Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ai

Ai

[Bunton ng mga Guho].

Sa King James Version ay tinatawag din itong “Hai,” anupat doo’y ginamit bilang unlapi ang pamanggit na pantukoy, gaya sa Hebreo. Ang pangalang ito ay lumilitaw rin sa mga anyong pambabae na Aiat at Aija.​—Isa 10:28; Ne 11:31.

1. Isang maharlikang lunsod ng mga Canaanita, ang ikalawang lunsod na nasakop noong panahon ng pagsalakay ng Israel. Ito ay “malapit sa Bet-aven, sa dakong silangan ng Bethel” at katabi ng isang kapatagang libis sa dakong H. (Jos 7:2; 8:11, 12) Lumilitaw na ang Micmash ay nasa dakong T ng Ai.​—Isa 10:28.

Di-nagtagal pagkarating ni Abraham sa Canaan, itinayo niya ang kaniyang tolda sa isang dako kung saan “nasa kanluran ang Bethel at nasa silangan ang Ai.” Nagtayo siya roon ng isang altar at muli niyang pinuntahan ang lugar na ito pagkatapos niyang makipamayan sa Ehipto.​—Gen 12:8; 13:3.

Noong 1473 B.C.E., kasunod ng tagumpay laban sa Jerico, sinalakay ang Ai ng isang maliit na hukbo ng mga 3,000 kawal na Israelita, yamang sinabi ng mga tiktik tungkol sa mga tumatahan sa Ai, “Sila ay kakaunti.” (Jos 7:2, 3) Gayunman, natalo ang Israel dahil sa kasalanan ni Acan. (Jos 7:4-15) Matapos ituwid ang bagay na ito, gumamit si Josue ng isang estratehiya laban sa Ai, anupat nagsaayos siya ng pagtambang sa likuran ng lunsod sa K panig nito. Ang pangunahing hukbo ay ikinalat sa harap ng lunsod sa dakong H, kung saan may isang libis o mababang disyertong kapatagan, at mula roon ay naghanda si Josue para sa harapang pagsalakay sa Ai. Nang mapalabas nila mula sa Ai ang hari nito at ang isang pulutong ng mga lalaki, nagkunwaring umurong ang hukbo ni Josue hanggang sa mapalayo ang mga tumutugis sa kanila mula sa kanilang tanggulan. Pagkatapos ay binigyan ng hudyat ang mga mananambang upang kumilos, at ang lunsod ay binihag at sinilaban. (Jos 8:1-27) Pinatay ang hari ng Ai, at ang lunsod ay ginawang “isang bunton [sa Heb., tel] na namamalagi nang walang takda, na tiwangwang hanggang sa araw na ito.”​—Jos 8:28.

Pagsapit ng panahon ni Isaias, noong ikawalong siglo B.C.E., ang lunsod, o marahil ang isang karatig na lugar, ay tinatahanan na at inihula na ito ang unang kukunin ng hari ng Asirya sa kaniyang pagmamartsa patungong Jerusalem. (Isa 10:28) Pagkatapos ng pagkatapon sa Babilonya, may mga Benjamita mula sa Ai na bumalik kasama ng pulutong ni Zerubabel.​—Ezr 2:28; Ne 7:32; 11:31.

Ipinapalagay ng karamihan na ang Ai ay ang Khirbet et-Tell (Horvat et-Tel), kung saan napanatili ang kahulugan ng sinaunang pangalan nito (ang et-Tell ay nangangahulugang “Ang Gulod; Ang Bunton ng mga Guho”). Ito ay 2.3 km (1.4 mi) sa STS ng Bethel (makabagong Beitin). Gayunman, ipinakikita ng mga paghuhukay roon noong 1933-1935 at noong 1964-1972 na ito ay isang malaking lunsod, na winasak noong mga 2000 B.C.E. at mula noon ay hindi na tinahanan hanggang noong mga 1050 B.C.E. (ayon sa arkeolohikal na mga paraan ng pagpepetsa). Dahil dito, maraming pagtatangkang isinagawa ang mga arkeologo upang baguhin ang diwa ng mga pagtukoy ng Kasulatan sa Ai. Gayunman, para sa arkeologong si J. Simons, hindi dapat iugnay ang Ai sa Khirbet et-Tell dahil sa laki ng lunsod (Jos 7:3), sa kawalan ng malapad na libis sa dakong H ng Khirbet et-Tell (Jos 8:11), at sa iba pang mga kadahilanan. (American Journal of Archaeology, Hulyo-Setyembre 1947, p. 311) Kung ang arkeolohikal na pagpepetsa ay tama, malamang na iba ang lokasyon ng Ai. Ang pangalan mismo ay hindi tiyakang magpapakilala sa isang lugar, yamang gaya ng sinabi ni Sir Frederic Kenyon: “Ang paglilipat ng pangalan mula sa isang wasak o pinabayaang lugar tungo sa isang kalapit na lugar ay karaniwang ginagawa sa Palestina.”​—The Bible and Archæology, 1940, p. 190.

2. Isang lunsod na binanggit kasama ng Hesbon sa hula ni Jeremias laban sa mga Ammonita. (Jer 49:3) Hindi alam kung saan ang lokasyon nito.