles, wormwood].
Tumutukoy ito sa maraming halamang kadalasan ay makahoy, na napakapait ang lasa at matapang ang aromatikong amoy. May ilang uri ng ahenho na matatagpuan sa Palestina, partikular na sa mga lugar na disyerto. Ang pinakakaraniwan ay ang Artemisia herba-alba, isang maliit na palumpong na tumataas nang 40 sentimetro (16 na pulgada). Sa Kasulatan, ang ahenho ay inihahambing sa mga bungang idudulot ng imoralidad (Kaw 5:4) at sa mapait na karanasang sasapit at sumapit nga sa Juda at sa Jerusalem sa mga kamay ng mga Babilonyo. (Jer 9:15; 23:15; Pan 3:15, 19) Lumalarawan din ito sa kawalang-katarungan at kalikuan (Am 5:7; 6:12) at ginagamit may kaugnayan sa mga apostata. (Deu 29:18) Sa Apocalipsis 8:11, ang ahenho ay tumutukoy sa isang mapait at nakalalasong substansiya, tinatawag ding absinthe.