Ahitopel
Isang katutubo ng Gilo na nasa mga burol ng Juda (2Sa 15:12), ama ng isa sa makapangyarihang mga lalaki ni David na nagngangalang Eliam, at posibleng lolo ni Bat-sheba. (2Sa 11:3; 23:34) Bilang personal na tagapayo ni David, ang matalinong payo ni Ahitopel ay itinuring na parang salita mismo ni Jehova. (2Sa 16:23) Nang maglaon, ang dating malapít na kasamahang ito ay naging traidor at nakisama sa anak ni David na si Absalom sa pag-agaw sa kapangyarihan ng hari. Bilang isa sa mga pasimuno ng paghihimagsik, pinayuhan niya si Absalom na halayin ang mga babae ni David, at humingi siya ng pahintulot na magtipon ng isang hukbo na binubuo ng 12,000 at kaagad na tugisin at patayin si David habang hindi pa ito organisado at mahina pa. (2Sa 15:31; 16:15, 21; 17:1-4) Nang biguin ni Jehova ang agresibong pakanang ito, at sundin ni Absalom ang payo ni Husai, maliwanag na natanto ni Ahitopel na mabibigo ang paghihimagsik ni Absalom. (2Sa 15:32-34; 17:5-14) Nagpatiwakal siya at inilibing kasama ng kaniyang mga ninuno. (2Sa 17:23) Maliban sa panahon ng digmaan, ito ang tanging kaso ng pagpapatiwakal na binanggit sa Hebreong Kasulatan. Lumilitaw na ang kaniyang ginawang pagtatraidor ay ginunita sa Awit 55:12-14.